top of page
Search

ni Lolet Abania | May 24, 2022



Target ng Commission on Elections (Comelec) na maiproklama ang mga nanalong partylist groups sa 2022 elections sa Mayo 26 o Mayo 27, 2022.


Ayon kay acting Comelec Spokesperson Rex Laudiangco, kinokonsidera ng Comelec dito ang “time frame” para sa transmission at canvassing of results kapag ang special elections sa Tubaran, Lanao del Sur ay nagsara na ngayong Martes ng gabi.


Aniya, kapag natapos na ang special elections sa Tubaran, ita-transmit ng municipal board of canvassers at ika-canvass ang resulta, kung saan ipo-forward naman ito sa provincial board of canvassers ng Lanao del Sur.


Inaasahang matatanggap ng Comelec ang certificate of canvass mula sa provincial board of canvassers sa Miyerkules, Mayo 25. Kasunod nito, ang National Board of Canvassers (NBOC), gayundin ang mga concerned committees at iba pang grupo ang magpoproseso ng mga ito.


Ia-apply nila rito ang formula ng Supreme Court (SC) upang matukoy ang mga nanalong partylist groups habang lalagda sila ng isang resolusyon hinggil sa usapin.


Ayon kay Laudiangco, plano nilang maiproklama ang lahat ng 63 nanalong partylists, kung ang 1,900 natitirang mga boto mula sa Shanghai, China ay hindi makakaapekto sa resulta nito.


Kaugnay nito, sinabi ni Laudiangco na maraming partylists ang naghain na ng petisyon para palitan ang kanilang mga nominees. Kabilang sa mga petisyon ang withdrawal, substitution, at kamatayan ng mga nominees.


 
 

ni Lolet Abania | May 23, 2022



Nasa P2,000 ang ibibigay ng Commission on Election (Comelec) na karagdagang honoraria sa bawat poll worker na nakaranas ng mga delays at issues o nag-overtime sa panahon ng 2022 elections.


Sa press briefing ngayong Lunes, sinabi ni Commissioner George Garcia na ang additional pay ay ibibigay sa mga poll workers sa 2,308 precincts na naka-experience ng malfunctions sa mga vote counting machines at SD cards.


“Ginawan na po namin ng paraan na kahit paano lahat po ng miyembro ng mga electoral board, DESO staff, support staff ay pantay-pantay makakakuha ng tig-P2,000,” pahayag ni Garcia.


Humingi naman ng paumanhin si Garcia sa mga concerned teachers dahil sa hindi maibibigay ng Comelec ang halaga na hinihiling ng Department of Education (DepEd) para sa kanilang additional pay.


Ayon kay Comelec acting spokesperson Rex Laudiangco, ang mga poll workers na nakaranas ng anumang uri ng isyu, hindi lamang kaugnay sa VCMs at SD cards, ay makatatanggap ng extra compensation.


“’Yan po ‘yung lahat ng naka-experience ng issues, hindi lamang ito ‘yung pinull out ‘yung VCM. So all issues -- VCM, SD cards, procedural -- na naka-experience ng delay sinama na po namin sila lahat sila ay iko-compensate na,” paliwanag ni Laudiangco.


Sinabi naman ni Election Task Force head Atty. Marcelo Bragado Jr. na tinatayang nasa 647,812 personnel ng DepEd ang nagsilbi bilang poll workers sa katatapos na eleksyon.


 
 

ni Lolet Abania | May 17, 2022



Inanyayahan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga top officials na pinangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa proklamasyon ng 12 nagwaging senators sa 2022 national elections na nakatakda sa Miyerkules, Mayo 18, ayon kay Comelec Commissioner George Garcia.


“Officially, we have invited the President, Vice President, Senate President, Speaker of the House and the Chief Justice for [the proclamation] tomorrow,” ani Garcia sa isang press conference ngayong Martes.


“In the event that they are available to attend, there might be changes in prior arrangements,” dagdag ni Garcia. Bukod kay Pangulong Duterte, ang iba pang top officials na inimbita ng Comelec ay sina Vice President Leni Robredo, Senate President Vicente Sotto III, House Speaker Lord Allan Velasco at Chief Justice Alexander Gesmundo.


Si Robredo ay kasalukuyang nasa United States kung saan dadalo siya sa New York University graduation ng kanyang pinakabatang anak na babae na si Jillian sa Yankee Stadium sa New York City.


Gayunman, ayon kay Garcia, ang mga naturang top level officials ay walang pang ibinigay na kumpirmasyon ng kanilang pagdalo sa proklamasyon. Batay sa Comelec guidelines, bawat nagwaging senador ay maaaring magbitbit ng limang bisita.


Habang ang dress code para sa mga guests at winning candidates ay Kasuotang Filipino. Hindi naman required para sa mga attendees ang magbigay ng negative antigen o RT-PCR-COVID-19 test results habang ang kailangan lamang ng mga ito ay magprisinta ng kanilang COVID-19 vaccination card.


Base sa partial and official count ng Comelec hanggang nitong Mayo 16, ang aktor na si Robin Padilla ang nangunguna pa rin sa 2022 Senate race.


Narito ang Senate Magic 12:


• Padilla, Robin -- 26,494,737

• Legarda, Loren, - 24,183,946

• Tulfo, Raffy - 23,345,261

• Gatchalian, Sherwin - 20,547,045

• Escudero, Chiz - 20,240,923

• Villar, Mark – 19,402,685

• Cayetano, Allan Peter - 19,262,353

• Zubiri, Juan Miguel – 18,663,253

• Villanueva, Joel - 18,439,806

• Ejercito, JV - 15,803,416

• Hontiveros, Risa - 15,385,566

• Estrada, Jinggoy - 15,071,213


Samantala, ang certificate of canvass na lamang mula sa Lanao del Sur, ang hindi pa nabibilang dahil sa tinatawag na failure of elections sa 14 na barangay sa gitna ng naganap na election violence.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page