top of page
Search

ni Lolet Abania | January 20, 2021




Pansamantalang isasara at isasailalim sa lockdown ang Kalibo International Airport sa Kalibo, Aklan mula Enero 19 hanggang Enero 21 para sa disinfection.


Ito ay matapos dumami ang bilang ng kaso ng may COVID-19 mula sa mga airport employees.


Noong Enero 15, nag-isyu ng isang memorandum ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang isailalim sa lockdown sa mga nasabing petsa ang lahat ng lugar sa paliparan para sa pagsasagawa ng "complete disinfection”.


Ayon sa CAAP, sarado ang Passenger Terminal Building, ARFF Station at CAAP Administrative Office. Ibabalik ang normal operation ng paliparan sa Enero 22.


Kamakailan, naiulat ng Provincial Health Office na 11 CAAP employees ang nagpositibo sa test sa COVID-19 sa isinagawang mass testing sa lahat ng empleyado.


Samantala, nitong Enero 17, ang bilang ng kumpirmadong COVID-19 cases sa Aklan ay umabot sa 547, kung saan sa nasabing bilang, 80 ang active cases, 19 ang namatay at ang natira rito ay nakarekober na sa sakit.


 
 

ni Lolet Abania | November 6, 2020




Kakaiba ang paraan ng pagtuturo ng mga guro at pag-aaral ng mga estudyante sa lalawigan ng Ragayan, Butig, Lanao del Sur, kung saan limitado ang pagkakaroon ng elektrisidad, telebisyon at cellphone signals dahil nakakapag-usap ang mga ito sa tulong ng two-way radio.



Ito ang ipinatutupad na distance learning ng mga titser sa mga mag-aaral ng Ragayan Elementary School, Lanao del Sur dahil nawawasak ang mga silid-aralan ng eskuwelahan sa tama ng mga bala na resulta ng madalas na sagupaan sa pagitan ng mga sundalo at grupo ng mga terorista sa nasabing lugar.


Kahit na malaking hamon ito para sa mga guro at estudyante, nagpapatuloy pa rin sila sa kanilang mga aralin na gumagamit ng two-way radio.


Nagbibigay ng mga lectures ang mga titser at nakakapag-recite at nakakapagtanong ang mga estudyante sa tulong ng mga handheld devices na ito.


Ayon pa sa report, tinututukan nang husto ng mga guro ang bawat estudyante habang mayroon silang sinusundang learning modules sa kanilang mga lessons.


“Karamihan sa amin, walang pinag-aralan. Kaya sabi ko sa mga teacher ko, kailangan gumawa tayo ng paraan para tuluy-tuloy ang pagtuturo natin sa kanila,” sabi ni Namraida Bao, principal ng Ragayan Elementary School.


Samantala, sanay na ang mga residente ng Ragayan sa sitwasyon ng kanilang lugar. Noong 2016, maraming eskuwelahan sa lugar ang nasira at ang mga residente ay nagsilikas at piniling manirahan sa Marawi City.


Subali’t nang sumunod na taon, halos mabura ang Marawi dahil sa naganap na armed conflict ng mga militar at mga rebelde, kaya ang mga residente ay nagbalik sa Butig.


Nagbalik din ang mga bata at mga guro sa kanilang mga tagpi-tagping silid-aralan makapag-aral lamang.


Pinlano ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na magtayo ng bagong paaralan sa Ragayan noong 2019, subali’t na-postpone ito dahil sa pandemya ng COVID-19.


Gayunman, ayon sa ICRC, itutuloy nila ang pagsasagawa ng istruktura para magamit ng mga guro sa tulong ng mga residente kapag binawasan na ang COVID-19 restrictions sa lugar.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page