top of page
Search

ni Lolet Abania | June 1, 2022


ree

Arestado ang dalawang takas na South Korean national na wanted sa kasong telecommunications and financial fraud ng Bureau of Immigration (BI).


Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente, ang mga suspek na sina Lee Choungeon, 43, at Kim Seongku, 45, na nadakip sa dalawang magkahiwalay na operasyon ng BI fugitive search unit (FSU) sa Metro Manila.


Si Lee, kinasuhan umano ng fraud dahil sa pagiging miyembro ng isang sindikato na sangkot sa voice phishing, ay inaresto nitong Lunes ng umaga matapos na subukang i-extend ang kanyang tourist visa sa main office ng BI sa Intramuros, Manila.


Sa ulat, habang pinoproseso ang request ng suspek, napansin ng personnel ng BI ang derogatory records sa kanilang system at inalerto ang FSU.


Nakatakdang agad na pabalikin si Lee sa Seoul dahil sa outstanding deportation warrant nito na inisyu ng BI noong Disyembre 2021.


Batay sa records ng Interpol’s national central bureau sa Manila, lumabas na si Lee ay mayroong isang arrest warrant na inisyu ng Daejeon district court sa Hongseong, South Korea noong Abril 2020.


Nahuli naman si Kim sa isang condominium complex sa Pasig City nitong Martes. Ayon sa BI, si Kim ay wanted sa South Korea matapos na i-hack umano nito ang blockchain account ng kanyang biktima at nakawin ang mga cryptocurrencies at bitcoins na nagkakahalaga ng mahigit sa P613 milyon.


Isang arrest warrant naman ang inisyu ng Seoul central district court para kay Kim noong Abril. Kasalukuyang nakadetine sina Kim at Lee sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, habang hinihintay ang kanilang deportation.


 
 

ni Lolet Abania | June 24, 2021


ree

Papayagan na ng pamahalaan ang mga US citizens na nag-expire ang passport noon o pagkatapos ng Enero 1, 2020 na makaalis ng Pilipinas.


Sa inilabas na pahayag ng Bureau of Immigration (BI) ngayong Huwebes, nagbigay ng direktiba si Commissioner Jaime Morente sa lahat ng BI personnel na payagan nang makaalis ng bansa ang mga pasahero na may mga expired passports mula Enero 1 ng nakaraang taon at mag-e-expire pa lang nang hanggang Disyembre 31, 2021.


Gayunman, diin ni Morente, ang paggamit ng expired passports ay papayagan lamang hanggang Disyembre 31, 2021.


“But this rule applies only to departing passengers. Those who are planning to remain here or convert their visas still need to present a valid passport,” ani Morente.


Inatasan din ni Morente ang tourist visa section at alien registration division ng ahensiya na iproseso ang lahat ng aplikasyon para sa pag-update ng pananatili at emigration clearance certificates (ECC) ng mga may-ari ng expired US passports sa ipiprisintang kumpirmadong tiket patungo sa Estados Unidos.


Ginawa ng BI ang naturang desisyon matapos na ipaalam ng US Embassy sa bureau ang tungkol sa mga US citizens na stranded na sa Pilipinas sanhi ng COVID-19 pandemic, habang hindi nila magawang makaalis sa bansa dahil sa kanilang expired passports.


Ayon pa sa BI, sinabi ng US Embassy na nag-isyu rin ang US State Department ng guidance upang payagan ang mga Americans na makabalik na sa kanilang bansa gamit ang expired passport, sa limitadong paraan, hanggang sa matapos ang taon.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 19, 2021


ree

Ipade-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang 15 Chinese nationals na napag-alamang ilegal na nagtatrabaho sa bansa.


Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, inaresto ng awtoridad ang mga naturang Chinese nationals noong Miyerkules sa isang business center sa Barangay Niog II sa Bacoor, Cavite.


Aniya, “Our operatives saw 15 foreigners working in different warehouses in the area. Upon verification of their documents, it was found that 10 of them had working visas petitioned by a different company.”


Ayon sa ulat ng BI Intelligence Division, nagtatrabaho bilang office staff at stock managers ang mga naturang Chinese sa mga warehouse.


Samantala, sasailalim umano ang mga Chinese nationals sa RT-PCR testing at quarantine at pansamantalang ide-detain sa Warden Facility ng BI sa Bicutan, Taguig City. Saad pa ni Morente, “We urge foreign nationals to legitimize their stay here in the country, lest they face expulsion and blacklisting.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page