top of page
Search

by People's Television Network, Inc (PTNI) @Info | Jan. 9, 2025



Personal na lumibot si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kasalukuyang pasilidad ng NAIA. 



Ang matagumpay na pagsasapribado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay patunay ng epektibong pamumuhunan ng pamahalaan sa imprastruktura sa ilalim ng administrasyon ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. 


Sa kasalukuyan, ang NAIA ay unti-unting nakikilala sa maayos at mahusay na pamamalakad ng paliparan, malayo sa una nitong naging imahe ng katiwalian at kawalang-kaayusan. 


Isang holiday traveler kamakailan ang nakaranas ng mabilis na airport processing na tumagal lamang ng 30 minuto mula sa curbside ng paliparan hanggang sa boarding gate ng NAIA Terminal 3 - taliwas sa mga dating mahahabang pila at mga luma nitong pasilidad. Ang mga pagbabagong ito ay resulta ng dedikasyon ng Pangulong Marcos na gawing moderno ang 76-taong gulang na paliparan. 


Ang transpormasyong ito ay bunga ng pasya ng Pangulo na ipagkatiwala ang rehabilitasyon at pamamahala ng pambansang paliparan sa ilalim ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC), isang konsorsyum sa pamumuno ng San Miguel Corporation. Sa loob lamang ng tatlong buwan, ang Public-Private Partnership (PPP) project ay nagdulot ng mas maayos na proseso, pagkabawas ng pagsisikip ng mga pasahero, at mas maginhawang paglalakbay. 


"Ito ang pagbabagong pinapangarap natin para sa bawat manlalakbay na Pilipino," ani Pangulong Marcos. "Layunin natin na gawing maayos at maginhawa ang bawat paglalakbay ng Pilipino na sumasalamin sa isang bansang may malasakit at dedikasyon sa lahat niyang mamamayan." 


Sa Terminal 3 ng NAIA, makikita ang malaking pagbabago, mula sa check-in hanggang sa immigra- tion at security checks. Ang pinaigting na seguridad at mas maayos na proseso ay nagbawas sa oras ng paghihintay at nagbigay ng mas magandang karanasan sa mga pasahero. Ilan sa mga pangunahing pagbabago ay ang paglalagay ng baggage screening bago ang immigration counters at paglalagay ng biometric "fly-to-gate" systems na nagpabilis pa sa daloy ng mga manlalakbay. Ang resulta ay mas komportableng karanasan, malayo sa mga dating problema ng paliraparan tulad ng pagsisikip ng mga pasahero. 



Mga Makabuluhang Pagbabago 


Mula nang maipailalim pamamahala ng NNIC ang paliparan noong Setyembre 2024, malaki ang naitulong ng mga bagong sistema sa pagpapabilis ng daloy ng mga pasahero. Ang karagdagang lanes sa arrival areas at pinalawak na curbside ay nagpabilis sa daloy ng mga sasakyan. Ang curbside lanes sa mga terminal ay planong palawakin pa. Ang Terminal 1 ay magkakaroon ng walong lanes mula sa tatlong lanes nito; ang Terminal 2 ay magiging walo mula sa apat; at ang Terminal 3 ay magkakaroon ng labindalawa mula sa walong lanes. 


"Malaki ang naitulong ng ating mga concessionaire kung ikukumpara sa ating naging karanasan noong Disyembre 2023," ani Sec. Jaime J. Bautista ng Department of Transportation sa kanyang isinagawang inspeksyon sa paliparan apat na araw bago ang pagdiriwang ng kapaskuhan. 


"Halimbawa, nabawasan ang pagsisikip sa arrival area dahil sa karagdagang lanes. Sa loob ng 90 araw, nagawa nilang magdagdag ng lanes, kaya naging kapansin-pansin ang kawalan ng matinding trapiko at naging maayos ang daloy ng mga sasakyan," dagdag ni Sec. Bautista. 


Ayon pa sa kalihim, masaya ang mga pasahero sa mga pagbabago sa paliparan: "Lahat ng pasaherong nakausap namin ay masaya. Sa pangkalahatan, maganda ang karanasan natin ngayong Christmas season." Batay sa ulat, mas bumilis na rin ang security checks. Ang paglalagay ng modernong explosive detection system at mas maayos na proseso ng baggage screening at immigration ay magpapabilis pa sa seguridad. 


Personal na tinututukan ni Pangulong Marcos ang planong modernisasyon sa NAIA, ang pangunahing paliparan ng bansa. 


Patuloy na Pagbabago 


Ang rehabilitasyon ay higit pang paiigtingin. Sa kasalukuyang renobasyon ng Terminal 4, titiyakin na gumagana ang lahat ng air bridges at maglalagay ng OFW lounges sa Terminal 1 at 3 - mga pagbabagong lalong magpapabuti pa sa karanasan sa NAIA. Ang libre at mabilis na internet sa paliparan na may bilis na hanggang 115 Mbps ay dagdag na kaginhawaan sa mga pasahero. 


Sisiguruhin din na magagamit nang maayos ang lahat ng pasilidad. Upang maiwasan ang power fluctuations at masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon, naglagay ang paliparan ng dedicated 115KV substation at advanced na uninterruptible power supply (UPS) system. 


Ang mga ito ay hindi lamang panandalian kundi sistematiko at pangkalahatang pagbabago sa operasyon ng NAIA. Ang resulta ay isang natatanging paliparan na ang maay- os na operasyon at kasiyahan ng mga pasahero ang prayoridad. 


Positibong Feedback Mula sa mga Pasahero 


Sa pangkalahatan, naging positibo ang feedback ng mga pasahero. Inilarawan nila ang malaking pag- babago ng NAIA na malayong-malayo ang kalagayan nito sa nakalipas lamang na isang taon. "Dati'y kinatatakutan ko ang pagdaan dito, pero ngayon, napakadali na. Maayos at mabilis ang proseso; may oras pa ako para makapagtrabaho sa isang coffee shop sa paliparan," kwento ng isang madalas na pasahero ng ΝΑΙΑ. 

Ang mga holiday travelers, na kadalasang nakararanas ng matinding pagod at hirap sa paliparan, ay nag-ulat din ng mas maayos na byahe. 


"Okay na ang NAIA Terminal 1. Matagal na talaga ang mga terminal, kahit ang mga upuan ay kailangan nang palitan. Mabagal man, kitang-kita ang mga pagbabago," ani ng isang Pilipinong manlalakbay na nagtungo sa Macau kasama ang kanyang pamilya noong Disyembre 

23. 


Maliban sa ilang maliliit na problema, ang pagproseso ng NAIA sa mahigit 150,000 pasahero araw-araw sa peak season ay nagpakita ng malaking pagbabago at pagtiyak ng maayos na serbisyo sa holiday travel period. 


Inilahad ni PBBM ang mga inobasyon at pagbabagong dapat abangan ng publiko sa NAIA. 



Financial Milestones 

Ang desisyon ng pamahalaan na makipagtulungan sa isang pribadong concessionaire ay naging epektibong aksyong pampinansyal na nag-alis ng pasanin sa mga taxpayer. Ang pamumuhunan at kahusayan ng pribadong sektor ang nagbigay-daan upang magkaroon ang bansa ng world-class na imprastruktura. 


Kabilang sa sentro ng modernization plan ang sustainability. Ang solar panels, energy-efficient systems, at mas maayos na waste management protocols ay isinasagawa upang mabawasan ang environmental footprint ng airport. Ang mga drinking water fountains na may paper cups ay nakatakda ring ilagay para sa lahat ng pasahero upang ma- bawasan ang plastic waste.

 
 

ni Angela Fernando @News | Dec. 16, 2024



Photo: Sen. Imee Marcos at Pangulong Bongbong Marcos - FB


Nanawagan si Senadora Imee Marcos sa kanyang kapatid na si Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na magsagawa ng masusing pagsusuri sa panukalang pambansang badyet para sa 2025 na inaprubahan ng Kongreso.


Ayon kay Sen. Marcos, may ilang probisyon sa pinal na bersyon ng General Appropriations Bill (GAB) para sa 2025 na kailangang linawin, kabilang na ang kontrobersyal na Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP, ang kawalan ng suporta para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at ang pagtaas ng badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa P1.1-trilyon.


"Ang akin na lang ngayon, nananawagan na lang ako sa aking kapatid. Kung mahina ang boses ko na mag-isa, ngayon nawa marinig na sama-samang sumama ang ating taumbayan...I-line by line niya.


Nasa kanya na lamang pag-asa na hindi tanggalin 'yung mahahalaga," saad ni Sen. Imee.


Inihayag ni Senadora Imee Marcos na hindi niya nilagdaan ang bicameral conference committee report na naglalaman ng pinal na bersyon ng pambansang badyet para sa 2025.


Ikinadismaya rin ni Marcos ang pagbabawas ng pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), habang bilyon naman ang inilaan para sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).


Ang AKAP ay bagong programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na layong tulungan ang mga "near-poor" na sambahayan.

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 8, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

KUNG FOR MAYOR NA LANG AT HINDI KUMANDIDATONG VP, WALA SANANG KUMAKALABAN KAY VP SARA, WALA SANA SIYANG KINAHARAP NA MGA KASO – Hindi lang ang nakaambang impeachment complaint at criminal cases ang dapat paghandaan ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, kundi pati ang kasong plunder na isasampa sa kanya ng mga anti-Duterte politician.


Siguro, ngayon napagtanto ni VP Sara na sana hindi na siya kumandidato sa pagka-VP at itinuloy na lang niya ang pagkandidato niya bilang re-electionist sa pagka-alkalde ng Davao City kasi sa lugar nila ay lahat ng gusto niya nasusunod at walang kumokontra, hindi tulad sa nangyayari ngayon sa kanya bilang bise presidente na ang daming kumakalaban sa kanya at inuulan pa siya ng iba’t ibang uri ng kaso, boom!


XXX


PERA NG BAYAN NA IBINIGAY DAW KINA ALYAS ‘MARY GRACE PIATTOS’ AT ‘KOKOY VILLAMIN’ KANINONG BULSA SA MGA TAGA-OVP NAPUNTA? -- Hindi lang ang pangalang “Mary Grace Piattos” ang walang birth record sa Philippine Statistics Authority (PSA), kundi pati ang pangalang “Kokoy Villamin.”


Dahil diyan ay lumalabas na gawa-gawa o imbento lang ang mga ganitong pangalan na mga naging recipient o tumanggap daw ng cash reward mula sa confidential fund ng Office of the Vice President (OVP).


Kaya’t ang tanong: Kaninong bulsa kaya sa mga taga-OVP napunta ang pera ng bayan na ibinigay daw kina alyas “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin”? Abangan!


XXX


SA PANAHON NI PBBM, DAMING NAWALAN NG WORK, TAPOS NAGMAHAL PA ANG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN -- Matapos ianunsyo ng PSA na pumalo na sa 3.9% o katumbas ng 1.97M Pinoy na nawalan ng trabaho, ay sinundan ito ng anunsyo ng PSA na tumaas ng 2.5% ang inflation rate sa Pilipinas.


‘Yan ang nakalulungkot na mga nangyayari sa ‘Pinas sa panahon ng liderato ni President Bongbong Marcos (PBBM), pahirap nang pahirap ang buhay ng mga Pinoy kasi ang dami na nawalan ng work, tapos nagmahal pa ang presyo ng mga bilihin at bayarin, tsk!


XXX


P11B HALAGA NG MGA GAMOT AT MEDICAL SUPPLIES NAG-EXPIRE KAYA DAPAT MANAGOT ANG MGA APPOINTEE NOON NI EX-P-DUTERTE SA DOH -- Sa House hearing ay nabulgar na higit P11 billion halaga ng mga gamot pangontra sa COVID-19 at iba pang medical supplies na nasa mga bodega ng Dept. of Health (DOH) ang nag-expire na, at ang pangyayaring ito ay isinisi ni Iloilo Rep. Janet Garin sa mga DOH official na appointed ni ex-P-Duterte noon sa kagawaran.


Dapat managot dito ang mga appointed official noon ni ex-P-Duterte sa DOH, kasi dahil sa kanilang kapabayaan ay nasayang ang ganyan kalaking halaga na pera ng bayan, period!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page