top of page
Search

ni Lolet Abania | March 20, 2022



Pito lamang mula sa siyam na kandidato sa pagka-bise presidente ang maghaharap sa unang vice presidential debate na sponsored ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Linggo.


Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, kabilang sina Walden Bello, Rizalito David, Manny Lopez, Willie Ong, Francis Pangilinan, Carlos Serapio, at Vicente Sotto III ang nag-commit na dadalo sa una na dalawang vice presidential debates ng Comelec.



Hindi naman inaasahang lalahok sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at Buhay Party-list Rep. Lito Atienza sa VP debate.


Si Atienza, na running-mate ni presidential candidate Senador Manny Pacquiao, ay pormal na tumanggi dahil aniya sa medical reasons habang si Duterte-Carpio, na runningmate naman ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay nagpasyang hindi dumalo sa anumang debate kaugnay sa May 9 elections.


Sa kabila ng pagiging absent ng dalawa, nagtakda pa rin ang Comelec ng 9 lecterns onstage, na katumbas sa bilang ng mga kandidato para sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa bansa. Bawat VP candidate ay maaaring magdala ng 5 staff members lamang sa venue na magsisilbi bilang miyembro ng audience.


Ayon sa Comelec, mahigit 300 pulis at traffic personnel ang idineploy sa venue sa Pasay City para sa seguridad at pagmo-monitor ng traffic.


Nakatakda naman ang ikalawang vice presidential debate sa Abril 23, kung saan isasagawa ito bilang town hall format. Una nang sinabi ng Comelec na ang mga kandidato na hindi dadalo sa kanilang mga debate ay hindi papayagan na gamitin ang kanilang e-rally platform.


 
 

ni Lolet Abania | March 19, 2022



Handang-handa na ang PiliPinas Debates 2022 para sa mga presidential candidates ngayong Sabado, Marso 19, sa Pasay City, ayon sa Commission on Elections (Comelec).


Asahang mahigit sa 30 pulis at mga traffic personnel ang naka-deploy para i-secure ang venue na gaganapin sa Sofitel Hotel Tent at i-monitor ang lagay ng trapiko sa lugar.


Limitado naman ang bilang ng mga indibidwal na maaaring makapasok sa venue, at 5 staff members lamang bawat presidential aspirant ang papayagan sa loob at magsisilbi silang audience.


Mayroong 10 lecterns onstage na katumbas sa bilang ng mga kandidatong tumatakbo sa pinakamataas na elective post sa bansa.


Ang mga kandidato ay magdo-draw ng lots upang madetermina ang unang speaker, habang ang susunod na mga speakers ay ia-arranged alphabetically. Hindi papayagan ang mga notes onstage o sa entablado.


Alas-2:00 ng hapon, kanina ay nagsagawa ang Comelec ng isang media walkthrough sa venue. Lahat ng presidential bets ay nagkumpirma ng kanilang attendance, maliban kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


Kabilang sa nagkumpirmang magpa-participate ay sina Ernesto Abella, Leody de Guzman, Isko Moreno Domagoso, Norberto Gonzales, Panfilo Lacson, Manny Pacquiao, Faisal Mangondato, Jose Montemayor Jr., at Leni Robredo.


Ang PiliPinas Debates 2022 ay ipapalabas sa lahat ng local channels at magiging streamed simultaneously sa social media platforms ng Comelec na Facebook, Twitter, at YouTube.


 
 

ni Lolet Abania | February 24, 2022



Itinakda na ng Commission on Elections (Comelec) ang isasagawang presidential debate sa Marso 19 at lahat ng 10 kandidato ay nagkumpirma ng kanilang pagdalo, ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez ngayong Huwebes.


Ang mga presidential candidates para sa May 9 elections ay sina dating presidential spokesman Ernesto Abella, Leody de Guzman, Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, dating Department of National Defense chief Norberto Gonzales, Senador Ping Lacson, Faisal Mangondato, dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Jose Montemayor Jr., Senador Manny Pacquiao, at Vice President Leni Robredo.


Ayon kay Jimenez, ang mga kandidato ay hindi bibigyan ng mga questions in advance at hindi papayagan na magdala ng kahit ano sa podium.


Magkakaroon naman ng tatlong debates na sponsored ng Comelec, ayon sa opisyal.


Una nang sinabi ni Jimenez, na hindi hinihingi ng batas ang partisipasyon ng mga kandidato sa mga public debates, at hindi maaaring obligahin ng Comelec ang mga kandidato na dumalo rito.


Gayunman, ani Jimenez, “the Comelec will ‘make a big deal’ out of the absence of a candidate and will leave the podium assigned to him or her empty to highlight it.”


Ayon pa sa opisyal, ang desisyon ng naturang aspirant na hindi dumalo sa iba’t ibang pre-election forums ay maaaring maging “red flag” sa mga botante.


Ang campaign period para sa 2022 elections ng mga kandidatong tatakbo sa national positions ay opisyal na sinimulan noong Pebrero 8 sa gitna ng COVID-19 pandemic.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page