top of page
Search

ni Lolet Abania | March 20, 2021




Maaari nang magpabakuna ang mga healthcare workers kontra COVID-19 sa pamamagitan ng isang drive-thru site sa Imus, Cavite. Ang vaccination site ay matatagpuan sa isang elevated parking area ng isang mall sa nasabing lugar.


Matatanggap ng mga medical frontliners ang kanilang vaccines na hindi na lalabas pa ng kanilang sasakyan sa buong proseso ng pagbabakuna.





“Mas convenient po like sa amin. Hindi na kailangang bumaba. Tapos ito po, naka-relax lang kami dito,” sabi ni Julie Sañez, isang frontliner.


Ayon kay Imus Mayor Emmanuel Maliksi, matuturukan agad ang isang health worker dahil sa mga drive-thru site. “‘Yun ang beauty ng drive-thru.


Kasi dito sa drive-thru, nasa comfort ka lamang ng sasakyan mo, ‘di ba? Lalapit na mismo ‘yung ating mga medical personnel sa kanila,” ani Maliksi. Gayunman, hindi dapat na mag-drive o siyang driver ng sasakyan ang mga health workers na mababakunahan.


Sakaling magkaroon ng adverse effects matapos maturukan, ang mga pasyente ay agad dadalhin sa pinakamalapit na ospital sa lugar.


Gayundin, kapag ang vaccination program ay umabot na sa target na populasyon, ang mga trike na sakay ang health worker naman ang papayagang pumasok sa mga drive-thru sites.


Sa ngayon, mayroong 344 active cases ng COVID-19 sa nasabing lugar.


 
 

ni Lolet Abania | March 8, 2021




Siyam na unggoy mula sa San Diego Zoo, kabilang ang apat na orangutan at limang bonobos ang naitala sa history ng veterinary na kauna-unahan sa buong mundong non-human primates na nabakunahan kontra COVID-19, ayon sa mga opisyal ng zoo sa Los Angeles.


Isa sa mga naturukan ng COVID-19 vaccine ay ang 28-anyos na babaeng Sumatran orangutan na si Karen na nabalita rin sa nasabing zoo na unang unggoy na sumailalim sa open-heart surgery noong 1994.


Ayon sa email ng zoo spokeswoman na si Darla Davis sa Reuters, bawat isa sa siyam na apes ay nakatanggap ng dalawang doses ng experimental vaccine na orihinal na ituturok dapat sa mga aso at mga pusa, gayunman, hindi naman nakitaan ang mga unggoy ng adverse reactions matapos maturukan habang nasa maayos silang kondisyon.


Nabahala ang maraming zoo officials sa mga hayop kung saan agad nilang tinurukan ang mga ito ng vaccine, matapos na walong gorilla na mula sa affiliated na San Diego Zoo Safari Park ay tinamaan ng COVID-19 noong Enero, na naitalang unang naiulat na transmission ng coronavirus sa mga unggoy.


Sinabi pa ni Davis na ang walong gorillas, kabilang ang isang 48-anyos na lalaking "silverback" na pinangalanang Winston ay nakaranas ng pneumonia at sakit sa puso, subalit unti-unti nang gumaganda ang kondisyon nito at nakakarekober na sa sakit.


Iba’t ibang medications ang ibinibigay kay Winston, kabilang na ang isang coronavirus antibody therapy para sa mga non-human. Gayunman, ang mga gorillas ay hindi binakunahan dahil ayon sa mga veterinarians, ang kanilang immune systems ay naka-develop na ng antibodies laban sa virus. Anila pa, maaaring nakuha ng mga ito ang sakit mula sa isang asymptomatic staff member.


Samantala, ang mga orangutan at bonobos na napili para sa immunization ay ilan lamang sa mga great apes sa nasabing zoo na may mataas na tiyansa na makuha ang virus at pinakamadaling maturukan ng vaccine. Nilitu-lito sa mga karayom ng mga staff na nagbakuna ang mga hayop para hindi sila matakot.


Ayon pa kay Devis, sinimulan ng mga zoo staff ang pag-administer ng shots sa mga unggoy noong Enero at ipinagpatuloy ito ng Pebrero, habang ang ilan ay isasagawa naman ngayong Marso.


Ang vaccine na na-develop ng veterinary pharmaceutical company na Zoetis ay hindi na naisubok sa mga apes, subalit ang cross-species na paggamit ng vaccines ay hindi naman pangkaraniwan.


Ang mga apes sa zoo ay nabibigyan ng human flu at measles vaccines, ayon kay Nadine Lamberski, ang chief conservation at wildlife officer ng San Diego Wildlife Alliance. Aniya, ang siyam na unggoy ang unang non-human primates na naiulat na nakatanggap ng COVID-19 vaccine.


 
 

ni Lolet Abania | March 3, 2021




Inaasahang darating sa bansa ang 487,200 doses ng COVID-19 vaccines na gawa ng AstraZeneca bukas ng gabi, ayon kay Senator Bong Go.


Sa isang interview kay Go ngayong Miyerkules, sinabi nitong nakatanggap sila ng notice na ang COVID-19 vaccines mula sa AstraZeneca ay darating na sa bansa ng Huwebes ng gabi.


Matatandaang hindi natuloy ang pagdating ng AstraZeneca vaccines noong nakaraang Lunes dahil sa limitadong supply nito. "’Yung hindi natuloy na pagpapadala ng bakuna nu’ng Lunes mula sa AstraZeneca ay meron nang liham na darating na sana bukas ng gabi ‘yung 487,200 doses," ani Go.


Kinumpirma rin ng Malacañang ang pagdating ng AstraZeneca vaccines na bahagi ng COVAX Facility. “This is to confirm that the Philippines is set to receive 487,200 doses of AstraZeneca vaccines tomorrow, March 4, 2021, 7:30PM, as part of the first round of allocated doses from the COVAX facility,” saad ni Presidential Spokesperson Harry Roque.


Ang COVAX ay isang global effort na pinangungunahan ng World Health Organization (WHO), kung saan ang mga mayayamang bansa ay handang tumulong sa mga papaunlad na bansa sa paglaban sa pandemya ng COVID-19, kasama rito ang pagkakaroon ng access sa COVID-19 vaccines.


“AstraZeneca’s expected time of arrival is based on the scheduled handover of vaccines. We will notify everyone, if and when there is a change of schedule,” ani Roque.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page