top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 8, 2021



Nagpositibo sa COVID-19 si Quezon 3rd District Representative Aleta Suarez, ayon sa Facebook post ng Quezon Public Information Office ngayong Sabado.


Saad ni Aleta, “Nais ko pong ipabatid sa inyo na ang inyong lingkod ay sumailalim sa RT-PCR Test noong Mayo 6, 2021, alinsunod sa protocol ng Department of Health (DOH), bilang isang close contact ng aking kabiyak at gobernador ng Quezon, Gov. Danilo Suarez na naunang nagpositibo sa COVID-19.


“Lumabas po ang resulta kahapon, Mayo 7, 2021 at ako po ay nagpositibo rin sa COVID-19.”


Ayon kay Aleta, siya ay asymptomatic at naka-isolate sa kanilang tahanan.


Nanawagan din siya sa mga nakasalamuha niya at pinayuhang mag-self-quarantine.


Aniya, “Sa akin pong mga nakasalamuha at mga naging close contact nitong mga nakaraang araw, kayo po ay pinapayuhang mag-self-quarantine at mag-monitor ng inyong kalusugan.


“Kung kayo po ay nakararanas ng anumang sintomas ng COVID-19, agad itong ipagbigay-alam sa inyong mga Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) upang kayo ay mabigyan ng kaukulang medikal na atensiyon at sumailalim sa test kung kinakailangan.”


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 8, 2021



Pinalawig pa ang pagsasailalim sa state of emergency sa ilang lugar sa Japan hanggang sa katapusan ng Mayo dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19.


Ayon kay Economy Minister Yasutoshi Nishimura, umaasa ang pamahalaan na malalabanan ng bansa ang 4th wave ng COVID-19 infection ngunit patuloy pa rin sa pagtaas ang kaso sa Tokyo at Osaka kaya napagdesisyunan ng awtoridad na mula sa May 11 ay ie-extend hanggang sa May 31 ang state of emergency.


Pahayag ni Nishimura, “Osaka particularly is in quite a dangerous situation with its medical system.


“We have a strong sense of danger that Tokyo could soon be turning into the same situation as Osaka.”


Ayon sa ulat, puno na rin umano ang mga hospital beds para sa mga critical patients sa Osaka.

Napagdesisyunan din ni Prime Minister Yoshihide Suga na isailalim sa state of emergency ang Aichi at Fukuoka prefecture kasama ng Tokyo at Osaka, Hyogo at Kyoto prefectures.


Samantala, sa pagpapalawig ng state of emergency, ipinagbabawal ang pagtitinda ng mga alak o alcohol sa mga bars, restaurants, atbp. establisimyento at hanggang alas-8 lamang nang gabi maaaring magbukas ang mga ito. Ang mga lalabag sa naturang protocols ay pagmumultahin ng halagang 300,000 yen o $2,750.


Nananawagan din ang pamahalaan sa mga mamamayan na iwasan ang mga unnecessary na pagbiyahe.


Ang mga malls naman at movie theaters ay paiikliin lamang ang oras ng operasyon at hindi ipatitigil, ayon kay Nishimura.


 
 

ni Lolet Abania | May 7, 2021




Inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang isang aplikasyon ng lokal na kumpanya na i-register ang Ivermectin bilang isang anti-nematode na maaari nang gamitin sa tao pangontra-bulate.


Unang nakilala ang Ivermectin bilang gamot sa hayop.


“Lloyd Laboratories applied for a CPR (certificate of product registration) for locally manufactured ivermectin as an anti-nematode drug,” ani FDA Chief Eric Domingo.


“It was granted after they submitted data to support [the] quality and stability of the product,” sabi pa ni Domingo.


Ang CPR ay isang market authorization kung saan ang isang gamot ay pinapayagang komersiyal na ibenta.


Matatandaang binanggit ni Domingo na dalawang kumpanya ang nag-apply ng CPR para sa Ivermectin.


Naging kontrobersiyal ang naturang anti-parasitic drug matapos na ilang grupo at maging mga mambabatas ay nagsasabing maaari itong gamitin para mapigilan o makagamot sa COVID-19.


Gayunman, binigyang-linaw ng FDA at Department of Health na ang kasalukuyang ebidensiya ay hindi pa rin sumusuporta para sa paggamit ng Ivermectin bilang isang COVID-19 treatment.


Ang World Health Organization, US FDA, European Medicines Agency at ang Ivermectin manufacturer na Merck ay hindi rin inirerekomenda ang paggamit ng naturang gamot sa mga COVID-19 patients.


Isang clinical trial para sa Ivermectin ang isasagawa ngayong taon upang pag-aralan ang epekto nito sa COVID-19 patients.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page