- BULGAR
- Apr 29
ni V. Reyes | Apr. 29, 2025

Photo: Bulusan Volcano - Sorsogon PIO/Juban MDRRMO
Apektado ng ashfall ang ilang bayan sa Sorsogon kasunod ng phreatic eruption sa Bulkang Bulusan sa Sorsogon, Lunes ng umaga.
Ayon sa Sorsogon Provincial Information Office, partikular na apektado ng ashfall ang mga bayan ng Juban at Irosin.
Nabatid din mula kay Philippine National Police Region 5 Director Andre Dizon, na mahigit sa 100 indibidwal o 33 pamilya sa mga apektadong barangay ang inilikas na.
Sinasabing makapal na abo ang bumalot sa mga Barangay Puting Sapa at Buraburan sa bayan ng Juban habang katamtaman sa Brgy. Guruyan at iba pang barangay.
Inabisuhan na rin ang mga motorista na magdahan-dahan sa pagbiyahe sa mga kalsadang apektado ng ashfall.
Alas-4:36 ng madaling-araw nang maganap ang phreatic eruption sa Bulkang Bulusan na tumagal hanggang alas-5 ng madaling-araw.
Ang phreatic eruption ay ang pagbuga ng usok o steam bunga ng pag-init ng tubig sa ilalim ng lupa na nadikit o maaaring lumapit sa magma.
Sa impormasyon mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), inabot ng hanggang 4.5 kilometro ang pagbunga mula sa bunganga ng bulkan.
Nakataas na ngayon ang Alert Level 1 (Low-level unrest) sa Bulkang Bulusan kasunod ng pagsabog.
Inabisuhan na rin ang mga lokal na pamahalaan at ang publiko na sundin ang pinaiiral na 4-kilometer radius permanent danger zone.
"Vigilance in the 2-kilometer Extended Danger Zone (EDZ) on the southeast sector must be exercised due to the possible impacts of volcanic hazards such as PDCs, ballistic projectiles, rockfall, avalanches and ashfall on these danger areas," dagdag pa ng PHIVOLCS.