top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | December 6, 2021



Bukod sa proteksiyon kontra-COVID-19, posible pang manalo ng bahay at kotse ang mga bakunadong residente ng Cebu City.


Para lalo pang maengganyo ang mga hindi pa nababakunahan, magpapa-raffle ang Cebu City LGU ng iba’t ibang papremyo kabilang nga ang bahay at kotse.


Sa unang draw ng “PabakunaTa Bonanza” raffle program, dalawa ang nanalo ng motorsiklo, isa ang nanalo ng laptop, at lima ang nakatanggap ng P25,000 halaga ng gift checks mula sa SM Supermalls o Metro Rail.


Nagpa-raffle din ng limang washing machines, 40 32-inch TV sets, 50 sacks of rice, 100 electric fans at 50 flat irons.


Para naman sa mga empleyado ng gobyerno, Christmas bonus ang maaaring matanggap ng fully-vaccinated.


Para naman sa grand raffle draw sa Dec. 23, isang house and lot sa Deca Homes Subdivision at brand-new Toyota Vios ang mga papremyo.


Ang mga hindi pa bakunado ay puwedeng mag-register sa pabakunata.com.

 
 

ni Lolet Abania | December 4, 2021



Umabot sa kabuuang 9,937,827 indibidwal ang nabakunahan kontra-COVID-19 sa ginawang pagpapalawig ng gobyerno sa nationwide vaccination drive hanggang Disyembre 3, ayon sa Department of Health.


Sa Laging Handa briefing ngayong Sabado, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang 3-day vaccination drive na isinagawa mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1 ay nakapagtala ng 8.01 milyong indibidwal na nabakunahan laban sa COVID-19.


Habang ang 2-day extension na mula Disyembre 2 hanggang 3 ay nasa 1.9 milyong indibidwal na nakatanggap ng COVID-19 vaccine. Nakapagtala naman ng pinakamataas na bilang na 2.82 milyon ang nabakunahan laban sa COVID-19 sa isang araw.


“The national vaccination day was a huge success,” ani Vergeire. Ayon kay Vergeire, ang lahat ng lugar sa bansa na nasa ilalim ng Alert Level 2, sa mga rehiyon na nasa “low risk” o “minimal risk” ang tumanggap ng COVID-19 vaccine.


Samantala, plano ng gobyerno na magsagawa ng isa pang 3-araw na pagbabakuna kontra-COVID-19 na posibleng mangyari sa Disyembre 15 hanggang 17.


 
 

ni Lolet Abania | December 2, 2021



Mahigit sa 7.6 milyong indibidwal ang nabakunahan kontra-COVID-19 sa isinagawang 3-day national vaccination drive na halos aabot sa 9 milyon target ng gobyerno, ayon sa National Vaccination Operations Center (NVOC) ngayong Huwebes.


Sinabi ni NVOC chairperson at Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, tinatayang 2.7 milyon ang nabakunahan sa unang araw, 2.4 milyon sa ikalawang araw, at 2.4 milyon din sa ikatlong araw.


Sa 7.6 milyong indibidwal, 85% ang tumanggap ng kanilang first dose, 3% ang nabigyan ng booster doses, habang ang natitira ay na-administer sa mga menor-de-edad at mga nakakuha ng second dose.


“Hindi pa ho kumpleto ‘yung ating mga report, may updating that is happening but we are very happy with the initial report kasi this is more than 2 times the daily vaccination rate,” ani Cabotaje sa Laging Handa briefing.


Ayon kay Cabotaje, ang mga nangunang rehiyon sa vaccination drive ay Region IV-A, Region III, at Region VII habang ang mga top-performing provinces naman ay Cavite, Laguna, at Cebu.


Kabilang naman sa mga rehiyon na lumagpas sa kanilang target ay Region I, National Capital Region (NCR), ang Cordillera Administrative Region (CAR), MIMAROPA, at Region II.


Samantala, ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay nai-report na may mababang vaccination rate habang hindi naman nakamit ng Davao Region ang kanilang target.


“Mababa din ang Davao because ‘yung kanilang targets ay hindi nila binabaan. They were very close to the original targets nu’ng tayo ay nag-target ng 15 million per day,” sabi ni Cabotaje.


Sinabi pa ni Cabotaje, pinalawig ng gobyerno ang vaccination drive hanggang Biyernes, Disyembre 3, upang mapanatili ang sigasig ng publiko na magpabakuna kontra-COVID-19, matapos ang kahilingan ng ilang local government units (LGUs).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page