top of page
Search

ni Lolet Abania | November 24, 2021



Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Miyerkules ang Nobyembre 29, 30 at Disyembre 1 bilang Bayanihan, Bakunahan National COVID-19 Vaccination Days.


Magbibigay-daan, sa ilalim ng Proclamation 1253 na inilabas ng Pangulo, para payagan ang mga pampubliko at pribadong sektor na mga empleyado na mabigyan ng COVID-19 vaccine sa mga araw na ito habang ituturing na hindi absent o liban sa kanilang trabaho, subalit dapat na may patunay na sila ay nabakunahan ng mga araw na iyon.


Plano ng gobyerno na makapagbakuna laban sa COVID-19 ng 15 milyong indibidwal sa loob ng tatlong araw.


Sa ngayon, tinatayang 34 milyong Pinoy na ang fully vaccinated, subalit malayo pa sa target na mabakunahan ang 80% ng 109 milyong populasyon ng bansa hanggang Mayo 9, 2022 para makamit ang herd immunity kontra-COVID-19.


Matatandaang sinimulan ng gobyerno ang kanilang vaccination program noong Marso 1. Sa Talk to the People ni Pangulong Duterte nitong Martes ng gabi, nagbigay ito ng direktiba sa lahat ng concerned government agencies at law enforcement units na gawin ang lahat ng makakaya at gamitin ang lahat ng kanilang resources upang madala ang mga tao sa mga vaccination sites.


Binanggit din ng Pangulo, na may karapatan ang mga employers na tanggihan ang mga aplikante na hindi bakunado upang maprotektahan ang kanilang property o pag-aari at negosyo, gayundin, dapat na ipagbawal ang mga unvaccinated na indibidwal na pumasok sa mga restaurants at establisimyento dahil maaari aniya nilang i-“contaminate” ang ibang tao.


“I support itong mga restaurants and all na delikado sa contamination sa public, you have my support, ‘wag mo silang pakainin,” sabi ni Pangulong Duterte.


Sinabi rin ni P-Duterte sa mga local government units (LGUs) na magbigay ng mga pagkain sa kanilang mga constituents na magpapabakuna kontra-COVID-19, habang nangako ang Pangulo na siyang magbabayad ng mga ito.


 
 

ni Lolet Abania | November 23, 2021



Maghihintay si Pangulong Rodrigo Duterte ng advice ng kanyang doktor kung dapat tumanggap ng booster dose ng COVID-19 vaccine, ayon sa Malacañang ngayong Martes.


“Iyong kung tatanggap ba siya, isasapubliko ba ang additional or booster shots ay that’s actually between the President and his personal physician so abangan na lang po natin kung ano maging advice ng kanyang personal physician,” ani acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles.


Nitong Lunes, Nobyembre 22, sinimulan ng gobyerno ang COVID-19 booster campaign para sa senior citizens edad 60 at pataas kasama na rin ang mga health workers kung saan ay mga fully vaccinated na anim na buwan na ang nakalipas at higit pa.


Nakumpleto ni Pangulong Duterte ang kanyang two-dose Sinopharm COVID-19 vaccine noong Hulyo 12. Ang isang indibidwal ay kinokonsiderang fully vaccinated dalawang linggo matapos na makuha ang huling COVID-19 vaccine dose.


Gayunman, hindi masabi ni Nograles, kung babawasan ng Pangulo ang kanyang mga public appearances habang naghihintay ang pag-administer sa kanya ng booster shot.


“Iyong pag-iikot niya, abangan na lang po natin kung ano iyong magiging -- ang lalabas ‘no doon sa kanyang schedule at Appointments Office,” dagdag pa ni Nograles.

 
 

ni Lolet Abania | November 20, 2021



Tiwala ang National Task Force Against COVID-19 na makakamit ng gobyerno ang kanilang target na 15 milyong indibidwal na mabakunahan sa isasagawang 3-araw na national vaccination drive kontra-COVID-19 mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.


“Maganda naman ang kumpiyansa ng ating National Task Force,” ani NTF spokesperson Retired Major General Restituto Padilla sa Laging Handa briefing ngayong Sabado.


“Naniniwala rin po kami na ang bayanihan spirit ay malakas at very much alive sa ating bansa. Ito lang ay makakamit kung tayo talaga ay magtutulung-tulong,” dagdag niya.


Sinabi ni Padilla na nagpahayag rin ng suporta ang mga health workers na makikiisa sa vaccination drive aniya, “very encouraging,” gayundin, palalakasin pa ng mga pribadong sektor ang kanilang pakikipagtulungan kasabay ng pagbubukas ng kanilang pasilidad para sa nationwide vaccination campaign na ito ng gobyerno.


Pinayuhan naman ni Padilla ang publiko na himukin din ang mga hindi pa bakunadong indibidwal na tanggapin na ang COVID-19 vaccine dahil aniya, ang gagawing vaccination ay makatutulong para sa economic recovery ng bansa. Plano ng gobyerno na makapag-administer ng 5 milyong vaccine doses kada araw sa 3-day vaccination.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page