top of page
Search

ni Lolet Abania | February 26, 2022


ree

Mahigit 600,000 kabataan na edad 5 hanggang 11 ang nabakunahan na kontra-COVID-19 sa halos isang buwan na pediatric vaccination drive mula nang simulan ito ng gobyerno, ayon sa Department of Health (DOH).


Sa isang interview ngayong Sabado kay DOH Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Dr. Myrna Cabotaje, sinabi nitong dumami talaga ang nagkaroon ng interes na magpabakuna laban sa COVID-19 na mga menor-de-edad sa naturang age group.


“As of February 24, 663,384 na mga batang five- to 11 year-olds ang nabakunahan kontra COVID-19,” ani Cabotaje.


Matatandaan na sinimulan ng gobyerno ang pilot implementation ng pediatric vaccination noong Pebrero 7 habang pinalawig ang program sa buong bansa noong Pebrero 14.


Gayunman, ayon kay Cabotaje, sa ngayon mayroong supply shortage ng reformulated low-dose Pfizer COVID-19 vaccine para sa mga kabataan sa buong mundo.


Samantala, tinatayang may 7 milyong kabataan na edad 5 hanggang 11 sa bansa. Sa bilang na ito, target ng gobyerno na mabakunahan ang 1.7 milyon kontra-COVID-19 sa naturang age group.

 
 

ni Lolet Abania | February 19, 2022


ree

Ipinahayag ng Department of Health (DOH) ngayong Sabado na umabot sa tinatayang 3.5 milyong indibidwal ang nabakunahan kontra-COVID-19 sa third wave ng “Bayanihan, Bakunahan” program na ginawa mula Pebrero 10 hanggang 18.


Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang bilang ng mga nabakunahang indibidwal sa ginawang mass vaccination drive ay kulang pa at hindi naabot ang target ng gobyerno na 5 milyon.


“Bagamat hindi natin na-achieve ‘yung five million na ating target, ating ikinagagalak pa rin natin na mayroon tayong achievement na 3.5 million, nakadagdag sa antas ng pagbabakuna sa ating bansa,” sabi ni Vergeire.


Unang nakaiskedyul ang Bayanihan, Bakunahan III na ipinatupad mula Pebrero 10 hanggang 11, subalit pinalawig ito ng hanggang Pebrero 18.


Sinabi naman ni Vergeire na may mga challenges na kanilang naranasan kaya hindi nila nakamit ang target na 5 milyong Pilipino.


“Unang una, nahati po ang ating healthcare workers between our Bayanihan, Bakunahan and children’s vaccination,” ani Vergeire.


Ayon pa sa opisyal, ang bilang ng mga healthcare workers para sa mass vaccination drive ay nabawasan dahil sa iba pang health-related duties ng mga ito habang ilan din sa kanila ay tinamaan ng mga sakit.


Sa isang report naman sa News Live, sinabi ni Dr. Maria Paz Corrales, medical consultant ng National Task Force Against COVID-19 na ang vaccine hesitancy o pag-aalinlangan sa bakuna, ang isa sa mga factors kaya ang 5-million target para sa Bayanihan, Bakunahan III ay hindi nakamit.


Samantala, ayon kay Vergeire nasa 62.3 milyon Pilipino na ang fully vaccinated kontra-COVID-19, na nagre-represent sa 69.8% ng 77-million target na mabakunahan.

 
 

ni Lolet Abania | February 17, 2022


ree

Mas pinaiigting pa ng gobyerno ang pagbabakuna sa mga menor-de-edad kontra-COVID-19 upang ang mga estudyante ay maging ligtas na makakabalik sa mga paaralan sa Agosto 2022 sa gitna ng pandemya, ayon sa Department of Health (DOH).


“We are really trying to vaccinate our children so that they will be safe also when they go to school. I think by August for this next school year, the plan would be that schools will really open,” sabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang interview ngayong Huwebes.


“We’ve started already with the pilot implementation for this face-to-face classes and the whole objective would be that eventually, by this next school year, everything will be starting,” dagdag ng opisyal.


Matatandaan na ang pilot testing para sa face-to-face classes ay sinimulan ng Department of Education (DepEd) noong Nobyembre 15, 2021 sa maraming lugar sa bansa, kung saan 100 pampublikong paaralan, na subject para sa mahigpit na health protocols, ang nakiisa rito.


Marami mga pribadong paaralan mula naman sa mga lugar na naitalang low risk sa COVID-19 ang nagsimula na rin ng kanilang pilot F2F classes noong Nobyembre 22, 2021.


Sa ngayon, ang mga nasa Kindergarten hanggang Grade 3 lamang, at Senior High School, ang nakabilang sa pilot run ng F2F classes.


Una nang binanggit ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, na marami pang grade levels ang maisasama sa expanded face-to-face classes.


Sa kasalukuyan, ang gobyerno ay nagsasagawa ng COVID-19 vaccination drive para sa mga kabataan na edad 5 hanggang 11, habang inumpisahan naman ang pagbabakuna sa mga edad 12 hanggang 17 noong Nobyembre 2021.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page