top of page
Karylle - IG.jpg
Search

by Info @Buti na lang may SSS | February 22, 2026



Buti na lang may SSS


Dear SSS, 

 

Magandang araw! Ako ay isang magsasaka dito sa Pampanga. Nais ko sanang itanong kung paano maipagpapatuloy ng katulad kong magsasaka ang paghuhulog sa SSS. Salamat.

— Mang Placido



Mabuting araw sa iyo, Mang Placido! 


Kinikilala ng SSS ang mahalagang tungkulin na ginagampanan ng mga magsasaka at mangingisda sa ating ekonomiya. Noong Oktubre 1995 ay sinimulan ng SSS ang coverage ng mga magsasaka at mangingisda upang mabigyan din sila ng kaukulang social security protection upang sa panahon ng kanilang pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, inboluntaryong pagkawala ng trabaho, pagkamatay, at pagpapalibing ay may magagamit sila sa oras ng kanilang pangangailangan. 


Inilunsad ng SSS ang programang Flexible Payment Schedule ng Social Security (SS) at Employees’ Compensation (EC) contributions sa lahat ng magsasaka, mangingisda at mga self-employed individual sa informal economy.


Sa ilalim ng nasabing programa, maaari na kayong magbayad, Mang Pedring, ng inyong SSS contributions sa nakalipas na 12 buwan mula sa kasalukuyang buwan. Halimbawa, kung kayo ay magbabayad ng SSS contributions ngayong buwan ng Pebrero 2026, maaari ninyong bayaran ang mga kontribusyon para sa Pebrero 2025 hanggang Enero 2026.


Samantala, ang schedule na ito ay hindi pinahihintulutan sa ibang mga miyembro lalo na sa mga regular na self-employed dahil walang retroactive payments. 


Narito naman ang comparison ng regular na payment schedule para sa mga self-employed member at ang bagong flexible payment schedule para sa mga magsasaka, mangingisda at mga self-employed individual na kabilang sa informal economy:


A. Regular Payment Schedule para sa mga Self-Employed Member

Petsa ng Pagbabayad Mga Buwan na Maaaring Bayaran

30 Abril 2026              Enero 2026 to Marso 2026

31 Hulyo 2026              Abril 2026 to Hunyo 2026

 

B. New Payment Schedule para sa mga magsasaka, mangingisda at mga self-employed individual sa Informal Economy


Petsa ng Pagbabayad Mga Buwan na Maaaring Bayaran

Pebrero 2026              Pebrero 2025 to Enero 2026

Marso 2026                        Marso 2025 to Pebrero 2026


Nakita ng SSS na ang regular payment schedule para sa mga self-employed member ay hindi naaayon sa schedule ng kita ng ating mga magsasaka at mangingisda. Hindi kasi ito tulad ng karaniwang manggagawa na tumatanggap ng kita kada buwan dahil sila ay nagkakaroon lamang ng kita sa panahon ng anihan ng kanilang produkto na may mga kaukulang buwan lamang sa loob ng isang taon. 


Sa isinagawang pag-aaral ng SSS, lumalabas na para sa ating mga magsasaka, may kaukulang harvest season sila na sinusunod at ito ay:


Para sa palay

Pangunahing ani: Setyembre hanggang Disyembre

Ikalawang ani: Enero hanggang Abril

Kabuuang bilang ng buwan: walong (8) buwan/ 12 buwan


Para sa mais

Pangunahing ani: Hulyo hanggang Setyembre

Ikalawang ani: Pebrero hanggang Mayo

Kabuuang bilang ng buwan: walong (8) buwan/ 12 buwan


Kaya minarapat ng SSS na ibatay sa kanilang harvesting season ang schedule ng pagbabayad ng kanilang kontribusyon at maipagpatuloy nila ang kanilang pagiging miyembro.


Ang kontribusyon naman na kanilang ihuhulog ay batay sa idedeklara nilang buwanang kita. Sa kasalukuyan, maaari silang maghulog ng P760 hanggang P5,280 na kontribusyon kada buwan. Kasama na rito ang kontribusyon sa ilalim ng Employees’ Compensation Program (ECP) na P10 kung ang Monthly Salary Credit o MSC ay P4,000 hanggang P14,500 at P30 naman kung ang MSC ay P15,000 o higit pa. Maaari silang magbayad ng kanilang kontribusyon gamit ang MySSS Mobile App o SSS collecting partner. Gayundin, maaari nila itong bayaran sa pamamagitan ng internet banking facility ng ng mga accredited banks at collecting partners, sa mga SSS branch na may tellering facility, mga accredited payment center, at SSS-accredited partner agents.


Malaki ang magiging pakinabang ng isang magsasaka o mangingisda kung patuloy na maghuhulog sa SSS hanggang sa siya ay magretiro. Sa panahon ng inyong pagreretiro, Mang Pedring, ay aanihin ninyo ang naimpok sa SSS bilang benepisyo gaya ng pensyon kung kayo ay may naipon na 120 buwan na kontribusyon. Kayo rin ang makikinabang sa kontribusyong inihuhulog ninyo ngayon sa SSS at sa darating pang mga taon.


***


Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito.  Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang (5) taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.



Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.

 
 

by Info @Buti na lang may SSS | February 8, 2026



Buti na lang may SSS


Dear SSS, 

 

Magandang araw! Ako ay isang SS member. Nabalitaan ko kamakailan na mayroong bagong programang inilunsad ang SSS na tinatawag na MySSS Pension Booster para sa aming mga miyembro. Ano ba ang programang ito? Salamat. — Sally



Mabuting araw sa iyo, Sally! 


Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat may iniaalok ang SSS na isang savings program bilang karagdagang paraan ng pag-iipon para sa retirement ng mga miyembro. Ito ay tinatawag na MySSS Pension Booster.


Mahalaga ang Pension Booster sapagkat ito ay nagsisilbing karagdagang social protection ng mga miyembro bukod sa kanilang matatanggap na benepisyo sa ilalim ng regular SSS program.


Ang Pension Booster ay isa sa mga probisyon sa ilalim ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018 na sinimulang ipatupad noong Enero 2021. Ito ay isang retirement savings program na pinangangasiwaan at ipinatutupad ng SSS upang matulungan ang mga miyembro na makaipon ng mas malaki para sa kanilang pagreretiro. 


Ang Pension Booster ay isang magandang oportunidad sa mga miyembro upang mapalago ang kanilang pera na magsisilbing karagdagang layer ng social security protection para sa kanilang retirement fund.


Ito ay isang programa para sa lahat ng miyembro, anuman ang kanilang monthly salary credit (MSC) o bracket na hindi bababa sa isang kontribusyon at wala pang final claim sa ilalim ng kanilang regular SSS program.


Tulad ng regular SSS program ay hinuhulugan din ito kada buwan. Maaaring magsimula ang miyembro sa halagang P500 kada hulog, at walang itinakdang maximum na kontribusyon depende sa patakaran ng SSS collecting partners. Walang fixed monthly requirement at maaaring maghulog ayon sa kakayahang mag-ipon ng miyembro, basta’t ang hulog para sa Pension Booster as isinasabay sa regular na SSS contribution. 


Layuning protektahan ng programang ito ang principal contributions ng mga miyembro. Ibig sabihin, hindi dapat bababa ang nominal value nito, bagkus ay tataas lamang ito depende sa performance ng SSS investments. Magandang paraan ito para maprotektahan ang pinaghirapang pera ng mga miyembro laban sa inflation.


Kikita ng compounded interest ang mga contribution dito dahil ang investment income na idini-distribute kada taon ay magiging bahagi na rin ng Total Accumulated Account Value (TAAV) ng miyembro na kikita rin ng kaukulang interes.


Sally, kung nais mong mag-invest sa Pension Booster, maaari kang mag-log-in sa iyong My.SSS account sa www.sss.gov.ph, i-click ang “Enroll to Pension Booster” na nasa ilalim ng Services tab, at basahin ang terms and conditions ng programa at i-accept ito.


Ang pinakamababang kontribusyon para sa Voluntary MySSS Pension Booster ay nagkakahalaga lamang ng P500 kada payment at walang maximum amount na nais mong i-invest. Mababayaran ito sa pamamagitan ng Payment Reference Number (PRN) na kailangang mong i-generate gamit ang iyong My.SSS account.


***

Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito.  Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.

 
 

Dear SSS,

Magandang araw SSS! Ako ay negosyante sa Pasig City at mayroong 20 empleyado. Dahil sa enhanced community quarantine, hindi ko nahulugan ang kontribusyon ng aking mga empleyado. Nangangamba akong dahil ilang buwan akong hindi nakapag-remit ng SSS contributions ay baka mapatawan na ako ng penalty. Nabasa ko sa inyong Facebook page na hanggang June 1 ang pagbabayad pero hindi ako nakapunta sa inyong opisina. Salamat po.

- Marcus

Sagot

Pinalawig muli ng SSS ang schedule ng pagbabayad ng kontribusyon ng mga employer hanggang Hunyo 15, 2020. Nauunawaan ng SSS ang kalagayan ng mga employer at mga miyembro nito bunga na rin ng ipinatupad na enhanced community quarantine sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kaya minarapat ng SSS na magkaroon ng adjustment sa regular na petsa ng pagbabayad ng kontribusyon sa SSS.

Para sa mga regular employer na tulad mo, maaari mong bayaran ang mga kontribusyon ng iyong mga empleyado para sa mga buwan ng Pebrero, Marso, at Abril 2020 hanggang Hunyo 15, 2020. Ang kagandahan nito, hindi ka na rin papatawan ng anumang multa hinggil sa mga late payments.

Samantala, maaari namang bayaran ng mga household employers ang kontribusyon ng kanilang mga kasambahay para sa mga buwan ng Enero, Pebrero, at Marso 2020 ng hanggang Hunyo 15, 2020. Wala ring ipapataw na anumang multa hinggil dito. Subalit, ang mga kontribusyon naman sa mga buwan matapos ang Abril 2020 ay babalik na sa dating regular na schedule ng pagbabayad.

Para sa mga employer na nagbabayad ng installment sa ilalim ng Contribution Penalty Condonation Program, pinalawig din ng SSS ang schedule ng kanilang pagbabayad. Maaari nilang ideposito ang mga post-dated checks para sa hulog sa mga buwan ng Pebrero, Marso, Abril, at Mayo 2020 hanggang sa Hunyo 15, 2020.

Ngunit nais naming ipaalala sa mga employers na ang mga kontribusyon sa mga buwan matapos ang Abril 2020 ay babalik na rin sa dating regular na schedule ng pagbabayad.

Para naman sa mga individual members, tulad ng mga self-employed, voluntary at non-working spouse, binibigyan sila ng hanggang Hunyo 15, 2020 upang bayaran ang kanilang kontribusyon para sa mga buwan ng Enero, Pebrero, at Marso 2020. Gayunman, ang mga kontribusyon sa mga buwan matapos ang Abril 2020 o mga quarter matapos ang 1st quarter ay babalik na sa dating regular na schedule ng pagbabayad.

◘◘◘

Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page