ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 10, 2024
Tila matatagalan pa ang pagdurusa ng mga motorista hinggil sa dinaranas na sakripisyo sa tuwing daraan sa mga tollgate ng mga expressway sa bansa dahil nabigo umano ang Toll Regulatory Board (TRB) na tuparin ang kanilang pangako na ngayong Hulyo ay maipatutupad na ang one RFID system sa lahat ng tollways sa buong bansa.
Ito ay matapos aminin ng TRB na hanggang ngayon ay hindi pa rin umano nagkakasundo ang mga kumpanya sa isahang sistema ng paniningil sa South Luzon Expressway (SLEX) at North Luzon Expressway (NLEX).
Nabatid na napakarami umanong gusot na pinaplantsa pagdating sa teknikal at sistema na may kaugnayan sa tollways.
Nauna rito, buong giting na ipinagmalaki ng TRB na ipapatupad umano ngayong buwan ang one RFID system sa mga tollways na inasahan ng ating mga kababayan.
Magkakaibang sistema kasi sa tollgate RFID ang ginagamit ng mga motorista tulad ng Autosweep sa Skyway, SLEX, NAIA Expressway, STAR Tollway, Muntinlupa-Cavite Expressway, at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX).
Easytrip naman ang gamit sa NLEX, Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), CAVITEX, at Cavite-Laguna Expressway (CALAX).
Ibig sabihin lamang nito ay posibleng hindi rin agad matutugunan ang problemang dinaranas ng mga motorista na madalas na naaabala sa biyahe sa pagdaan sa expressway.
Nabatid na hanggang sa Senado ay tinatalakay na ang naturang suliranin dahil sa rami ng reklamo patungkol sa TRB mismo at mga expressway toll operator, na may pagkukulang umano sa dapat ay maayos na operasyon, partikular sa palpak na RFID system na nagdudulot ng pagkakabuhol-buhol ng mga sasakyan sa mga expressway.
Bahagyang humupa ang balita, ngunit dagsa pa rin ang reklamo hinggil sa maraming
RFID tags na hindi raw nababasa ng mga scanner dahil sa reader malfunction o maling pagkakalagay, na isa sa mga dahilan kaya hindi agad umaangat ang mga toll barrier at nagiging sanhi naman ng matinding trapik.
Lumalakas din ang mga panawagan sa TRB na dapat simulan nang ipatupad ang barrier-less na sistema sa mga expressway sa bansa.
Dati nang umingay ang isyung ito sa mga tollway, pero medyo humupa matapos na ianunsiyo ng TRB na ipapatupad umano ngayong Hulyo itong one RFID system.
Ngunit sa ginawang pag-amin ng TRB na hindi ito matutuloy ay inaasahang nakakabit din dito ang pangako nilang maisasaayos na ang problema sa mga toll barrier sa bansa.
Huwag sanang maging dahilan ang hindi pagkakasundo-sundo ng mga kumpanyang iba-iba ang sistema sa pagpapatakbo ng mga tollway sa mga expressway para maresolba ang napakatagal na problema sa mga tollway.
Sabagay, sa kasalukuyan ay hinihimay na ng ating mga kasamahan sa Senado ang suliraning ito at tiyak na may aabutin dito dahil hindi pa rin naisasaayos ang napakasimpleng usapin habang napakarami ng nagdurusa.
Naiiwanan na rin tayo kung ikukumpara ang ating sistema sa ibang bansa, na nagkakarera ang mga sasakyan pagdating sa mga tollway, na hindi tulad dito na kailangan pang mag-menor at pagkatapos ay hindi naman babasahin ng scanner ang RFID.
Ang nakakalungkot lang kasi, napakatindi na ng problema natin sa trapik sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, at ayon nga sa pag-aaral ay milyun-milyong piso ang nawawala sa bansa dahil sa grabeng pagsisikip ng trapiko tapos ngayon dumagdag pa itong mga expressway — na naturingang expressway pero hindi naman express.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com