top of page
Search

ni Lolet Abania | June 19, 2022



Nakamit ng gobyerno ang kanilang target na 70 milyong Pilipino na mabakunahan kontra COVID-19, dalawang linggo bago bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa National Task Force (NTF) Against COVID-19.


Hanggang noong Hunyo 17, nasa kabuuang 70,005,247 indibidwal ang fully vaccinated o 77.8% ng target population, base sa latest report ng National Vaccination Operations Center (NVOC).


Ayon kay NTF chief implementer Carlito Galvez Jr., ang pinakabagong record na ito ay isang patunay sa naging pangako o commitment ng gobyerno na mabakunahan ang mas marami pang mga Pilipino laban sa viral disease.


“This is our parting gift to the next administration. We hope that our new leaders will also prioritize our vaccination program and continue to build an immunity wall among our people,” ani Galvez sa isang statement.


Nasa kabuuang 153,013,072 COVID-19 vaccine doses na ang na-administer ng gobyerno, na mayroong 74,813,407 indibidwal na nakatanggap ng first dose hanggang nitong Hunyo 17.


Una nang sinabi ng pamahalaan na target nilang makapagbakuna ng tinatayang 77 milyong indibidwal, o 85% ng eligible population sa pagtatapos ng Hunyo, bago ang termino ni Pangulo Duterte na magtapos sa Hunyo 30.


Giit ni Galvez ang pagkakaroon ng mataas na vaccination rate at patuloy na pagsunod sa minimum health protocols ay maaaring makaiwas sa isa pang surge ng COVID-19 cases.


“We have had many superspreader events in the past months, including the national elections, but we still managed to keep our new COVID-19 cases low because of our high vaccination rate,” sabi ni Galvez, na siya ring vaccine czar ng bansa.


“But vaccination alone is not enough. We still have to follow our public health protocols, including frequent washing of hands and wearing of best fitted face masks,” dagdag ni Galvez.


Nai-report din ng NVOC na mayroon nang 14,704,514 indibidwal na nabigyan ng kanilang unang booster shots, habang nasa 648,555 ang nakatanggap ng ikalawang booster dose.


Para sa pediatric vaccination, may kabuuang 3,217,367 kabataan edad 5 hanggang 11 ang mga fully vaccinated na, habang may kabuuang 9,487,745 minors naman na edad 12 hanggang 17 ang natanggap na rin ang kanilang full doses.


Muling hinimok ni Galvez ang publiko na tanggapin na ang kanilang booster shots upang madagdagan ang proteksyon na naibibigay ng primary doses.


“Napakahalaga pong makakuha ng booster shot para mapalakas ang proteksyon na dulot ng bakuna. Para sa mga pwede na ring kumuha ng second booster shot, magpabakuna na agad,” saad pa ni Galvez.


Matatandaang unang inilunsad ng Pilipinas ang COVID-19 vaccination program noong Marso 2021.


 
 

ni Lolet Abania | March 31, 2022



Pinag-iisipan na ng gobyerno ang posibilidad ng pagre-require ng booster shots upang makonsidera nang fully vaccinated kontra-COVID-19 habang bumabagal ang pagtanggap ng mga indibidwal sa karagdagang doses nito, ayon sa opisyal ng Department of Health (DOH) ngayong Huwebes.


Sinabi ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje, head ng National Vaccination Operations Center (NVOC), tinatayang nasa 12 milyon lamang mula sa 45 milyon na eligible, tinatawag na fully vaccinated individuals ang nakatanggap ng booster shots.


“Ang pag-iisip ng WHO (World Health Organization)… tinawag nila na fully vaccinated ‘pag primary series. We are looking at the possibility of adding a booster dose. Baka pwedeng fully vaccinated, updated vaccination, para mahikayat ‘yung mga tao,” ani Cabotaje sa isang interview.


Sinuportahan naman nina vaccine expert panel’s chairperson Dr. Nina Gloriani at member na si Dr. Rontgene Solante ang pagre-revise ng depinisyon ng “fully vaccinated” para sa mga nakatanggap ng primary COVID vaccine series at isang booster shot.


“Primary vaccine series is not enough protection against the variants of concern, and the addition of a booster dose has proven to add protection against severe disease aside from protection against symptomatic infection,” paliwanag ni Solante.


“The additional dose or booster (3rd dose) for all vaccines should be given to be considered as fully vaccinated. But this requires collective approval from the All Experts Group, not just the Vaccine Expert Panel,” saad naman ni Gloriani.


Ayon pa kay Cabotaje, kinukonsidera rin ng NVOC ang pagtatakda ng expiry date kaugnay sa validity ng vaccination cards, at papalitan ang mga ito ng booster cards. “That’s also a good strategy,” pahayag ni Cabotaje nang tanungin kung ang vaccine cards ay magkakaroon ng expiry date.


Gayundin aniya, ang mga establisimyento na nagre-require ng vaccination cards ay dapat na mahigpit na ipinatutupad ang polisiya.


“Kasi ‘pag pinakita mo ‘yung vaccine card, hindi naman tinitingnan kung sa’yo. Hindi naman tinitingnan how late your vaccination was. So we might go into this more detailed enforcement. Hindi naman kailangan lahat titingnan kahit mag-random ka lang,” giit pa ni Cabotaje.


 
 

ni Lolet Abania | March 5, 2022



Ipinahayag ng Department of Health (DOH) na hindi pa kailangan na imandato ang COVID-19 booster shots sa publiko sa ngayon, habang anila, marami pang paraan para ikampanya ang isinasagawang vaccination drive sa bansa.


Ito ang naging tugon ng DOH, matapos ang suhestiyon ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na ang COVID-19 booster cards ay gawing mandatory sa mga establisimyento sa mga lugar na isinailalim sa Alert Level 1 o sa mga lugar na ang pag-administer ng mga primary series ng pagbabakuna ay natapos na.


Ngayong linggo, ang Metro Manila at 38 iba pang lugar ay isinailalim sa pinakamababang COVID-19 alert level system na kinokonsidera na ring nasa “new normal”, para makaahon na sa pagkalugmok ng ekonomiya ng bansa dahil sa pandemya.


“Naiintindihan natin kung saan... Ang perspektibo [ni Concepcion] gusto niya ng full protection pero sa ngayon, ang ating gagawin ay magbibigay tayo ng information at pakikiusapan ang business sector,” sabi ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje sa isang televised briefing ngayong Sabado.


“Ang gagawin natin ay i-strengthen natin ang advocacy . . . [Ang government agencies] at partners natin sa private sectors ay pag-iibayuhin ’yung communication and advocacy to increase the uptake of booster,” paliwanag ng opisyal.


Una nang sinabi ni Cabotaje na ang National Vaccination Days na gagawin ngayong buwan ay magpo-focus sa mga residential houses at workplaces o pinagtatrabahuhan, kung saan naging matagumpay ito sa ilang lugar sa bansa.


Aminado naman ang opisyal na nananatiling mabagal ang pagbabakuna kontra-COVID-19 nitong mga nakaraang linggo. Hanggang ngayong linggo, nasa tinatayang 63 milyong indibidwal ang fully vaccinated na o 70 percent ng target ng gobyerno na 90 milyong Pilipino. Nasa mahigit 10.1 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page