top of page
Search

ni Lolet Abania | May 4, 2021




Arestado ang isang lalaki matapos makumpiskahan ng P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy bust operation ng mga kawani ng Philippine National Police (PNP) sa Malolos, Bulacan nu'ng Lunes nang gabi, ayon sa Bulacan Provincial Police Office.


Kinilala ni Bulacan Provincial Director Police Colonel Lawrence Cajipe ang suspek na si Alexander De Naga na nadakip sa isang operasyon sa Diversion Road, Barangay Mojon nang alas-11:30 kagabi.


Nakuha sa suspek ang dalawang piraso ng nakataling transparent plastic bags na naglalaman ng tinatayang 500 gramo ng shabu, isang asul na box, cellphone, at buy-bust money.


Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek.


Dinala naman ang mga nakumpiskang shabu sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office para sa kaukulang eksaminasyon.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 14, 2021




Dalawang tulak ang napatay sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group kasama ang National Capital Region (NCR) Police Office, Southern Police District at Las Piñas City Police sa isang subdivision sa Baranggay Almanza Uno, Las Piñas City nitong Martes nang gabi, Abril 13.


Ayon sa ulat, kinilala ang mga tulak na sina Coco Amarga at Andrew Garcia bilang mga ‘new player’ sapagkat wala umano sila sa watchlist ng pulisya.


Kuwento pa ni PNP Chief General Debold Sinas, pasado alas-10 nang gabi nu'ng makipagtransaksiyon sa mga ito ang pulisya, subalit nu’ng idineklara nilang buy-bust iyon ay kaagad nataranta ang mga suspek saka nagsimulang magpaputok ng baril.


Narekober sa crime scene ang dalawang caliber .45 na baril at tatlong kahon na may lamang 31 kilo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa Chinese tea pack na nagkakahalagang mahigit P210 milyon.


Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya kung sino ang kanilang lider at kung bago o lumang stock ang mga nasabat na shabu, sapagkat posible rin umanong nanggaling ang mga iyon sa Pampanga na ibebenta sana sa Metro Manila, Calabarzon at Central Luzon.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 12, 2021




Tatlong drug pusher ang patay sa magkasunod na buy-bust operation na isinagawa sa Pasay at Parañaque nitong weekend, kung saan mahigit P81.6 milyong halaga ng shabu na nakalagay sa Chinese tea bag ang nakumpiska ng mga awtoridad.


Ayon kay Metro Manila Police Chief Vicente Danao, nakipagtransaksiyon sila kay alyas Richard sa West Service Road, Barangay Sun Valley sa Parañaque nitong Sabado nang gabi, subalit nang makakutob na pulis ang katransaksiyon ay nagsimula na itong magpaputok ng baril.


Tinatayang 5 kilo ng shabu na nagkakahalagang P43 milyon ang nakumpiska rito.


Nagpatuloy pa ang operasyon ng mga awtoridad hanggang Linggo nang madaling-araw, kung saan 2 tulak ang kasunod na namatay sa C5 Extension, Pasay Road.


Nakuha sa kanila ang 7 kilo ng shabu na may halagang P47.6 milyon. Kinilala rin sila bilang sina alyas Domeng at alyas Rey na nanlaban din umano kaya nauwi sa madugong transaksiyon ang naganap na buy-bust operation.


Paliwanag naman ni Chief Danao, hindi parte ng plano ang pagpatay sa 3 drug suspek ngunit kailangan umanong gawin upang protektahan ang buhay ng mga pulis at mga sibilyan.


Dagdag pa niya, kilalang drug pusher sa kanilang lugar ang mga suspek. Nanggagaling pa umano ang mga droga mula sa Chinese supplier at mayroon ding Pinoy contact na involved sa distribusyon.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page