top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 22, 2024


Isa sa naaabusong sektor ay ang hanay ng mga senior citizen na madalas ay hindi kinikilala ang diskuwentong pinaiiral ng batas at maraming establisimyento ang nagsasamantala hinggil dito na walang pakialam sa kalagayan ng mga senior citizen o nakatatanda.


Dapat nating alalahanin na maraming senior ang halos hindi na nae-enjoy ang 20% discount na kanilang tinatamasa dahil karamihan sa kanila ang maysakit na.


Hindi ba’t may isang siyudad sa Metro Manila na libre ang sine sa mga senior citizen?


Subukan ninyong tingnan sa loob ng sinehan ang mga senior, kadalasan, kung sila ay nasa loob ng sinehan, sila ay nakakatulog lang. Pagdating naman sa pagkain ay halos ayaw silang bigyan ng diskuwento samantalang marami sa kanila ang limitado na lamang ang puwedang kainin dahil puro bawal.


Kaya sana naman sa mga establisimyento na walang pakundangan sa pagkalinga sa ating mga senior citizen ay dapat ninyong isipin na kung tutuusin ay binibigyan talaga ng discount ang mga ito dahil ilang saglit pa ay hindi na nila mapapakinabangan ang diskuwento dahil sa mamamaalam na rin sila.


Dapat nga makonsensya tayo na kung kailan tumanda na ang ating mga kababayan ay saka natin binibigyan ng discount na sana ay noon pa. Kaya sana ay maging aral ang ginawang pagsasampa ng kaso ng Pasig City Prosecutors’ Office laban sa dalawang opisyal ng Marco Polo Hotel sa naturang lungsod dahil sa umano’y paglabag nito sa Senior Citizen’s Law at Consumers Act of the Philippines nang inireklamo ang dalawang ito ng isang senior citizen na pinagkaitan ng naturang hotel ng discount noong Nobyembre 2023 dahil sa naka-promo raw ang booking nito.


Ayon sa imbestigasyon, ang sinampahan ng kaso ay sina Marco Polo Senior Vice President Lily Te Pedrosa at Marco Polo Finance Director Angel Co. Naganap ang insidente sa Marco Polo Hotel-Ortigas, isang five-star hotel sa Pasig City. Tig-P36,000 ang ipinataw na piyansa kina Pedrosa at Co.


Sa isinampang reklamo ni Melinda Rada, nag-check in siya at ang kapatid niyang senior citizen din sa Marco Polo Hotel-Ortigas noong Nobyembre 2023. Nang sila ay nag-check out na, hiningi niya ang kanyang 12% value-added tax (VAT) exemption at ang kanyang 20% discount bilang senior citizen.


Tumanggi ang hotel na magbigay ng discount dahil naka-promo umano sila. Walang maipakitang patunay kay Rada na ang promo ay aprubado ng Department of Trade and Industry (DTI) at base naman sa Consumers Act of the Philippines, kailangan munang kumuha ng sales promotion permit ang sinuman bago nila ito ipatupad.


Karaniwang istilo ito hindi lang ng mga establisimyento kundi maging ng mga restaurant na ayaw magbigay ng diskuwento — na kadalasang sinasabi na nasa ilalim sila ng promo.


Sa puntong ito, madalas ay walang magawa ang ating mga senior citizen dahil iniiwasan din nilang magmukhang kawawa sa paghahabol sa discount kaya karaniwan ay nagiging depensa ito ng mga establisimyento at restaurant para hindi makakuha ng diskuwento ang ating mga senior.


Tinangka nating kunin ang panig ng Marco Polo Hotel-Ortigas sa pangyayaring ito ngunit wala pa itong sagot habang isinusulat ang artikulong ito.


Samantala, hindi na itinuloy ng Starbucks Philippines ang inanunsyo nitong paglimita sa discount na ibinibigay sa mga senior citizen. 


Sa joint hearing ng House Committee on Ways and Means at Senior Citizens nitong nakaraang Miyerkules, humingi rin ng paumanhin ang Starbucks sa pamamagitan ng operations director nito na si Angela Cole.


Ayon kay Cole, tinatanggap ng pamunuan ng Starbucks ang kanilang pagkakamali at humihingi sila ng paumanhin sa maling signage.


Batay sa kontrobersiyal na signage, ang senior citizen discount ay lilimitahan sa isang food item at isang inumin.


Nauna nang nanawagan si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng imbestigasyon kaugnay ng hindi umano tamang diskuwento na ibinibigay sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWD).


Kaya sa mga senior citizen at PWD na nakararanas ng parehong insidente sa kamay ng mga mapagsamantalang establisimyento, huwag kayong mag-atubiling umangal at magreklamo dahil mayroon kayong mga kaukulang karapatan bilang mga miyembro ng senior citizen at PWD, at ang mga diskuwentong inyong nararanasan ay hindi limos.


Marahil ay panahon na para magkaroon ng police assistance desk sa loob ng mga shopping mall na tinatauhan ng nakaunipormeng kaanib ng Philippine National Police (PNP) upang maging madali sa mga senior citizen na magsampa ng reklamo sakaling makaranas ng pang-aabuso sa mga restaurant at mall, at mga kauri nito — dahil madalas ay hindi na lumalabas ng shopping mall ang ilang senior citizen para lang maghanap ng presinto at doon ay magharap ng reklamo.   


Kung may PNP assistance desk sa loob ng shopping mall hindi lang mga senior citizen ang makikinabang dahil ultimo masasamang loob na naglipana sa mga mall ay mabilis na maaaksyunan, maiiwas pa sa panganib ang mga senior citizen sa paroo’t parito sa mga presinto habang agad silang mabibigyan ng karampatang solusyon.


Pinagsikapang maipasa sa Senado ang batas na iyan bilang pagkalinga natin sa ating mga senior citizen na karamihan ay walang hanapbuhay at kung meron man ay kulang pa para sa pambili nila ng pang-araw-araw na gamot kaya hindi tamang hiyain at pahirapan ang mga senior citizen.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
  • BULGAR
  • Jan 17, 2024

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 17, 2024


Nag-umpisa na nga ang pagdiriwang ng kapistahan ni Señor Santo Niño ngayong pagpasok ng Bagong Taon na minamarkahan ng kani-kanyang mga naglalakihang fiesta sa iba’t ibang dako ng bansa. 


Nauna na nitong nakaraang linggo ang Sinulog sa lalawigan ng Cebu na ginanap sa Cebu City Sports Complex noong Enero 14. Kasunod naman ang Sinulog - Santo Niño Festival sa Cebu City na gaganapin nitong parating na weekend. Matapos n’yan kasunod ang Ati-atihan Festival sa Kalibo, Aklan at Dinagyang Festival sa Iloilo City. Malaki rin ang pagdiriwang ng Fiesta ng Santo Niño sa Tondo, Manila. 


Bumisita at nakiisa tayo noong nakaraang linggo sa Sinulog Festival kung saan nakasama natin si Cebu Gov. Gwen Garcia. Magtutungo din tayong muli sa Cebu ngayong paparating na linggo para makilahok sa Sinulog - Santo Niño Festival na pinangungunahan ni Mayor Mike Rama. 


Sa mga susunod na linggo naman ay tutungo tayo sa Kalibo at Iloilo City para sa Ati-atihan at Dinagyang. 


Taun-taon natin ito ginagawa bilang isa sa mga paraan ng ating pasasalamat sa Panginoon sa lahat ng Kanyang paggabay at biyayang ating natatanggap. 


Ako kasi ay isang deboto.


Sabi ko nga, sa kabila ng lahat ng aking pinagdaanan – my personal battles and trials – I can genuinely say that I have been blessed. 


Hindi naman perpekto ang buhay natin. Lahat tayo ay may mga pagsubok na pinagdaraanan, ngunit ang ating pananampalataya – it is our faith and trust in God that will carry us through. And it is also this faith and trust that will be rewarded. 


Nalinis ang aking pangalan, nagkaroon ako ng anak na abogado, isa pang anak na naging doktora, at bilang tanda ng pagmamahal at pagtitiwala ng ating mga kababayan - iniluklok akong muli, pati na ang aking asawa at tatlo pang anak sa mga katungkulan. 


Totoo na napakabigat ng aking pinagdaanan. Pero kay Señor – sa Panginoon ako kumapit, at nalampasan kong lahat ‘yun at higit pa akong na-bless.


Maliban sa aking personal na panata, nakikiisa rin tayo para i-promote ang mga ito bilang mga tourist destination. Napakakulay, garbo, at napakasaya ng mga selebrasyong ito na ibinabandila ang ating kultura at talento na sadyang maipagmamalaki natin sa iba. 


Pagkakataon din ang mga ito para ipadama ang sikat na sikat na Filipino hospitality sa mga bisita nating nais maranasan ang “Only in the Philippines” na mga kapistahan. 

Happy Sinulog sa mga Sugbuanon. Viva Pit Señor! 


Hala Bira! Iloilo! Happy Dinagyang! 


Happy Ati-atihan sa Kalibo! Viva kay Señor Santo Niño! 


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 16, 2024


Halos lahat ng ating mga kababayang apektado ng sunud-sunod na transport strike ay hindi bumibitaw sa itinakdang deadline ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa konsolidasyon ng tradisyunal na jeepney na itinakda noong nakaraang Disyembre 31, 2023.


Ang hindi lalahok sa konsolidasyon ay tuluyan nang hindi bibigyan ng prangkisa at hindi na makakapamasada.


Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin natatapos ang hidwaan sa pagitan ng DOTr at ng ilang transport group hinggil sa pagsulong ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan at labis na apektado ang ating mga kababayang sumasakay dito.


Kailangang bago bumalik sa normal na kalakalan ang lahat ng mga negosyo ngayong taon ay maresolba na ang problema ng mga kababayan nating umaasa pa rin sa tradisyunal na jeepney. 


Magugunitang minsan nang namalimos sa kalsada ang mga ito noong panahon ng pandemya dahil sa kasagsagan ng mga protesta at tigil-pasada kung kaya’t nagdesisyon ang mga itong manghingi ng pera sa mga kababayan natin upang matugunan ang pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.


Humaba nang humaba ang palitan ng paliwanagan sa pagitan ng ilang transport group at ng DOTr na parehong naglalabas ng katwiran sa media kaya hanggang sa kasalukuyan ay kapwa nakaabang pa rin ang magkabilang grupo hinggil sa desisyon ng implementasyon ng PUVMP.


Kasabay nito ay ibinasura ng DOTr nitong nakaraang Huwebes (Enero 4) ang mga alalahanin sa napaulat na posibleng pagtaas ng pasahe sa mga jeepney dahil sa epekto ng PUVMP.


Ayon kay DOTr Undersecretary Timothy John Batan, kailangang sumailalim muna sa proseso ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtaas ng pamasahe.


Mariin ding itinanggi ni Batan na magkakaroon ng 300 hanggang 400 porsyentong pagtaas ng pasahe kapag naisakatuparan na ang consolidation at PUV Modernization Program.


Sa kabila pa nito, sinabi ni Batan na ang mga nakaraang pagtaas ng pamasahe ay mula P1 hanggang P2 lamang.


Sa kasalukuyan, ang minimum na pamasahe ay P13 para sa tradisyunal na jeepney at P15 para sa modernong jeepney.


Bilang tugon, sinabi ni Batan na magbibigay ng tulong ang gobyerno sa mga operator na apektado ng PUVMP.


Sana naman itong DOTr ay doblehin ang pagsisikap na maipaliwanag sa transport group na ang pamahalaan ay magbibigay ng benepisyo sa mga maaapektuhan ng PUVMP.


Ang layunin naman ng pamahalaan ay ilagay sa maayos na kalagayan ang transport group at hindi totoong basta-basta lang silang aalisan ng hanapbuhay.


Ang masaklap pa nito, marami ring lumalabas na dagdag-bawas na balita kaugnay ng isyung ito na pawang mga fake news at nagpapalala lamang sa sitwasyon.


Nagsimula noong 2017, ang layunin ng PUVMP ay mapalitan ang mga jeepney na mayroong hindi bababa sa Euro 4-compliant na makina upang mabawasan ang polusyon at palitan ang mga PUV na hindi na karapat-dapat sa kalsada, ayon sa pamantayan ng Land Transportation Office (LTO).


Ang problema, mahigit sa P2 milyon ang bawat unit ng modernong jeepney na kahit ang mga state-run bank na Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines ay sinabing masyadong mahal para sa mga PUV driver at operator at lubhang hindi nila kakayaning kumuha o bumili at hindi rin naman sila kuwalipikadong manghiram sa bangko. 


Tiniyak naman ng isang opisyal ng Office of Transportation Cooperatives (OTC) na magbibigay ang gobyerno ng livelihood at skills development programs para sa mga PUV driver, na ang mga operator ay hindi magko-consolidate ng mga indibidwal na prangkisa sa ilalim ng mga kooperatiba o korporasyon.


Sinabi ni OTC Chairman Jesus Ferdinand “Andy” Ortega na ang mga ahensya ng gobyerno kabilang ang Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay may kanya-kanyang inilaan na pondo para sa naturang mga programa.


Ang kinakailangang pagsasama-sama ng prangkisa ay isa sa mga bahagi ng PUVMP ng pamahalaan na natapos noong Disyembre 31, 2023. At dahil sa pinalawig, ang mga unconsolidated commuter jeepney ay pinapayagan pa ring mag-operate sa mga piling ruta hanggang Enero 31, 2024.


Kaya tiyak na makararanas na naman tayo ng mga protesta sa Enero 31, 2024 dahil sa pagpapahinto na sa pamamasada ng mga tradisyunal na jeepney na tutol sa konsolidasyon ng pamahalaan.


Ito ang sinasabi ko, tumatagal pero humahaba ang usapin sa pagitan ng DOTr at ilang transport group na sana ay maayos na para hindi naman maapektuhan ang mga kababayan natin.

 

Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page