top of page
Search

ni Madel Moratillo @News | September 25, 2023




May 66 kandidato sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang nanganganib madiskwalipika dahil sa premature campaigning.


Ayon kay Commission on Elections Chairman George Garcia, inaasahang madadagdagan pa ang bilang na ito dahil patuloy pa ang kanilang pagbibigay ng show cause order sa mga pasaway na kandidato.


Ayon kay Garcia, ang ilan sa mga kandidato na ito ay nag-host ng raffle draws, ang iba naman ay dahil sa paglalagay ng campaign materials na nakalagay ang pangalan at posisyong tinatakbuhan.


May iba na ginagamit naman ang social media sa pangangampanya.

Paalala ni Garcia, ang campaign period ay sa October 19 hanggang 28 pa.


Nasa 1,955 show cause orders na aniya ang kanilang naisilbi kaugnay ng nalalapit na BSKE. Sa bilang na ito, 228 kandidato palang ang nagbigay ng paliwanag.


May 104 reklamo naman ang na-drop dahil sa kawalan ng basehan. Inaasahang pormal na maisasampa ng Comelec ang disqualification cases sa darating na linggo.


Pagkatapos ay ira-raffle ito sa mga dibisyon ng Comelec para sa pagdinig at target mailabas ang desisyon bago ang October 30 BSKE.



 
 

ni Madel Moratillo @News | September 21, 2023




Magpapatupad ng malaking pagbabago ang Commission on Elections (Comelec) sa 2025 midterm polls.


Sa plenary debate para sa budget ng Comelec sa 2024, sinabi ni Surigao del Norte Rep. Francisco Jose Bingo Matugas II, na nag-sponsor ng 2024 budget, hindi na gagamit ang Comelec ng transparency server sa 2025.


Ito ay para mawala aniya ang isyu sa IP address, sa halip ay didirekta na ito mula sa mga presinto deretso na sa main server.


Ito ay para mawala na rin aniya ang mga kwestyon sa transmission logs.


Pero papayagan naman ng Comelec ang "virtual counting" ng mga boto sa precinct level.


“Magkakaroon po ng opportunity ang mga watchers na tingnan 'yung ballots na na-feed doon sa machine for this coming 2025 election. Mapi-picture-an nila 'yung mga balota and then they can count it manually doon mismo sa presinto bago i-print 'yung election return so that they can compare," pahayag ni Matugas.


Gagamit din aniya ang Comelec ng blockchain technology para maging secure ang transmission ng election result.




 
 

ni Madel Moratillo @News | September 21, 2023




Exempted na sa election ban ng social services ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga nasa pampublikong transportasyon.


Ito ay matapos aprubahan ng Commission on Elections ang hiling ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board para ma-exempt sa ban ang pamamahagi ng fuel subsidy.


Mahigpit na bilin ng Comelec na sa implementasyon ng programa ay dapat matiyak na hindi ito makakaimpluwensya sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.


Kabilang sa sakop ng exemption sa election ban ay para sa fuel subsidy program, PUV service contracting program, at PUV modernization program sa kahilingan na rin ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.


Ang fuel subsidy ay para matulungan ang mga tsuper at operator ng public transport na apektado ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng oil products.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page