top of page
Search

ni Lolet Abania | June 10, 2022


ree

Nasa 18 opisyal at empleyado ng Bureau of Immigration ang dinismis sa kanilang posisyon dahil sa kanilang pagkakasangkot sa “pastillas scheme,” kung saan pinayagan umano nila ang ilegal na pagpasok ng mga Chinese citizens sa Pilipinas.


Ayon kay Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Neal Bainto, napag-alaman ng DOJ na ang mga BI personnel ay may pananagutang administratibo para sa Grave Misconduct, Gross Neglect of Duty, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, kaugnay sa naturang scheme.


“The 18 respondents have been meted the penalty of Dismissal from the Service, with the imposition of the proper accessory penalties,” pahayag ni Bainto sa isang mensahe sa mga reporters.


Sinabi ni Bainto, ang penalty ng kanilang dismissal ay sakop din ng penalty ng perpetual disqualification na humawak ng public office.


Ang mga sinibak sa serbisyo ay sina Francis Dennis Robles, Glen Ford Comia, Rodolfo Magbuhos Jr., Deon Carlo Albao, Danieve Binsol, Paul Erik Borja, Abdul Fahad Calaca, Anthony Lopez, Gabriel Ernest Estacio, Chevy Chase Naniong, Danilo Deudor, Ralph Ryan Garcia, Phol Villanueva, Fidel Mendoza, Benlando Guevarra, Bradford Allen So, Cecille Jonathan Orozco, at Erwin Ortañez.


Sa ilalim ng scheme, pinayagan nila ang mga Chinese nationals na makapasok sa bansa nang hindi dumaan sa nararapat na Immigration formalities sa pamamagitan ng pagbabayad ng P10,000.


Tinawag itong “pastillas” dahil ang sinasabing bribe money ay ibinigay na nakabalot sa papel o paper rolls na kagaya ng sikat na delicacy ng Pilipinas. Nitong Martes, inihain ng Office of the Ombudsman ang graft charges laban sa 42 BI personnel na sangkot umano sa naturang scheme.


 
 

ni Lolet Abania | June 1, 2022


ree

Arestado ang dalawang takas na South Korean national na wanted sa kasong telecommunications and financial fraud ng Bureau of Immigration (BI).


Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente, ang mga suspek na sina Lee Choungeon, 43, at Kim Seongku, 45, na nadakip sa dalawang magkahiwalay na operasyon ng BI fugitive search unit (FSU) sa Metro Manila.


Si Lee, kinasuhan umano ng fraud dahil sa pagiging miyembro ng isang sindikato na sangkot sa voice phishing, ay inaresto nitong Lunes ng umaga matapos na subukang i-extend ang kanyang tourist visa sa main office ng BI sa Intramuros, Manila.


Sa ulat, habang pinoproseso ang request ng suspek, napansin ng personnel ng BI ang derogatory records sa kanilang system at inalerto ang FSU.


Nakatakdang agad na pabalikin si Lee sa Seoul dahil sa outstanding deportation warrant nito na inisyu ng BI noong Disyembre 2021.


Batay sa records ng Interpol’s national central bureau sa Manila, lumabas na si Lee ay mayroong isang arrest warrant na inisyu ng Daejeon district court sa Hongseong, South Korea noong Abril 2020.


Nahuli naman si Kim sa isang condominium complex sa Pasig City nitong Martes. Ayon sa BI, si Kim ay wanted sa South Korea matapos na i-hack umano nito ang blockchain account ng kanyang biktima at nakawin ang mga cryptocurrencies at bitcoins na nagkakahalaga ng mahigit sa P613 milyon.


Isang arrest warrant naman ang inisyu ng Seoul central district court para kay Kim noong Abril. Kasalukuyang nakadetine sina Kim at Lee sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, habang hinihintay ang kanilang deportation.


 
 

ni Zel Fernandez | May 1, 2022


ree

Kalaboso ang dalawang South Korean fugitives na pawang mga miyembro umano ng isang malaking sindikato, matapos mahuli sa NAIA Terminal 4. Kasunod nito ang pagkadakip din sa isa pang puganteng Koreano na lider naman umano ng sindikato ng scam sa kanilang bansa.


Ayon sa Bureau of Immigration - Fugitive Search Unit (BI-FSU), tinukoy na kapwa priority targets ang dalawang naarestong pugante dahil sa malaking operasyon ng kanilang grupo sa South Korea.


Pahayag ni Rendel Sy, hepe ng BI-FSU, may standing warrant of arrest na ang dalawang South Korean nationals na mga lider umano ng isang telecom fraud syndicate na nag-o-operate sa Pilipinas.


Batay sa ulat, nakapangulimbat na umano ang mga sindikato ng 80 milyong Korean won. Kaya pagkaraang ma-monitor ang pagbabakasyon ng mga ito sa Palawan ay inabangan na ng mga awtoridad ang dalawa sa airport, na nagdulot ng bahagyang tensiyon matapos umanong tangkain pang tumakas ng mga suspek mula sa mga aaresto sa kanila.


Samantala, sa hiwalay namang operasyon sa Quezon City, nadakip din ang isang puganteng Koreano na lider din umano ng sindikatong ang modus ay pang-i-scam, at sangkot din sa pagpatay sa kapwa Koreano nito sa Pilipinas.


Ani Police Lieutenant Colonel Bryan Andulan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cavite, "Mayroon silang birthday celebration doon ng magkakaibigan, nagkaroon sila ng heated argument, nagkaroon sila ng fistfight, nagkataon na 'yung kaibigan niya ay napuruhan niya, nagkaroon ng head trauma."


Kasalukuyan nang nasa panig ng mga awtoridad ang mga nadakip na salarin upang hainan ng mga karampatang kaso.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page