ni Lolet Abania | July 10, 2022

Bumubuti na ang kondisyon ng kalusugan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ilang araw matapos na magpositibo sa test sa COVID-19, ayon sa Malacañang ngayong Linggo.
Sa isang statement, sinabi ni Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles na ayon sa personal physician ni Pangulong Marcos na si Dr. Samuel Zacate nitong Sabado ng hapon, “[President’s health has] greatly improved with only mild symptoms with no fever, no loss of taste and smell sensation.”
Ayon kay Angeles, makikita sa resulta ng physical examination na ang lalamunan o throat ni Pangulong Marcos ay aniya, “clear of any inflammation and there was no sign of respiratory distress or pneumonia.”
Gayundin aniya, lumabas sa health bulletin ng Chief Executive, “[His] vital signs are within normal limit and he will be subjected to further laboratory examination as may be needed.”
“His personal doctor, Dr. Zacate, reported Saturday that the President is doing well and very much in stable condition,” ani Angeles, kung saan aniya, pinayuhan rin si Pangulong Marcos na sumailalim sa home isolation ng pitong araw.
Nagpositibo sa COVID-19 si Pangulong Marcos sa antigen test nitong Biyernes, Hulyo 8.
Ayon sa Malacañang, pareho rin ang lumabas na resulta sa RT-PCR confirmatory test.
Sinabi pa ng Malacañang na ang Punong Ehekutibo ay nakararanas ng sinat o mild fever, nasal stuffiness, nasal itchiness, at mild occasional non-productive cough.
Ayon pa kay Angeles, patuloy si Pangulong Marcos sa kanyang home medications habang nasa close monitoring ni Zacate hanggang ang kanyang home isolation period ay makumpleto.










