- BULGAR
- Oct 22, 2021
ni Jasmin Joy Evangelista | October 22, 2021

Tinalakay sa Senado ang pagbubukas ng limited face-to-face classes sa mga kolehiyo at state universities sa gitna ng pandemya.
Pinatitiyak ng mga mambabatas ang kahandaan ng mga eskuwelahan sakaling payagan na ito.
Nakadepende raw ang pagbubukas ng klase sa sitwasyon ng COVID-19 sa isang lugar, ayon kay Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero de Vera.
“We have to make our campuses COVID resilient when we ask our students to come in at scheduled times," ani de Vera.
Salitan at hindi puwedeng sabay-sabay o 100 percent na papasok ang mga estudyante, depende sa populasyon ng mga mag-aaral.
May mga mekanismo na raw ang mga local government units at pinaplantsa na ang limited face-to-face classes, kung saan ang mga eskuwelahan daw ang mag-a-apply sa CHED kung papayagan na silang magbukas para dito.
May mga lugar daw kasi na hindi papayag ang mga magulang at ang LGU na pumasok sa paaralan dahil sa takot pa rin sa COVID-19.
Dagdag pa rito, kailangan din daw pataasin ang vaccination rate sa mga kabataan.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, ibabase ang pagbubukas ng face-to-face classes sa estado ng vaccination ng mga estudyante sa isang lugar.
“I-divide yung classes, so you can have all the vaccinated in one class and then those unvaccinated will go online. And then pwede naman, the next group parang bubble type," paliwanag ni Cabotaje.
"You can have the vaccinated for one week or two weeks, then you can have the unvaccinated in another one or two weeks. We do not want to disenfranchise the unvaccinated. We want to push with the vaccination," aniya.






