top of page
Search

ni Fely Ng @Bulgarific | October 20, 2023



Hello, Bulgarians! Bunsod ng data breach na nagdulot ng pansamantalang manual operations, hinikayat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na gamitin ang PhilHealth Member Portal para ma-check nang ligtas ang kanilang membership at contribution record.


Maliban sa pag-access ng membership at contribution record, maaari ring magbayad ng kontribusyon ang mga self-paying members sa Member Portal at magparehistro sa accredited Konsulta providers para makagamit ng Konsulta Package. Kung sakaling kailanganin ng mga miyembro ang kopya ng kanilang Member Data Record (MDR), madali rin nila itong ma-download sa Portal at ma-print sa pamamagitan ng Portal link na https://memberinquiry.philhealth.gov.ph/member/.


Pinaalalahanan din ng PhilHealth ang mga miyembro na maging maingat at siguraduhing opisyal na website lamang ang ia-access at ito ay ang https://www.philhealth.gov.ph.


Dagdag pa ng ahensya, na ang website ay may domain na gov.ph at hindi .com o .net.


Ang website connection ay dapat nagsisimula sa tag na https (hypertext transfer protocol secure) at may naka-display na padlock connection secure icon sa gawing kaliwa sa itaas na bahagi.


Para sa mga bagong gagamit ng Member Portal, kailangang gumawa ng sariling account gamit ang kanilang PhilHealth Identification Number (PIN) at mag-assign ng malakas na password. Makakatanggap sila ng confirmation sa kanilang email address at kapag natanggap na ng PhilHealth ang confirmation, maaari na nilang magamit ang serbisyo ng Portal.


Samantala, pinaalalahanan din ang partner health facilities nito na maaari na nilang ma-access ang Health Care Institution Portal. Dahil dito, hindi na kailangang magdala ng printed MDR ang mga miyembro upang makagamit ng mga benepisyo.


Siniguro rin ng ahensya na lahat ng Pilipino, rehistrado man o hindi, ay may karapatang makinabang sa mga benepisyo alinsunod sa Universal Health Care Act. Habang patuloy na ibinabalik ang frontline systems, ang mga hindi pa rehistradong miyembro o walang PIN ay dapat magsumite ng accomplished PhilHealth Member Registration Form (PMRF) kasama ang mga supporting document sa health facility upang makagamit ng mga benepisyo.


Muling umapela si PhilHealth Chief Emmanuel R. Ledesma, Jr. sa publiko na manatiling kalmado at mapagmatyag laban sa posibleng phishing attacks. Hinikayat din niya ang mga miyembro na magpalit ng bago at matibay na password, at huwag itong ipagsabi sa ibang tao.


“Mag-ingat din po tayo sa mga nag-aalok online na sila na ang mag-aasikaso o kukuha ng inyong PhilHealth ID o MDR kapalit ng pagbabayad. Una, wala pong bayad ang ID at MDR.


Ikalawa, wala tayong ino-authorize na mag-ahente sa PhilHealth. Delikado po ito dahil makokompromiso ang inyong personal details,” babala ni Ledesma sa mga miyembrong pumapatol sa ganitong alok sa social media.


Muli niyang inihayag ang abiso ng mga eksperto na huwag pansinin at i-click ang mga kaduda-dudang link. “Pinakamabuting iwasan ang mga kahina-hinalang tawag at burahin ang mga text o email mula sa hindi kilala at kahina-hinalang senders upang maiwasang mabiktima ng mga scammer,” wika pa niya.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

ni Fely Ng @Bulgarific | October 18, 2023



Hello, Bulgarians! Pagkatapos ng tatlong taong pahinga, pormal na binuksan ng Social Security System (SSS) ang 2023 Inter-Color Bowling Tournament nito na nilahukan ng humigit-kumulang 220 empleyado mula sa Main Office at NCR Operations Group na ginanap noong Setyembre 30, 2023 sa Ever Gotesco Commonwealth Bowling Center.


Ang torneo ay naglalayong isulong ang pakikipagkaibigan at sportsmanship sa mga empleyado ng SSS, na binubuo ng 12 grupo bawat isa sa ilalim ng Men’s and Ladies’ Division.


Opisyal na sinimulan ang sport event sa pamamagitan ng isang ceremonial roll na pinangunahan ng six-time World Bowling Champion at Guest of Honor, Rafael “Paeng” Nepomuceno.


Kasama rin sa pagbubukas ng seremonya ang iba’t ibang executive sa pangunguna nina SSS President at Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet, SSS Executive Vice Presidents Rizaldy Capulong at Elvira Alcantara-Resare, at Social Security Commissioner Robert Joseph De Claro, bukod sa iba pa.


Ang nasabing torneo ay tatagal ng walong Sabado, na nagsimula na noong Setyembre 30 hanggang Nobyembre 18, 2023.

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

ni Fely Ng @Bulgarific | October 13, 2023



Hello, Bulgarians! Muling umapela ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa publiko na maging mapagmatyag at gumawa ng mga hakbang bilang pag-iingat laban sa iba’t ibang uri ng mapanlinlang na aktibidad dulot ng ransomware attack noong Setyembre 22, 2023.


Ayon sa state insurer, nagsimula na umano ang mga hacker sa pagpapakalat ng datos na nakuha mula sa mga workstation ng mga empleyado ng PhilHealth. Upang matulungang maprotektahan ang mga miyembro mula sa pagiging biktima ng mga oportunista, mariing inirekomenda ng PhilHealth ang pagpapalit ng password sa mga online account, pagkakaroon ng multi factor authentication, pagsubaybay sa mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang online accounts, hindi pagbubukas at pag-click sa mga kahina-hinalang email at link, at hindi pagsagot sa mga kaduda-dudang tawag at text messages.


Gamit ang ninakaw na data, malamang na target ng mga hacker ang mga miyembro sa pamamagitan ng mga tawag, email o text message. Sundin po natin ang payo ng mga awtoridad na huwag mag-click sa mga kaduda-dudang link o magbigay ng mga password o OTP. Mas mainam na huwag pansinin ang mga kahina-hinalang tawag, at sa halip ay burahin na lang ang text o email mula sa hindi kilala at kahina-hinalang nagpadala,” paalala ni PhilHealth Chief Emmanuel R. Ledesma, Jr.


Umapela rin ang state health insurer na iwasang ikalat ang leaked data dahil mayroon itong parusa sa ilalim ng batas. Kamakailan lamang ay sinabi ng mga awtoridad na posibleng umabot sa 20 taong pagkabilanggo bilang parusa sa mga hackers, habang ang sinumang indibidwal o organisasyon na mapapatunayang nag-download, nagproseso o nagbahagi ng naturang nakaw na data ay mananagot din dahilan sa hindi awtorisadong pagproseso ng personal na impormasyon at maaaring maharap sa kasong kriminal.


Iginiit pa ng PhilHealth na malugod at handa itong harapin ang anumang pagdinig na ipapatawag ukol sa nasabing insidente. Lubos ding nakikipagtulungan ang PhilHealth sa mga ahensyang nagsasagawa ng imbestigasyon tulad ng National Privacy Commission, National Bureau of Investigation at Philippine National Police.


“Bilang responsable sa mga impormasyon ng ating mga miyembro, nakahanda po kaming makipagtulungan sa mga imbestigasyon para lalong mapagbuti ang aming cybersecurity system. Makakaasa po ang publiko na may malaking kabutihang dulot ang pangyayaring ito para maging mas mabuti ang ating serbisyo sa miyembro,” diin pa ni Ledesma.


Ipinahayag din ng PhilHealth na nito lamang Oktubre 6, 2023, 100 porsyento ng mga aplikasyon na ginagamit ng publiko o public facing apps ay nagbalik na kabilang dito ang website, Member Portal, eClaims para sa electronic submission ng mga claim sa ospital, at EPRS para sa mga remittance ng employer. Ang mga application server naman na tumutugon sa mga serbisyo sa frontline ay inihahanda na rin upang magbalik normal ang operasyon.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page