top of page
Heart Evangelista - IG.jpg
Search

Sunud-sunod na drama ang nangyari ngayong linggo. Unang nang-hostage si Alchie Paray, isang guwardiya sa Virra Mall, Greenhills, San Juan noong Lunes.

Sama ng loob sa mga opisyal ng ahensiya kung saan siya nagtrabaho ang nagtulak sa kanya na gumawa ng hindi kanais-nais na hakbang kung saan halos sampung oras ang inabot ng hostage-taking.

Matindi umano ang korupsiyon sa ahensiya at management. May mga pinapaboran umano ang mga ito at dahil sa hindi magandang trato sa kanya o sa kanila, nangyari ang drama.

Ang masama ay may nabaril na kasamahan sa trabaho na mabuti na lang at hindi namatay. Pero sa puntong ‘yun pa lang ay selyado na ang tadhana — frustrated homicide bukod sa illegal detention ang haharapin niyang mga kaso.

Hindi niya umano tinanggap ang P1 milyong inalok sa kanya ng kumpanya para pakawalan ang mga bihag. Ang nais lamang niya ay masabi ang kanyang hinanakit at magbitiw ang mga opisyal ng kumpanya.

Pero ngayong tapos na ang drama, ano ang magiging resulta ng mga inilabas na hinanakit ni Paray?

Paniguradong maraming empleyado sa buong bansa ang may kaparehong sitwasyon tulad kay Paray — ang korupsiyon at pang-aabuso sa trabaho.

Hindi lang sa gobyerno nagaganap ‘yan kundi maging sa mga pribadong kumpanya. Pero huwag naman sanang mauwi rin sa ganitong paraan para piliting mapakinggan lamang ng kumpanya. Walang sinuman ang may karapatan na ilagay sa peligro ang buhay ng ibang tao sa anumang kadahilanan.

****

Samantala, Miyerkules naman ng umaga, kumalat ang balita na binaril ang sasakyan ng Kapamilya actress na si Kim Chiu.

Ayon sa ulat, pinagbabaril ang van sa Katipunan Ave., Quezon City habang sakay ang aktres. Patungo si Kim sa taping nang alas-6:00 ng umaga, maliwanag na at marami nang sasakyan sa kalsada, pero walang pag-aalinlangan na ginawa ang pamamaril. Mabuti na lamang at hindi tinamaan si Kim, ang kanyang personal assistant at drayber.

Sa inisyal na ulat, ang hinala ay mistaken identity o baka napagkamalan ang sasakyan ng aktres. Gayundin, baka may target na kapareho nito ang sasakyan.

Pero nilinaw ng aktres, PA at drayber nito na wala silang maisip na kaaway o kaatraso ang aktres, kaya hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa pulisya ang krimeng ito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page