top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | November 6, 2023


Ilang linggo nang maingay ang balita hinggil sa sunud-sunod na pag-atake ng cybercriminal sa mga negosyo, malalaking kumpanya at ngayon ay ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ngunit tila patuloy ang pananahimik ng pamahalaan hinggil dito.


Araw-araw ay lumalakas ang panawagan sa pamahalaan na palakasin ang preventive measures nito upang maiwasan ang data breach at mga pag-atake ngunit patuloy pa rin itong nararanasan ng ilang ahensya ng pamahalaan sa mga nakalipas na araw.


Ito mismo ang pagtatapat ng founder ng Data Ethics PH kung saan ang mga kasalukuyang batas katulad ng Data Privacy Act at Anti-Cybercrime Law ay naipatutupad lamang umano matapos ang breach o krimen na nangyari.


Kailangan nga naman ng mas pulidong panuntunan at polisiya na makapagbibigay proteksyon kung paano maiaangat ang istraktura at sistema upang mas mabilis matukoy ang mga pag-atake.


Panahon na marahil upang bawat government portal na accessible sa internet ay ma-audit upang makita kung saan ang kahinaan o mas mabuting paigtingin pa ang cybersecurity education sa mga tauhan ng pamahalaan.


May pananaw ang Data Ethics PH na posibleng ang nagaganap na mga pag-atake sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ay isang uri ng ‘hacktivism’ upang ipakita lamang ng mga hacker ang kahinaan ng mga website ng pamahalaan upang ipabatid na kailangang ayusin ang sistema.


Hindi biro na inatake ang mga security breaches ng mga website ng Kamara, Philippine Health Insurance Corp., Philippine Statistics Authority (PSA), Philippine National Police (PNP), mismong Department of Information and Communications Technology (DICT) at ang maging Senado ay tinangka ring pasukin.


Kitang-kita ang kakulangan ng mga ahensya ng pamahalaan pagdating sa cybersecurity expertise na kailangang punuan at marahil panahon na para magkaroon ng permanenteng eksperto sa bawat ahensya na kayang tugunan agad ang problema pagdating sa mga insidente ng cybersecurity.


Parang Bureau of Fire Protection (BFP) na palaging nakahanda anumang oras na magkaroon ng sunog saan mang bahagi ng bansa at hindi ‘yung naghihintay na lamang tayong matupok at sasabihing umatake na naman ang mga arsonista.


Sabagay mariin namang itinanggi ng DICT na mayroong nakompromisong impormasyon dahil ang na-hack na website ay dinesenyo para atakihin ng mga hacker.


Kumbaga, ginawa umano ang naturang website upang makita ang ‘vulnerability ng system’ pero kung tutuusin ay wala talagang laman na kahit anong datos dahil ang na-hack umano ay isang ‘sandbox’.


Ang sandbox ay ginagawa ng mga developer upang masuri ang papasok na malicious software na hindi maaapektuhan ang main host network at kung totoo ang paliwanag na ito ng DICT, sana ay maibahagi ang sistemang ito sa iba pang ahensya ng pamahalaan.


Hindi pa naglalagablab ang napakadelikadong balitang ito ngunit nanganganib ang Pilipinas mula sa mga cyberattack dahil hindi pa nga lubusang protektado ang mga ahensya ng pamahalaan na siyang nagtatago sa personal information ng ating mga kababayan.


Kung ang napakaraming ahensya ng pamahalaan ay nagawang salakayin ng mga cybercriminal ay hindi malayong manganib ang malalaking negosyo sa bansa kung mananatiling nagkikibit balikat lamang tayo sa mga pangyayaring ito.


Posibleng hindi pa malala ang mga cyberattack, pero dapat nating maintindihan na dapat nang kumilos dahil nangyayari na ito sa kasalukuyan at lahat ngayon ay nag-aantabay kung sino at kung anong ahensya na naman ang susunod na magiging biktima.


Sa totoo lang, kulang na kulang ang kumpiyansa ng ating mga kababayan na kahit ang DICT, PNP at National Bureau of Investigation (NBI) ay makakaya tayong bigyan ng proteksyon laban sa mga cyberattacks na posibleng makaapekto ng malaki sa kabuhayan ng buong bansa.


Kumbaga sa boksing, palagi nating sinasabi na malakas ang boksingero natin at hindi kayang pabagsakin dahil kayang-kayang tumanggap ng kahit sunud-sunod at matitinding suntok mula sa kalaban — pero wala tayong sinasabi na kaya nating talunin ang kalaban.


Hindi naman natin hinihiling na patulugin ang kalaban, ang pakiusap lang natin ay manalo naman tayo kahit puntos lang at matuto tayong umilag sa panahon ng pag-atake, kahit tabla puwede na, basta huwag naman talo!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | October 23, 2023


Nag-anunsyo na ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nasa dalawa hanggang apat na malalakas na bagyo ang hahambalos sa bansa bago matapos ang 2023.


Ayon sa PAGASA, malalakas at mapanganib ang mga bagyong papasok sa teritoryo ng Pilipinas sa darating na Nobyembre at Disyembre dahil tatama ang mga ito sa lupa.


Karamihan sa inaasahang tropical cyclones ay hindi lang basta dadaan sa maraming bahagi ng bansa dahil kung hindi magla-landfall mismo, na ang ibig sabihin ay lubhang makakapaminsala kung lakas ng hangin ang pag-uusapan o posibleng may dala ring malakas na buhos ng ulan.


Kaya sa mas maagang panahon ay kinakalampag na natin ang pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kumilos na sa mas maagang panahon.


Batid naman natin na sa tuwing may mga ganitong sitwasyon ay umuusok ang ating linya at maging ang ating social media account na karamihan ay nagsusumbong hinggil sa paulit-ulit at hindi maresolbang problema sa baha sa kabila ng daang bilyong pondo na inilagak sa flood control.


Mabigat ang naging karanasan ng marami nating kababayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa dulot ng malalakas na bagyo kung saan maging ang mga lugar na dating hindi binabaha ay inabot na ng tubig.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Public Works ay nagsasagawa na tayo ng mas maagang paghahanda kabilang na ang pag-iinspeksyon sa mga imprastraktura dahil napakabilis lamang ng panahon upang maging sapat ang isinasagawa nating paghahanda.


Hindi na katanggap-tanggap sa publiko na kaya mabilis ang pagbaha ay dahil sa baradong mga drainage kaya dapat ngayon pa lamang ay tiyakin na ng MMDA at DPWH na malinis at maayos na ang mga daluyan ng tubig baha at hindi puro paliwanag na lamang.


Umaabot umano sa 61,000 metriko tonelada ang basura sa Pilipinas kada araw at 24% nito ay plastic waste, kabilang na rito ang mga plastic sachet, shopping bag at maninipis na bag.


Idineklara na kasi ng PAGASA ang pag-iral ng northeast monsoon o Amihan sa bansa at nakita na umano ng mga eksperto ang dahan-dahang paglamig ng ibabaw ng air temperature sa malaking bahagi ng northeastern ng Luzon at tumataas din ang sea level pressure.


Dahil dito ay inalarma rin ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa dumadaming nagkakasakit dahil sa trangkaso kung saan hindi lang matatanda ang nagdurusa dahil maraming bata na walang pang siyam na taon ang tinatamaan nito.


Sa datos na inilabas ng DOH, nasa 5,000 hanggang 6,000 kaso ng trangkaso o ‘flu-like cases’ ang naitatala umano kada linggo ngayong Oktubre lamang.


Ayon sa DOH, umabot na umano sa 145,249 ang ‘flu-like cases’ sa bansa mula Enero 1 hanggang katapusan ng Setyembre, 2023 at naungusan na umano nito ang naitalang 144,154 kaso ng dengue sa Pilipinas mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon.


Base sa babala ng DOH, malaki umano ang kaugnayan ng pagpasok ng taglamig na minsan ay biglang iinit kasabay nang pagbuhos ng ulan kaya inaasahang magpapatuloy pa ang mga trangkaso sa buong taon.


Mapanganib sa mga bata ang pananalasa ng trangkaso dahil malaki ang posibilidad na mauwi ito sa bronchopneumonia — kaya kailangan ng dobleng pag-iingat kabilang na ang pagbabantay sa bilis ng paghinga na kapag bumilis na umano kesa normal ay kailangan nang dalhin sa pagamutan.


Kaakibat din ng mga pag-ulan ang pagbaha kaya dapat mag-ingat ang lahat sa paglusong sa baha dahil sa Quezon City lamang ay lumobo sa 108.27% ang kaso ng leptospirosis sa nakalipas na 10 buwan kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.


Sa ulat ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance, umabot sa 77 kaso ng leptospirosis ang naitala sa lungsod mula Enero 1 hanggang Oktubre 7, 2023 kung saan ay 33 residente ang nasawi dahil dito.


Hindi na naman bago ang mga paparating na sitwasyon sa bansa ngunit kapahamakan ang naghihintay kung ipagwawalang bahala natin ang mga anunsyo at babala ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.


Sana lang ay matuto na tayo sa mga nakaraan nating karanasan, na napakarami ng nagbuwis ng buhay at nasirang ari-arian dahil lamang sa kakulangan ng tamang paghahanda partikular sa panig ng lokal na pamahalaan.


Sa DPWH, MMDA at lahat ng ating mga kababayan, sana ay magtulung-tulong tayong paghandaan ang paparating na kalamidad upang masaya nating maipagdiwang ang araw ng Pasko at Bagong Taon.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | October 20, 2023


Nakakaalarma na ang sunud-sunod na pag-atake ng mga hacker sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at wala silang kinatatakutan dahil maging ang Senado at Kamara ay tinangka nang pasukin ng mga cyber criminals.


Ang masakit lamang ay wala pa rin tayong natutukoy na salarin kung sino ang may kagagawan ng mga pag-atakeng ito sa kabila ng mga pagsusumikap ng pamahalaan na matukoy na ang mga nasa likod nito na labis nang nakakagulo sa operasyon ng ating mga ahensya.


Kamakailan lamang ay kinumpirma ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na noong nakaraang Biyernes ay na-hack ang mga system ng Department of Science and Technology (DOST).


Sa inisyal na ulat ay pinatotohanan ng DOST na mayroong ilang data o personal identifiable information ng mga eksperto ang nakaranas ng pag-atake na bagama’t mapanganib ang data breach para sa mga eksperto ay isang ‘small scale type’ lang naman umano ang data leak.


Ayon kay DICT Secretary Jeffrey Ian Dy sa isang panayam ay nasa 10,000 talaan ng mga eksperto ang na-leak kaya ngayon ay kumuha na ang DOST ng mga eksperto mula sa publiko at pribadong sektor hinggil dito.


Wala naman tayong dapat ipag-alala, ayon mismo sa pamunuan ng DICT dahil sa patuloy nilang binabantayan ang iba pang mahahalagang impormasyon sa datos ng DOST kabilang sa mga ito ang mga pagsisikap sa pananaliksik at pagpapaunlad ng departamento.


Nauna rito ay napaulat din na tinamaan ng cyber attack ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Philippine Statistics Authority (PSA), na nagresulta rin sa pag-leak ng ilan sa kanilang data.


Parehong mga salarin umano ang nasa likod na nag-post at nag-leak ng data mula sa PSA at DOST at nakatanggap na umano ang DICT ng ulat hinggil sa ginawang pag-hack sa DOST system noong nakaraang Setyembre ngunit sadya lamang umanong binigyan ng prayoridad ang pagtugon sa isyu sa PhilHealth at PSA.


Ang kumpirmasyon hinggil sa naranasang pag-atake ng mga hacker sa DOST ay natukoy na tinarget umano ng mga cyber criminal ang One Expert portal na naglalaman ng mga personal na impormasyon.


Subalit, nilinaw ng DOST na ‘publicly available’ naman umano ang nabuksang portal na naglalaman ng registry ng mga Pinoy expert sa larangan ng agham.


Nakumpirma umano ang naturang cyber attack ng DOST matapos na iulat ito ng Philippine National Computer Emergency Response Team (CERT-PH) noong Agosto 31 pa ngunit hindi agad pumutok sa media.


Mabilis namang umaksyon ang DOST na agad dinagdagan ang seguridad ng kanilang portal at naibalik naman sa normal ang operasyon ng kanilang website.


Kaugnay nito ay tiniyak ng DOST na walang dapat ikabahala ang publiko dahil hindi naman umano mga personal na impormasyon ang na-hack sa kanilang website, subalit inamin nila na may ilang impormasyon tulad ng mga pangalan at email ng mga technical expert ang nai-post sa Facebook noong Oktubre 8.


Sa kaso naman ng PSA na inatake rin ng mga hacker, nasa 81 milyong Pinoy na ang nagbigay ng kanilang personal na datos para sa national ID o Philippine Identification System (PhilSys) na dapat bigyan ng proteksyon.


Ayon sa PSA, limitado sa community-based monitoring system (CBMS) nito ang napasok ng hackers ngunit hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa ng ahensya kung may mga personal na datos na nakompromiso.


Mahalaga ang CBMS sa PSA dahil dito nakaimbak ang datos na nagmumula sa mga tahanan sa komunidad na siyang ginagamit na basehan ng pamahalaan sa pagpaplano ng mga programa nito at dito rin nakabase kung epektibo o kapaki-pakinabang ang target na proyekto.


Kaya nang makumpirma ng PSA na na-hack ang kanilang system ay agad nitong pinakilos ang Data Breach Response Team na naglunsad ng imbestigasyon, kasabay ng pakikipag-ugnayan sa National Privacy Commission, National Computer Emergency Response Team-Philippines ng DICT at ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (ACG-PNP).


Kumpirmadong ang CBMS ang naapektuhan at bilang pag-iingat ay pinatay na ng PSA ang mga systems at pinutol ang mga koneksyon ng CBMS sa iba pa nitong mga system.


Ngayon heto ang mas matindi, tinangka rin ng mga hacker na pasukin ang website ng Senado noong araw na pinaglaruan ang website ng Kamara de Representantes.


Ayon kay Senate Secretary Renato Bantug Jr., base sa ulat ng IT ng Senado ay nakapagtala umano ng ilang pagtatangka nang pag-atake ng mga hacker noong nakaraang Linggo lamang.


Nabigo lamang ang mga hacker dahil sa matinding firewall pero hindi pa rin umano bumibitaw ang IT ng Senado upang matiyak na hindi makakapasok ang mga hacker.


Samantala, muling isinara ng Kamara ang website nito matapos na ma-detect ang mga kahina-hinalang aktibidad na kinakailangan umanong imbestigahan at agad na nag-offline ng website bilang ‘precautionary measure’ upang muling suriin ang mga inilatag na cyber security measures.


Hindi ba’t bago ang lahat ng ito ay unang-unang napaulat na biktima ng hacker ang mismong pamunuan ng PNP ngunit, may katagalan na ito — pero hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang kanilang pag-atake at walang nasasakote. Sana hindi tayo sa kangkungan pulutin sa huli!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page