top of page
Search

Nagkakapikunan na ang mga dating magkakaibigan dahil sa isyu ng pagsasarado sa ABS-CBN.

Pokus ng debate ang papel ng Kamara ng mga representante!

◘◘◘

IMBES na magtrabaho si Speaker Alan Peter Cayetano ay naghuhugas-kamay na lang muna siya.

Kumbaga, mag-aala-Poncio Pilato muna si Speaker!

◘◘◘

NAPIPIKON na ang ilang senador dahil sa pagtengga ng mga kongresista sa panukalang-batas na magre-renew sa prangkisa ng ABS-CBN.

Inakala ni Cayetano na mag-iisyu ng provisional authority ang National Telecommunications Commission (NTC) habang nakatengga ang prangkisa mula sa Kamara.

Pero, hindi ito naganap kaya parang Bulkang Taal na sumabog ang isyu!

◘◘◘

MALINAW ang legal opinion ni ex-Supreme Court Justice Reynato Puno.

“May hatol na d’yan (legislative franchise) noon pa. Alam naman ng mga congressman ‘yan, lalo na si Speaker Cayetano. There is need for a franchise before the NTC can grant a provisional permit. Without a franchise, the station concerned has to cease operations,” paliwanag ni Puno!

◘◘◘

NANINIWALA ang ilang legal experts na mas delikadong mademanda ang NTC kapag sinunod nito ang kagustuhan ni Cayetano.

Hindi umano puwedeng panghawakan ng NTC ang sulat ni Cayetano o kahit ang resolusyon ng Senado kaugnay sa provisional authority!

◘◘◘

NOON ay palaging magkakampi sina Cayetano at Solicitor General Jose Calida sa iba’t ibang isyu.

Pero ngayon, nagkakainitan ang dalawa matapos sabihan ng una ang huli na epalero sa trabaho sa Kongreso!

◘◘◘

SI Calida ang nagpayo sa NTC na huwag maglabas ng provisional authority.

Kung ang tingin ng marami kay Calida ay kontrabida, sa pagkakataong ito ay siya naman ang bida!

◘◘◘

Tungkulin naman talaga ng solicitor general na magbigay ng legal opinion sa alinmang government agency tulad ng NTC.

Marami ang nagdududa kung pasok ba talaga si Cayetano sa “Digong’s Kitchen”?

◘◘◘

SUMASALIWA na kasi ang paa ng Speaker sa indak ng mga taga-Palasyo.

Kinakausap pa ba siya ni P-Duterte kaugnay sa legislative agenda ng administrasyon?

◘◘◘

NABUBUO tuloy ang hinala na malapit nang matsugi si Cayetano bilang House speaker, lalo na at wala na ring ka-amor-amor sa kanya ang magkakapatid na Duterte.

Matagal nang tinanggap ni P-Duterte ang pagso-sorry ng ABS-CBN pero hindi siya nakikisayaw sa tanggo nito!

◘◘◘

KUNG ang pangulo at ang Diyos ay nagpapatawad, bakit hindi ito magawa ni Cayetano?

Ang ABS-CBN shutdown kaya ang isyu na magpapaguho sa tore ng kaldero ni Cayetano?

 
 

May pakiramdam tayo na tulad ng COVID-19, mahihirapan nang makabalik sa ere ang ABS-CBN.

◘◘◘

NAKATUTOK ang isyu sa legal battle sa Korte Suprema.

Isa itong legal issue at hindi social issue.

Hayaan na natin ang hukuman ang humatol!

◘◘◘

NAMUMURO na ang pagpapaluwag ng lockdown.

‘Yan na mismo ang “bagong buhay”!

◘◘◘

TALAGANG magkakambal sina ex-P-Marcos at P-Digong.

Iisa na lang ang hindi nagagawa ni P-Digong pero may bayag na ipinatupad ni ex-P-Marcos.

Ito ay ang deklarasyon ng Martial Law!

◘◘◘

MARAMI ang naghihintay ng deklarasyon ng Martial Law sapagkat ito ang shortcut na solusyon sa lahat ng problema.

Pero, bago maideklara ni P-Digong ang Martial Law, kailangan munang magkaroon ng kakambal si ex-Sen. Ninoy.

Eh, sino naman ang aaktong Ninoy?

◘◘◘

KUNG wala talagang maghahambog na bagong Ninoy, bago ideklara ang Martial Law—kailangan munang manggulo ang CPP-NPA.

Kapag araw-araw ay nang-ambush ang NPA—‘yan na ang senyales na idedeklara ang Martial Law!

◘◘◘

MAY oportunidad pa ba na maideklara ang Martial Law?

Ang sagot at malinaw na “oo”.

Bakit?

Kahit wala na si Ninoy, nand’yan pa ang CPP-NPA!

◘◘◘

SA panahon ni ex-P-Marcos ay nagkaroon din ng krisis, pero nalimutan na ng lahat.

Ang oil crisis dahil sa Iran-Iraq war ay nagbunsod ng kakapusan ng bigas!

◘◘◘

PARA maibsan ang krisis sa bigas, binuo ang NFA na naging NGA.

Ipina-repack ni ex-P-Marcos ang bigas sa NGA—at pinahaluan ng “mais”.

Ito ang ipinamahagi sa mga barangay!

◘◘◘

UPANG makontrol ang mataas na presyo ng petrolyo—ipinatupad ang “Oil Price Stabilization Fund” o OPSF.

Nag-iimbak ng petrolyo ang Petron kapag mababa ang presyo sa merkado at inilalabas ito kapag tumaas ang presyo sa world market!

◘◘◘

MULA kay ex-P-Marcos patungo kay P-Duterte—‘yan ang ating nararanasan ngayon.

Hindi kaya dumiretso ang istorya nang: “Marcos to Duterte to Marcos”?

Ito ang bagong tawag ng panahon: Marcos2Duterte2Marcos!

 
 

Makakakolekta ang gobyerno ng P46 bilyon mula sa mga independent power producers na may utang sa Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM).

Ito ay bunga ng masusing imbestigasyon ng House Committee on Good Government at House Committee on Public Accounts and Accountability.

Klap-klap-klap!

◘◘◘

KAHAPON ay itinuloy nina House Committee on Public Accounts and Accountability Chairman Anakalusugan Rep. Mike Defensor at House Committee on Good Government Chairman Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado ang imbestigasyon nito sa P95 bilyong utang ng mga power firm sa gobyerno pero kapansin-pansing hindi nagpartisipa ang komite ni Velasco.

Una nang inimbitahan nina Defensor at Sy-Alvarado si Velasco na makiisa sa imbestigasyon matapos sabihin ni Surigao Rep. Johnny Pimentel na ang House Committee on Energy ang may hurisdiksiyon pero no show naman sa ikatlong pagdinig kahapon!

◘◘◘

ANG komite ni Velasco ang may oversight power sa PSALM at sa buong power generation industry, may apat na taon na itong chairman ng komite pero hindi ito nagsagawa ng imbestigasyon sa isyu.

Ito ba ay dahil sa pagiging malapit nito sa negosyanteng si Ramon Ang na siyang may-ari ng South Premier Power Corp. (SPPC) na may utang sa gobyerno ng P24 bilyon?

◘◘◘

SINASABING may koneksiyon si Velasco kay Ang na itinuturong padrino sa pagtatangkang makopo ang Speakership.

Ang misis umano ng kongresista ay personal assistant ng tycoon.

Kinukuwestiyon din ang ulat na may malaking shares of stock ang kongresista sa San Miguel at Petron Corporations!

◘◘◘

UNA nang sinabi ni Defensor na hindi na nila hihintaying umaksiyon si Velasco kung may personal itong kadahilanan pero hindi mapipigilan ang kanilang komite na habulin ang mga power firm kabilang na ang SPPC.

Kabilang umano sa mga nag-commit na magbabayad ay ang SPPC na aabot sa P22.6 bilyon bilang advance sa kanilang monthly payment sa PSALM mula Marso hanggang Hunyo 2022!

◘◘◘

IBINUNYAG ni Defensor na maliban sa makukuha sa SPPC ay may P23.6 bilyon pa ang kokolektahin mula sa iba pang power firms kabilang ang Meralco (P15 billion); Northern Renewables Generation Corp. (P4.6 bilyon); FDC (Filinvest Development Corp.) Misamis Power Corp (P2.6 bilyon) at FDC Utilities, Inc. (P1.2 bilyon).

Umaasa si Defensor na ang iba pang independent power producers at electric cooperatives ay susunod na rin sa hakbang ng ibang kumpanya na magkukusang magbayad ng kanilang mga utang!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page