- BULGAR
- Nov 10, 2021
ni Lolet Abania | November 10, 2021

Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes ng gabi na isasagawa ng gobyerno ang 3-araw na national vaccination drive sa Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1, kasabay ng paggunita ng Bonifacio Day sa Nobyembre 30.
Sa kanyang weekly Talk to the People, ayon sa Pangulo layon ng vaccination drive na maiparating ang mensahe na sa bawat Pilipino na magpapabakuna laban sa COVID-19, sila ay itinuturing na mga bayani.
“Ang gusto sabihin dito ng gobyerno na kayong lahat na nagpabakuna ay heroes. Lahat kayo hero. ‘Yong hindi nagpabakuna, mga pangit,” ani Pangulo.
Una nang sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na plano ng gobyerno na magkaroon ng 3-day national vaccination drive dahil aniya, bulto-bulto na ng mga supplies ng COVID-19 vaccine ang dumarating sa bansa.
Ani Galvez, halos 30 milyong Pinoy na rin ang fully vaccinated kontra-COVID-19, magmula nang opisyal na umpisahan ang vaccination program ng pamahalaan noong Marso 1.






