top of page
Search

ni Jeff Tumbado | March 17, 2023




Nasa 13 tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) ang sinibak sa puwesto dahil sa hulidap at kotong.


Isasailalim ang mga ito sa imbestigasyon ng PNP-Internal Affair Service (IAS) kaugnay ng alegasyon.


Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, ang mismong director ng CIDG na si Brig. General Romeo Caramat ang nag-atas na sibakin ang kanyang mga tauhan.


Nabatid na 10 sa mga tinanggal ay pawang mga police non-commissioned officers (PNCO) habang ang tatlo ay police commissioned officers (PCO).


Tinanggal din bilang hepe ng CIDG-NCR si Police Col. Hansel Marantan dahil sa command responsibility.


Sinabi ni Fajardo na hiniling mismo ni Marantan na siya ay tanggalin sa puwesto para bigyang-daan ang imbestigasyon sa mga reklamo sa kanyang mga tauhan.


Ayon naman kay PNP Deputy Chief for Administration Police Lt. General Rhodel Sermonia, nakatanggap sila ng mga reklamo laban sa CIDG-NCR personnel kaugnay sa pagdakip nila sa 13 indibidwal dahil sa pagsusugal ng mahjong sa isang compound sa Parañaque City kamakailan.


Humingi umano ng P10 milyon ang CIDG-NCR personnel mula sa mga dinakip kapalit ng kanilang kalayaan.


“Dinala sila dito sa CIDG-NCR, mga 13 arrested personalities. Then in exchange for their freedom, that is according again to the complainant, ay nagbigay sila ng halaga sa ating operatives,” ani Sermonia.


Bukod sa pangingikil ay nilimas pa umano ng CIDG-NCR personnel ang pera na laman ng vault na nagkakahalaga ng P3 milyon, mga alahas, mamahaling relos, at mga bag mula sa inarestong indibidwal.


 
 

ni Jeff Tumbado | February 18, 2023



Naglabas ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), ng wanted poster ng anim na lalaking suspek sa pagkawala ng mga sabungero sa Manila Arena nitong nakaraang taon.

Pinangalanan din ng CIDG ang mga suspek na sina Julie Patidongan alyas Dondon, Mark Carlo Zabala, Roberto Matillano, Jr., Johnry Consolacio, Virgilio Bayog, at Gleer Codilla o Gler Cudilla.


Ang naturang mga suspek ay may nakalaang P1 milyong patong bawat isa. Ilang warrant of arrest ang inilabas na rin ng Regional Trial Court laban sa mga suspek sa kasong Kidnapping and Serious Illegal Detention.

Ayon kay CIDG Director Police Brigadier General Romeo Caramat, Jr., ang nabanggit na poster ay ipapaskil sa lahat ng PNP units, sa mga pampublikong lugar, social media at website ng CIDG.

Hinikayat din ni Caramat ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa mabilis na ikadarakip ng mga akusado.

Nabatid na ang Manila Arena case o ang tinaguriang “case 1” ay isa sa walong kaso na kasalukuyang sinisiyasat ng CIDG sa pamamagitan ng binuong Special Investigation Task Group “Sabungero”.

Sa ngayon, ang inihaing reklamo nang case 1 at 8 para sa dinukot na biktimang si e-sabong master agent Ricardo Lasco ay pinaboran ng ilang korte dahil sa nakitang probable cause at pagsisilbi ng arrest warrants.

Sa simula, ang naturang reklamo ay inihain laban sa walong natukoy na indibidwal at ilan pang “john does” na sangkot sa Manila Arena case nitong taong 2023.

Una nang sinampahan ng mga kaso ang limang police personnel at dalawang asset sa pagdukot kay Lasco, kung saan tatlo sa mga pulis ay sumuko na at naghain ng not guilty plea sa kidnapping, serious illegal detention at robbery.


 
 

ni Zel Fernandez | May 1, 2022



Kalaboso ang dalawang South Korean fugitives na pawang mga miyembro umano ng isang malaking sindikato, matapos mahuli sa NAIA Terminal 4. Kasunod nito ang pagkadakip din sa isa pang puganteng Koreano na lider naman umano ng sindikato ng scam sa kanilang bansa.


Ayon sa Bureau of Immigration - Fugitive Search Unit (BI-FSU), tinukoy na kapwa priority targets ang dalawang naarestong pugante dahil sa malaking operasyon ng kanilang grupo sa South Korea.


Pahayag ni Rendel Sy, hepe ng BI-FSU, may standing warrant of arrest na ang dalawang South Korean nationals na mga lider umano ng isang telecom fraud syndicate na nag-o-operate sa Pilipinas.


Batay sa ulat, nakapangulimbat na umano ang mga sindikato ng 80 milyong Korean won. Kaya pagkaraang ma-monitor ang pagbabakasyon ng mga ito sa Palawan ay inabangan na ng mga awtoridad ang dalawa sa airport, na nagdulot ng bahagyang tensiyon matapos umanong tangkain pang tumakas ng mga suspek mula sa mga aaresto sa kanila.


Samantala, sa hiwalay namang operasyon sa Quezon City, nadakip din ang isang puganteng Koreano na lider din umano ng sindikatong ang modus ay pang-i-scam, at sangkot din sa pagpatay sa kapwa Koreano nito sa Pilipinas.


Ani Police Lieutenant Colonel Bryan Andulan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cavite, "Mayroon silang birthday celebration doon ng magkakaibigan, nagkaroon sila ng heated argument, nagkaroon sila ng fistfight, nagkataon na 'yung kaibigan niya ay napuruhan niya, nagkaroon ng head trauma."


Kasalukuyan nang nasa panig ng mga awtoridad ang mga nadakip na salarin upang hainan ng mga karampatang kaso.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page