top of page
Search

ni Lolet Abania | January 3, 2022


ree

Nasa kabuuang 40 empleyado ng Philippine Ports Authority (PPA) sa kanilang head office at sa National Capital Region (NCR) ang nagpositibo sa test sa COVID-19.


Ayon kay PPA vice chairman at general manager Jay Santiago, ang mga nasabing kawani ay agad na pinauwi sa kanilang tirahan para sa isolation matapos na magpositibo sa antigen test ngayong Lunes.


Kaugnay nito, isinailalim simula Enero 3 hanggang 15, 2022 sa Alert Level 3 ang NCR matapos maiulat ang pagsirit ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.


Ngayong araw, nakapagtala ang bansa ng 4,084 bagong kaso ng COVID-19 habang umabot sa 24,992 ang active cases.


Nasa kabuuang 2,855,819 ang positibo sa virus habang 2,779,241 naman ang nakarekober at 51,586 ang nasawi sa COVID-19.


 
 

ni Lolet Abania | December 3, 2021


ree

Tatlong biyahero na dumating sa Pilipinas mula sa South Africa, Burkina Faso, at Egypt ang nagpositibo sa test sa COVID-19 sa gitna ng banta ng Omicron variant, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Biyernes.


Sa isang media briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mayroong 253 travelers galing sa South Africa, tatlo mula sa Burkina Faso, at 541 galing naman sa Egypt, ang dumating sa bansa mula Nobyembre 15 hanggang 29.


“Each of these countries nagkaroon ng travelers who tested positive for COVID-19. Merong isa out of 253 from South Africa, isa out of 541 from Egypt, at isa out of three from Burkina Faso,” sabi ni Vergeire.


“So lahat po ng nag-positive na ‘yan as long as CT values are appropriate, ipapadala po natin sa Philippine Genome Center for whole-genome sequencing,” aniya pa.


Ang Omicron variant ay unang na-detect sa South Africa at itinuturing bilang isang variant of concern ng World Health Organization (WHO).


Agad na naglabas ng update ang Pilipinas ng mga nasa red list na bansa, kung saan ang mga travelers ay pansamantalang ipinagbawal makapasok sa gitna ng COVID-19 pandemic.


Kabilang sa mga bansang nasa red list ay South Africa at 13 iba pa gaya ng Austria, Czech Republic, Hungary, the Netherlands, Switzerland, Belgium, Italy, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, at Mozambique.


Sinabi naman ni Vergeire kahapon na pinoproseso pa ng DOH ang batch na subject para sa genome sequencing nitong linggo. “Results might be tonight or tomorrow,” sabi pa ni Vergeire.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page