top of page
Search

Dear Doc. Shane,

Mayroong meningitis ang pamangkin ko at sa bahay namin sila nakatira. Hindi pa sila makauwi sa probinsiya gawa ng krisis pa ngayon. Ano ba ang sanhi nito at paano ito maiiwasan lalo na kung sa iisang bahay lamang kami?

– Leonor

Sagot

Iba’t ibang sakit ang maaaring makaapekto sa utak, kabilang na ang meningitis. Sa kondisyong ito, ang meninges ng utak ay nagkakaroon ng impeksiyon at pamamaga.

Ang meninges ay ang protective membrane na pumapalibot sa utak at spinal cord at nagsisilbing proteksiyon o harang ng mga bahaging ito.

Nagkakaroon ng meningitis dahil may nakararating na mga virus o bakterya sa utak o spinal cord. Bukod sa mga mikrobyong ito, maaari ring maging sanhi ng meningitis ang mga fungi at parasitiko. Dagdag dito, maaari ring magdulot ng meningitis ang mga pisikal na pinsala.

Ang meningitis ay mayroong iba’t ibang uri batay sa sanhi nito:

  • Viral meningitis. Sa uring ito, nagkakaroon ng meningitis ang tao dahil sa mga virus na tulad ng coxsackievirus A, coxsackievirus B at dahil ito ang pinakalaganap na uri, karaniwang gumagaling mula sa sakit na ito hangga’t nagpapahinga at sinusunod ng pasyente ang payo ng doktor.

  • Bacterial meningitis. Ang uring ito ay lubos na mapanganib. Sa katunayan, nasa lima hanggang 40 porsiyentong kabataan na may ganitong sakit ay nababawian ng buhay.

  • Fungal meningitis. Ang sanhi nito ay mga fungi na nagdulot ng impeksiyon sa katawan at kumalat sa daluyan ng dugo hanggang sa nakarating sa utak o spinal cord. Kadalasan, ang mga taong may HIV at kanser ang naaapektuhan nito.

  • Parasitic meningitis. Maaaring magkaroon nito kapag ang tao ay nakakain ng pagkaing naglalaman ng parasitikong nagdudulot ng sakit na ito. Kapag ang parasitiko o itlog nito ay nabuhay sa loob ng katawan, maaaring makarating ito sa utak o spinal cord at pinsalain ang mga tisyu nito.

  • Non-infectious meningitis. Ang mga nabanggit na uri ay sanhi ng mga impeksiyong dulot ng mga mikrobyo at parasitiko. Subalit sa uring ito, ang sanhi ng meningitis ay mga pisikal na pinsala o ibang medikal na kondisyon, tulad ng lupus at kanser. Maaari ring magdulot ng non-infectious meningitis ang mga operasyon sa utak at ilang mga gamot.

Ang mga mikrobyo at parasitiko na dulot ng meningitis ay kadalasang nakukuha sa maruming kapaligiran. Upang maiwasang magkaroon ng kondisyong ito, ugaliing gawin ang mga sumusunod:

  • Maghugas ng mga kamay bago at pagkatapos kumain, pagkatapos maglaro, pagkatapos humawak ng mga alagang hayop at pagkatapos gumamit ng palikuran.

  • Iwasang manghiram ng mga personal na gamit ng ibang tao.

  • Linisin ang kapaligaran at ugaliing itapon nang wasto ang mga basura upang hindi ito pamahayan ng mga mikrobyo at parasitiko.

  • Takpan ang ilong at bibig lalo na kung nababahing o nauubo.

  • Kumain ng masusustansiyang pagkain upang maging masigla at hindi agad maapektuhan ang katawan kahit na nakalanghap o nakahawak ng mga bagay na may mikrobyo.

Bukod sa mga nabanggit, mas malaki ang posibilidad na maiwasan ang ilang mga uri ng meningitis sa pamamagitan ng pagbabakuna. Halimbawa ng mga bakuna para sa meningitis ay ang mga sumusunod:

  • Hemophilus influenza type B (Hib) vaccine

  • Pneumococcal conjugate vaccine

  • Meningococcal vaccine

 
 

Dear Doc. Shane,

Malaki akong babae at talagang mahilig akong kumain dahil meron kaming maliit na restoran. Maraming namimilit sa akin na magpapayat pero tinatamad talaga ako. Sabi nila ay maraming sakit ang iniuugnay sa katabaan tulad ng diabetes at sakit sa puso. Totoo ba ‘yun? - Monica

Sagot

Ang pagkakaroon ng sobrang timbang o kondisyon na obesity ay hindi lamang problema sa pisikal na anyo bagkus ay itinuturing din na problema sa kalusugan. Ang pagiging sobrang taba ay nagtataas ng panganib ng pagkakaroon ng iba’t ibang malalalang sakit.

Ang sumusunod ay ilan sa mga kilalang sakit na may koneksiyon sa sobrang katabaan.

  • Sakit sa puso. Mas mataas ang posibilidad na mamuo at mabarahan ang mga ugat na nagsusuplay ng dugo sa puso (coronary artery) sa mga taong may sobrang timbang. Dahil dito, mas tumataas ang posibilidad na makaranas ng paninikip ng dibdib (angina) o atake sa puso.

  • Alta-presyon. Mas tumataas din ang pagkakaranas ng alta-presyon o pagtaas ng presyon ng dugo kung ang timbang ay mananatiling sobra sa normal. Kaugnay nito, maaaring makaranas ng iba’t ibang sintomas tulad ng pagkahilo at pamamanhid ng katawan. Dahil din sa alta-presyon, mas tumataas ang panganib ng stroke at pagkakaroon ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

  • Stroke. Ito ay kondisyon kung saan napipigilan ang maayos na pagdaloy ng dugo sa utak. Maaaring dahil ito sa pagbabara ng mga ugat o pagputok ng ugat sa utak. Maaari itong makamatay o magdulot ng pagkabaldado ng kalahati ng katawan.

  • Diabetes. Ito ang sakit kung saan nawawala ang abilidad ng katawan na kontrolin ang lebel ng asukal sa dugo. Dahil dito, maaaring tumaas o bumagsak nang husto ang lebel ng asukal sa dugo at pareho itong may masamang epekto sa kalusugan. Karamihan sa mga taong may malalang kondisyon ng diabetes ay may mataas ding timbang.

  • Kanser. Higit na mataas din ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser, partikular ang kanser sa bituka (colon cancer), dibdib (breast cancer), matres (endometrial cancer), sa mga taong matataba at sobra ang timbang.

  • Osteoarthritis. Dahil sa sobrang bigat na dinadala ng katawan, maaaring makaranas ng arthritis o pananakit ng mga kasukasuan. Nadadagdagan kasi ang bigat ng mga kasukasuan at napapabilis ang pagkasira ng mga kalamnan na nakapalibot dito.

  • Hirap sa paghinga habang tulog (Sleep Apnea). Isa rin sa mga karaniwang problema ng mga matataba ay ang hirap sa paghinga kapag natutulog. Ang sobrang taba na bumabalot sa leeg ay maaaring dumiin sa daluyan ng paghinga at maharangan ang maayos na daloy ng hangin.

  • Bato sa apdo. Ang sobrang taba sa katawan ay nakadaragdag din ng posibilidad ng pagkakaaroon ng mga bato sa apdo o gallstone. Ang mga naipong taba sa katawan ay maaaring mamuo sa apdo at maging maliliit na bato na kung gumulong papunta sa mga daluyan ng bile ay maaaring magdulot ng pagbabara at pamamaga.

  • Pagkabaog. Madalas ding problema ng mga taong may sobrang timbang ang kakayanan na makabuo ng anak.

  • Sobrang kolesterol sa dugo. Hindi malayong magkaroon ng mataas na lebel ng taba at kolesterol sa dugo ang mga taong sobra ang timbang. Ang pagkakaroon ng masamang kolesterol sa dugo ay iniuugnay sa iba’t ibang sakit tulad ng stroke, alta-presyon at sakit sa puso.

 
 

Dear Doc. Shane,

Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa brain cancer? Na-diagnose sa ganitong sakit ang pinsan ko at dahil sa kawalan ng pera ay hindi siya naoperahan hanggang sa mamatay na lamang. Saan ba nakukuha ang sakit na ito gayung wala namang may kanser sa aming pamilya? – Mr. Dimacuta

Sagot

Ang kanser sa utak o brain cancer ay ang pagkakaroon ng mga bukol sa nasabing bahagi ng nervous system.

Isa itong nakapangangambang kondisyon sapagkat malaki ang posibilidad na maapektuhan ang pang-araw-araw na pamumuhay ng tao.

Kapag ang utak ay magkakaroon ng problema, hindi makakapag-isip nang maayos ang pasyente at hindi rin magiging maayos ang kanyang pagsasalita at pagkilos.

Bagama’t ang kondisyong ito ay lubhang mapanganib, napakadalang lamang nito. Ayon sa datos, mas mababa pa sa 1% ang posibilidad na magkaroon ng mga cancerous o kumakalat na bukol sa utak ang tao.

Ayon sa National Brain Tumor Society, tinatayang may mahigit 100 uri ng bukol sa utak. Ilan lamang sa mga pangkaraniwang uri ng bukol sa utak ay ang mga sumusunod:

  • Astrocytoma. Ito ang pinakalaganap na uri ng tumor sa central nervous system. Sa uring ito, ang mga hugis bituing selulang tinatawag na astrocyte ang siyang unang naaapektuhan ng mga bukol. Karaniwang tumutubo ang mga ito sa cerebrum, ang pinakamalaking bahagi ng utak. Bukod dito, maaari ring magkaroon ng astrocytoma ang gulugod (spinal cord) at brain stem.

  • Glioblastoma multiforme. Ito ay ang pinakalaganap na uri ng grade IV brain cancer. Ang bukol na ito ay maaaring tumubo sa alinmang bahagi ng utak, subalit mas karaniwan itong tumutubo sa mga frontal at temporal lobe.

  • Meningioma. Ang bukol na ito ay kadalasang tumutubo sa mga lining na pumapaligid sa utak at spinal cord o gulugod. Karaniwang benign lamang ito at mabagal ang pagtubo. Sa katunayan, maaaring hindi agad malaman ng tao na may meningioma pala siya sapagkat minsan ay wala itong sintomas.

  • Oligodendroglioma. Sa uring ito, nagkakaroon ng mga bukol ang mga taba na pumoprotekta sa mga nerve ng utak at gulugod. Kumpara sa astrocytoma, mas madaling malunasan ang uring ito.

Mga sanhi:

  • Genes. Kung ang magulang o sinumang malalapit na mga kamag-anak ay may kasaysayan ng kanser sa utak, maaari itong maipasa sa kanilang mga anak. Dahil dito, maaaring magkaroon ng bukol sa utak ang tao, lalo na kung hindi siya nag-iingat sa kanyang kalusugan.

  • Pagkakalantad sa radiation. Ang pagkalantad sa radiation ay maaari ring magdulot ng kanser sa utak. Karaniwang may malalakas na radiation ang mga X-ray at nuclear power plant. Kapag ang katawan ay madalas na nalalantad sa mga ito, maaaring tubuan ng bukol ang utak at iba pang bahagi ng katawan.

  • Pagkakalantad sa mga nakalalasong kemikal. Ang pagkakalantad sa mga nakalalasong kemikal tulad ng mga pamatay-peste at pampataba sa mga halaman ay maaaring magsanhi ng kanser sa utak. Dagdag dito, maaari ring magkaroon ng kanser kung madalas nalalantad ang katawan sa paggawa ng mga produktong may kinalaman sa tingga (lead), petrolyo, goma, at plastik.

  • Paninigarilyo. Bukod sa kanser sa baga, maaari ring magdulot ng kanser sa utak ang paninigarilyo. Ayon sa mga pag-aaral, pinaninipis ng mga sangkap na nakukuha sa sigarilyo ang mga protective lining ng utak. Dahil dito, napipinsala ang utak at nagiging mas madali itong tubuan ng mga bukol.

Mga sintomas:

  • Madalas na pananakit ng ulo

  • Hindi maipaliwanag na pagduduwal o pagsusuka

  • Panlalabo ng paningin

  • Pamamanhid ng braso o binti

  • Hirap sa pagbabalanse

  • Hirap sa pagsasalita nang maayos

  • Madalas na pagkalito

  • Pagbabago ng ikinikilos at ugali

  • Pag-atake ng kombulsyon o pangingisay

  • Panghina ng pandinig

  • Pagkawala ng kakayahang makakilos nang maayos

  • Madalas na pagkalimot

  • Hindi normal na paggalaw ng mga mata

  • Pagkibot ng mga kalamnan

  • Hindi maipaliwanag na pagkawala ng malay

  • Madalas na pagkahilo

Samantala, upang matanggal ang mga bukol sa utak, ang pasyente ay maaaring sumailalim sa operasyon, chemotherapy, radiation therapy at iba pang mga lunas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page