top of page
Search

ni Lolet Abania | December 14, 2021



Tuloy ang pagbabakuna kontra-COVID-19 kahit na isinasagawa ang May 2022 national and local elections, ayon kay Presidential Adviser for COVID-19 Response Vince Dizon.


“Hindi po tayo puwedeng huminto sa ating pagbabakuna. Tuluy-tuloy ‘yan kahit sa kampanya, kahit sa eleksyon, tuluy-tuloy po tayo,” ani Dizon sa Laging Handa interview ngayong Martes.


Ayon sa opisyal, titiyakin niyang ang mga kandidato para sa darating na eleksiyon ay hindi magagamit ang vaccination campaign para sa kanilang political agendas.


“Sisiguraduhin natin na hindi magagamit ang pagbabakuna sa pamumulitika. Neutral po ito at diretso tayo sa taong bayan,” sabi pa ni Dizon.


Matatandaang noong Setyembre 23, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na layon ng gobyerno na makamit ang herd immunity target ng 90% bago ang May 2022 elections.


Tinatarget ng pamahalaan na tinatayang 54 milyong Pilipino ang maging fully-vaccinated hanggang sa katapusan ng 2021.


Gayundin, giit ni Dizon na nananatiling prayoridad ng gobyerno ang initial booster shots ng mga indibidwal na umabot na sa 6-buwan na requirement hanggang sa susunod na taon.


Ang second booster naman ay nakadepende sa advice ng mga eksperto.


“Ngayon, kung kailan ang susunod na booster shot, hintayin na lang natin ang advice ng ating mga eksperto at igu-guide nila tayo at ng ating mga doktor para talagang masiguro na tuloy tuloy ang proteksyon natin hindi lang sa COVID-19 kundi sa lahat ng mga variant nito,” sabi pa ni Dizon.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | December 14, 2021



Ipagpapaliban ng Department of Health (DOH) ang ikalawang yugto ng “Bayanihahn Bakunahan” Program sa mga lugar na posibleng daanan ng tropical depression na Odette.


Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, imbes na gawin sa darating na Disyembre 15 hanggang 17 ay gagawin na lamang ito mula Disyembre 20 hanggang 22 sa mga lugar na tatamaan ng bagyong Odette.


Kabilang sa mga lugar kung saan postponed ang bakunahan ay ang Southern Tagalog region, Central at Eastern Visayas at Northern Mindanao.


"Kailangan po malayo sa peligro ang ating mga kababayan sa panahon nitong bagyong Odette," ani Duque.


Ang mga lugar naman sa Northern at Central Luzon ganundin sa Calabarzon ay itutuloy ang Bakunahan 2 sa Disyembre 15 hanggang 17.


Nauna nang sinabi ni PAGASA weather forecaster Chris Perez na inaasahang magdudulot ng malakas na pag-ulan ang bagyong Odette sa Eastern Visayas at Caraga regions.

 
 

ni Lolet Abania | December 7, 2021



Nakapagtala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng 23 highly urbanized cities, karamihan dito ay mula sa Metro Manila na nakamit na ang target na herd immunity kontra-COVID-19.


“Umaabot po na 23 siyudad ang umabot na po ng 70% and up na fully vaccinated. So ibig sabihin po … ay nakamit na ang herd immunity sa target population,” pahayag ni DILG Secretary Eduardo Año sa kanyang report kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Talk to the People na ipinalabas ngayong Martes.


Kabilang sa listahan na mula sa National Capital Region na na-achieve na ang herd immunity ang mga sumusunod:

• San Juan City

• Mandaluyong City

• Pateros

• Marikina City

• Taguig City

• Pasay City

• Las Piñas City

• Parañaque City

• Manila City

• Muntinlupa City

• Makati City

• Valenzuela City

• Quezon City

• Navotas City

• Pasig City

• Malabon City

• Caloocan City


Sa labas naman ng NCR ay sa Baguio City, Angeles City, Iloilo City, Lapu-Lapu City, Mandaue City at Davao City.


Samantala, naunang sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na plano ng gobyerno na magbigay ng second dose sa pitong milyong Pilipino sa second leg ng isasagawang mass vaccination drive mula Disyembre 15 hanggang 17.


Hanggang nitong Disyembre 6, tinatayang nasa 38.7 milyon indibidwal ang fully vaccinated na laban sa COVID-19, batay sa datos ng gobyerno.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page