top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | January 24, 2022



Hindi na umano made-delay ang paglabas ng resulta ng COVID-19 RT-PCR ng mga returning overseas Filipinos (ROFs), ayon sa Bureau of Quarantine (BOQ).


Ayon kay BOQ Deputy Director Dr. Roberto Salvador Jr. sa Laging Handa briefing nitong Sabado, naipasa na ng mga laboratories ang mga test results sa BOQ sa loob lang ng isang araw matapos noong unang linggo ng Enero.


“Nangyari lang naman po ang delay ng swab test result during the time po na talagang maraming nag-positive at noong kumalat po ang Omicron sa lahat po ng ahensiya ng gobyerno, even private laboratory po,” ani Salvador.


“Nangyari po ito noong last week po ng December hanggang first week siguro ng January kung saan po iyong mga ahensiya natin and iyong mga laboratory po eh tinamaan iyong mga staff kaya po may mga nagsara o kumaunti iyong capacity dahil sa kakulangan ng tao,” dagdag niya.


Aniya pa, mayroon silang average capacity na 3,000 arrivals kung saan halos 300 ang nagpa-positive kada araw.


Samantala, sinabi rin ng opisyal na ang mga nakaraang kaso ng mga tumatakas sa hotel quarantine ay na-file na sa National Bureau of investigation (NBI).

 
 

ni Lolet Abania | January 7, 2022



Si Bureau of Quarantine (BOQ) Deputy Director Dr. Roberto Salvador Jr. at karamihan sa kanilang personnel ay nagpositibo sa test sa COVID-19.


Sa isang interview ngayong Biyernes, sinabi ni Salvador na tinatayang nasa 60 personnel ng bureau ang tinamaan ng naturang sakit.


“Nasa 60 na po kami kasama na po ako,” ani Salvador.


Ayon kay Salvador, kasalukuyan na siyang naka-quarantine subalit ginagawa pa rin niya ang kanyang tungkulin bilang deputy director ng bureau.


Sinabi rin ni Salvador na nakaranas siya ng mataas na lagnat, sipon at ubo subalit nagsimula na rin naman na makarekober sa sakit.

 
 

ni Lolet Abania | January 3, 2022


Isa pang Filipina na mula sa United States ang nakalusot sa mandatory quarantine ng gobyerno, ayon sa Department of Tourism (DOT).


Sa isang television interview ngayong Lunes kay DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat, sinabi nitong maraming reports ng quarantine breach ang nakalap ng DOT matapos ang unang naiulat na insidente ng isang returning Filipina mula sa US na dumalo sa isang party sa Poblacion, Makati City na dapat sana ay nasa ilalim ito ng isolation.


“After this incident, somebody gave the name and even gave pictures na the day she arrived, nagpa-masahe pa as in she was even posting it on Instagram stories. Very proud ha, na she was skipping quarantine and her name was given and the person who knows her even gave a sworn affidavit. Nahuli na rin ‘yung tao na ‘yun,” pahayag ni Puyat sa CNN interview.


“I’ve given it already to the [Bureau of Quarantine] and the [Department of the Interior and Local Government] and I will leave it up to them,” dagdag ni Puyat.


Ayon kay Puyat, ang nasabing balikbayang Pinay ay agad dumiretso sa kanyang condominium nang dumating ito sa Pilipinas.


“She didn’t even check in a hotel. She just said that she checked in this hotel but it showed that she didn’t even check in a hotel. Dumiretso sa condo niya,” diin ni Puyat.


Matatandaang noong nakaraang linggo, kinumpirma ng DOT ang report ng isang returning overseas Filipino (ROF) woman na mula sa US ang nag-skip ng kanyang quarantine sa isang hotel at dumalo sa party sa Makati, kung saan ang kanyang mga nakasalamuha ay kalaunang nagpositibo sa test sa COVID-19.


Ani BOQ, isang complaint o reklamo naman ang kanilang “inihanda” laban sa nasabing Pinay. Ayon din kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, titiyakin ng ahensiya na mananagot ang sinumang lalabag sa ipinatutupad na quarantine protocols.


Samantala, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año, na may ilang mga indibidwal na nagbabayad umano sa mga hotels para makalusot sila sa quarantine.


Sa isang television interview kay Año ngayon ding Lunes, binanggit nitong kadalasan ang mga miyembro ng pamilya at kamag-anak ang nagpe-pressure sa kanilang kaanak na naka-quarantine na lumabag sa protocols upang agad nilang makasama ang mga ito.


Hinimok naman ni Puyat ang publiko na sakaling magre-report sila hinggil sa paglabag sa quarantine protocols, na ibigay ang mga pangalan ng violator at ang hotel para agad nilang maaksiyunan ang insidente.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page