top of page
Search

ni Lolet Abania | January 23, 2022


ree

Patay ang isang residente matapos sumiklab ang sunog sa isang bahay sa Parañaque City, kagabi.


Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa ground floor ng dalawang palapag na tirahan sa Multinational Village, Barangay Moonwalk, Parañaque, kung saan agad na rumesponde ang mga bumbero ng alas-10:50 ng gabi nitong Sabado.


Naapula naman ang apoy bandang alas-11:29 ng gabi, habang hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng nasawi sa sunog.


Sinabi naman ng BFP na nasa tinatayang P200,000 ang halaga ng ari-ariang natupok dahil sa sunog.


Inaalam na rin ng BFP ang naging sanhi at pinagmulan ng sunog.


 
 

ni Lolet Abania | January 9, 2022


ree

Umabot sa 15 oras ang sunog sa Starmall Alabang nitong Sabado, bago idineklara ng mga bumberong under control ang apoy, kung saan apat sa kanila at isang fire volunteer ang nasugatan, ayon sa mga awtoridad.


Sa ulat ng Bureau of Fire Protection ngayong Linggo, tinatayang nasa P100 milyong ari-arian ang napinsala sa sunog. Itinaas sa ika-5 alarma ang sunog ng alas-7:13 ng umaga habang na-upgrade pa ito sa Task Force Alpha ng alas-7:46 ng umaga.


Batay sa report ng mga fire investigators, nagsimula ang apoy mula sa lower ground level ng 4-story commercial building. Nasa 226 fire trucks at siyam na mga ambulansiya mula sa BFP at volunteers ang agad na rumesponde hanggang alas-5:05 ng hapon, kahapon.


Kinilala ang mga nasugatan sa sunog na sina Supt Crossib C. Cante (mild difficulty of breathing), SFO2 Joel Silin (bruises on both legs), FO2 Delfin Tanggana (bruises at left hand), FO2 Leonardo Oraye (light headedness), at ang fire volunteer na si Arthur San Benito (left thumb laceration).


Patuloy na inapula ng mga bumbero ang sunog hanggang sa idineklarang under control ito ng alas-7:03 ng gabi, kung saan inabot na ng 15-oras.


Wala pang inilalabas na official statement ang pamunuan ng Starmall Alabang hinggil sa naganap na insidente.


 
 

ni Lolet Abania | December 13, 2021



Patay ang 11-anyos na batang babae habang isang 8-buwan-gulang na sanggol ang nagtamo ng mga paso sa katawan matapos ang sunog sa Taguig City, ayon sa Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR) ngayong Lunes.


Ayon sa spot report ng BFP, sumiklab ang sunog sa isang residential area sa J. Ramos Street Barangay Ibayo Tipas bandang tanghali ngayong Lunes. Itinaas sa unang alarma ang sunog at tumagal ito ng halos isang oras.



ree

Umabot naman sa 23 trak ng bumbero ang dumating na tuluyang naapula ang apoy bandang alas-12:55 ng hapon, ayon pa sa report ng BFP.


Hindi naman binanggit sa report ang pangalan ng 11-anyos na batang babae na namatay sa sunog, habang ang 8-buwan-gulang na sanggol ay nagtamo ng 1st at 2nd degree burns sa pareho niyang itaas at ibabang extremities.


Ayon pa sa BFP nasa tinatayang P150,000 halaga ng ari-ari ang napinsala matapos ang sunog habang 10 pamilya ang apektado. Patuloy naman ang BFP sa pag-iimbestiga sa naging dahilan at pinagmulan ng sunog.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page