top of page
Search

ni Lolet Abania | January 13, 2022


ree

Nasa kabuuang 126 universities ang nagpatupad na ng academic break simula ngayong Enero sa gitna ng pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa, ayon sa Commission on Higher Education (CHED).


Sa Laging Handa public briefing ngayong Huwebes, sinabi ni CHED chairperson Prospero De Vera III na ilang unibersidad ang nagdeklara na ng kanilang academic break bago pa man itinaas sa Alert Level 3 ang mga lugar sa bansa.


“Sa aking panayam sa mga pamantasan, 126 na mga universities ang nag-declare na ng academic break start of January pa lang,” sabi ni De Vera.


Ayon kay De Vera, karamihan sa mga unibersidad na nagpatupad ng kani-kanilang academic breaks ay sa National Capital Region, at Calabarzon.


Aniya pa, 123 universities pa ang nakatakdang magdeklara ng academic break sa pagtatapos naman ng Enero.


Sa gitna ng panawagan para sa nationwide academic break, sinabi ni De Vera na hindi na ito kailangang gawin dahil ang mga unibersidad mismo ang may deskrisyon para sa pansamantalang pagtigil ng kanilang school activities.


Samantala, para naman sa basic education level, pinayagan na ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules, ang mga regional at schools division offices na suspindihin ang mga klase ngayong Enero sa gitna pa rin ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.

 
 

ni Lolet Abania | August 31, 2021


ree

Limampu’t anim na indibidwal ang nagpositibo sa test sa COVID-19 simula nang ibalik ang limitadong face-to-face classes sa college level nito lamang Enero.


Ayon kay Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Prospero De Vera, sa nasabing bilang, 41 ang estudyante habang 15 naman ang faculty members.


Subalit, sinabi ni De Vera na nasa tinatayang 1% lamang ito sa kabuuan na nag-participate sa limited face-to-face classes sa tertiary education level.


“This is not a cause for concern because less than one percent is very, very low compared with the infection rate [happening] outside the universities,” ani De Vera sa Laging Handa briefing ngayong Martes.


Ayon pa kay De Vera, lahat ng mga apektadong estudyante ay asymptomatic.


“This is safe compared with other activities individuals do,” dagdag ni De Vera patungkol sa limited face-to-face classes.


Ipinaliwanag naman ni De Vera na mahalaga ang pagsasagawa ng limitadong face-to-face classes dahil sa kinakailangan ng bansa ng mas maraming mahuhusay o may kakayanang health workers sa gitna ng nararanasang pandemya ng COVID-19.


Diin pa niya, ang mga kursong nai-prioritize sa limitadong face-to-face classes ay 'yung mga nangangailangan ng clinical internships gaya ng mga doktor, nars, physical therapists, midwives at iba pang health workers.


“If they don’t do clinical internships, they are at risk of not acquiring needed skills. We have to remember that they are dealing with human lives,” sabi ni De Vera.


“Without the clinical internship, they might miss skills and that would put their patients at risk,” aniya pa.


Giit ni De Vera, ang clinical internship ay isang requirement bago payagan na makakuha ng licensure exam.


“Without this, they won’t be able to finish their studies, and we need more doctors right now,” saad ni De Vera.

 
 

ni Lolet Abania | June 17, 2021


ree

Pinag-aaralan ng Commission on Higher Education (CHED) na mabigyan ng “safety seal” certifications ang mga kolehiyo at unibersidad na nagsasagawa ng limitadong in-person classes habang may pandemya.


Ayon kay CHED Chairman Prospero “Popoy” De Vera, ang nasabing sertipiko ang magsisilbing patunay na ang eskuwelahan ay ligtas at sumusunod sa itinatakdang health protocols.


“Pinag-uusapan po namin sa commission iyan. Gagawa tayo ng safety seal, na lahat ng eskuwelahan na papayagang mag-face-to-face, puwedeng lagyan noon,” ani De Vera sa isang press conference ngayong Huwebes.


“Kailangang gumawa tayo ng mas detalyadong guidelines for joint monitoring by CHED and ng local governments para alam nating siguradong iyong standards are being met,” dagdag ni De Vera.


Nag-iisyu na ang gobyerno ng mga safety seals sa mga malls at iba pang establisimyento para tiyakin sa mga customers na ang kanilang kumpanya ay nakakasunod sa public health standards laban sa pagkalat ng COVID-19.


Gayundin, si Quezon City Mayor Joy Belmonte na dumalo sa press conference ay sumasang-ayon sa proposal ni De Vera.


“Kaisa ninyo kami (city government) sa pagpapaspas ng pag-iinspeksiyon ng ating mga paaralan at sisiguruhin po natin na compliant lahat ng schools bago po tayo magbukas,” ani Belmonte.


Samantala, hinimok na rin ni De Vera ang mga kolehiyo at unibersidad na simulan ang retrofitting ng kanilang pasilidad bilang paghahanda sa limitadong face-to-face classes sa ibang degree programs.


Sa ngayon, pinayagan ng gobyerno ang medical at allied health programs na magsagawa ng limited in-person instruction dahil nangangailangan ito ng on-site training.


Ayon kay De Vera, kinukumpleto na rin ng CHED ang mga datos hinggil sa safety ng mga estudyante ng medical at allied health habang isinasagawa nila ang face-to-face instruction, kung saan magiging basehan ito kung maaari nang palawigin sa ibang degree programs ang pagkakaroon ng physical classes.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page