top of page
Search

ni Chit Luna @News | May 23, 2024



vaping vs cigar

Isang grupo sa United Kingdom ang nagpakita ng mga siyentipikong ebidensya at opinyon ng mga eksperto na nagpapatunay na ang paggamit ng vape ay mas mababang panganib na dulot kumpara sa paninigarilyo.


Ayon sa UK Vaping Industry Association (UKVIA), ang vaping ay higit na hindi gaanong nakakapinsala tulad ng paninigarilyo na kumikitil ng halos 80,000 buhay bawat taon sa UK.


Ang UKVIA ay isang nangungunang organisasyong nagtatanggol sa mga benepisyo ng paglipat mula sa paninigarilyo tungo sa vaping. Nilabas nito ang pahayag matapos ang industriya ng vaping at mga vapers ay hindi isinama sa talakayan ng Tobacco and Vapes Bill sa parliamentary committee.


Ang Office for Health Improvement and Disparities (OHID), isang ahensya ng gobyerno, ang nagsabing ang pinsalang dulot ng vaping ay mahigit 95 porsiyento na mas mababa kaysa sa mga sigarilyo.


Idinagdag ng UKVIA na ang vaping ay nagdudulot ng maliit na bahagi lamang ng panganib ng paninigarilyo. Ang ganap na paglipat mula sa paninigarilyo patungo sa vaping ay may malaking benepisyo sa kalusugan, dagdag nito.


Kinumpirma sa publiko ni Sir Chris Whitty, Chief Medical Officer ng England, na ang vaping ay mas ligtas kaysa sa paninigarilyo, at ang paglipat ay isang positibong hakbang sa kalusugan.


Natuklasan naman ng isang pag-aaral ng Brunel University London na ang National Health Service ay makakatipid ng higit sa kalahating bilyong pounds kada taon kung kalahati ng mga naninigarilyong nasa wastong edad sa England ang lilipat sa vaping.


Nalaman ng isang pagsisiyasat noong 2019 na ang sinasabing sakit sa baga sa U.S. ay nagmula sa mga kontaminado at ilegal na produkto na naglalaman ng THC, ang psychoactive component sa cannabis, at hindi sa mga legal na produktong nicotine vaping.


Sinabi ni Alice Davies, isang opisyal ng impormasyon sa kalusugan sa Cancer Research UK, na nakakalito ang mga naglabasang headline dahil ang mga kasong ito ay hindi dapat maiugnay sa regular na nicotine vaping.


Sinabi ni Davies na walang mga naitalang kaso sa UK ng paggamit ng mga pinagbawal na kemikal katulad sa US.


Sinabi naman ng OHID Nicotine Vaping sa England na ang maling ulat sa EVALI o electronic cigarette or vape associated lung injury outbreak sa United States ay dapat ihiwalay sa nicotine vaping.


Kinumpirma ng Cancer Research UK na walang kumpirmadong kaso ng popcorn lung na iniulat sa mga taong gumagamit ng mga e-cigarette sa UK, at ang mga vape ay hindi nagdudulot ng ganitong pinsala sa baga.


Binanggit din ng UKVIA ang pinakabagong datos mula sa Action on Smoking and Health (ASH), isang public health charity, na nagpapakita na halos 4.5 milyong matatanda sa Great Britain ang gumamit ng vaping para bawasan o ganap na ihinto ang paninigarilyo.


Itinuturing ng National Health Service (NHS) ang vaping bilang isa sa mga pinakaepektibong paraan para huminto sa paninigarilyo, habang ang Office for Health Improvement and Disparities ay nag-ulat na ang vaping ay karaniwang tulong na ginagamit ng mga tao para tumigil sa paninigarilyo.


Si James Tucker, pinuno ng pagsusuri sa kalusugan sa Office for National Statistics (ONS) ay nagsabi na ang vaping ay may pangunahing papel sa pagbabawas sa antas ng paninigarilyo sa buong UK.


Ang isang komprehensibong pagsusuri ng Cochrane, isang pandaigdigang network ng mga mananaliksik sa kalusugan, na tumingin sa datos mula sa mahigit 300 klinikal na pagsubok at kinasangkutan ng higit sa 150,000 katao, ay nagpapakita na ang e-cigarette ay kabilang sa mga pinakaepektibong tulong na magagamit para huminto ang mga naninigarilyo.


Itinanggi din ng UKVIA ang ugnayan sa pagitan ng regular na vaping at paninigarilyo. Ayon sa isang report ng ASH UK, ang vaping ay napatunayang hindi isang "gateway” sa paninigarilyo.


Nabanggit sa nasabing ulat na habang ang paggamit ng e-cigarette ay tumaas sa England sa pagitan ng 2010 at 2021, ang antas ng paninigarilyo ng mga kabataan ay patuloy na bumaba sa parehong panahon.


Sinabi ng ASH UK na ito ay hindi sumusuporta sa gateway hypothesis sa antas ng populasyon.


 
 

ni Chit Luna @News | April 3, 2024



Nagpasaklolo na ang ilang mag-aaral kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para aksyunan at disiplinahin ang isang mataas na opisyal ng Commission on Higher Education (CHED) sa Luzon na si Dr. Aldrin Darilag na professor din sa Don Honoria Ventura State University (DHVSU) sa Pampanga.


Kaugnay umano ito sa kasong grave misconduct, neglect in the performance of duty and abuse of authority or oppression.


Sa kanilang complaint, sinabi ng isang alyas Guia, Tourism student na kailangan umanong paboran ng mga mag-aaral ang gusto ni Darilag para sila’y makapasa at maka-graduate.


Isang halimbawa umano ang reklamo ng isang MBA student na kahit na kumpleto sa lahat ng requirements ay nabigyan pa ng professor ng gradong Incomplete.


Samantala, naihain na umano ang complaint kay CHED Chairperson Prospero de Vera III hinggil sa sinasabing hindi makatwirang gawain ni Darilag.


Naipadala na rin umano ni Chairperson De Vera ang usapin sa tanggapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.


Nais ng mga mag-aaral na imbestigahan, suspendihin o parusahan si Darilag sa umano’y maling gawain na hindi na katanggap-tanggap at sinasabing malinaw na pang-aabuso sa katungkulan.


Dahil sa mga palitan ng kuwento tungkol sa naturang opisyal, nagdesisyon umano ang mga mag-aaral para ireklamo ang naturang CHED official upang matigil na ang umano’y pang-aabuso nito.


 
 

ni Chit Luna - @Yari Ka! | March 30, 2021


Masama ang loob ng isang opisyal ng gobyerno sa kanilang ‘boss’, makaraan siyang diretsahang tablahin sa kanyang kahilingang maging pambato ng administration party.


Ngunit sa halip na magmukmok, mas naging masigasig siya sa kanyang ambisyong pamunuan ang bansa at bahagi ng kanyang paghahanda ay ang panliligaw sa sikat television host para maging ‘running mate’.


Ang siste, nauna pala siyang gumapang sa pakikipag-usap sa TV host kaysa sa iba. Matatandaang, umugong ang balitang inaalok ng iba pang pulitiko ang nasabing TV host para pasukin ang magulong mundo ng pulitika. Ang kanilang alok—slot sa senatorial line-up.


Pero katwiran ng TV host sa kanyang pagtanggi, wala siyang alam sa pagbabalangkas ng batas—pero ang posisyon ng bise-presidente, sakaling palarin ay hindi nalalayo sa kanyang pinagkakaabalahan sa kasalukluyan—ang makipag-ugnayan sa masa.


Ayon sa ilang malalapit na kaibigan, naging mas masigasig ang panliligaw sa TV host makaraan siyang ilaglag ng kanilang ‘boss’ nang nangakong siya ang ilalaban sa 2022.


Pero sa pagkakataong ito, siya naman ang nakaisa. ‘Ika nga ay bawi-bawi lang ‘yan.


Isang matinding low-blow man ang umiktad sa kanya, sinuklian niya ito ng nakayayanig na upper cut.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page