top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 10, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Tila matatagalan pa ang pagdurusa ng mga motorista hinggil sa dinaranas na sakripisyo sa tuwing daraan sa mga tollgate ng mga expressway sa bansa dahil nabigo umano ang Toll Regulatory Board (TRB) na tuparin ang kanilang pangako na ngayong Hulyo ay maipatutupad na ang one RFID system sa lahat ng tollways sa buong bansa.


Ito ay matapos aminin ng TRB na hanggang ngayon ay hindi pa rin umano nagkakasundo ang mga kumpanya sa isahang sistema ng paniningil sa South Luzon Expressway (SLEX) at North Luzon Expressway (NLEX).


Nabatid na napakarami umanong gusot na pinaplantsa pagdating sa teknikal at sistema na may kaugnayan sa tollways.


Nauna rito, buong giting na ipinagmalaki ng TRB na ipapatupad umano ngayong buwan ang one RFID system sa mga tollways na inasahan ng ating mga kababayan.


Magkakaibang sistema kasi sa tollgate RFID ang ginagamit ng mga motorista tulad ng Autosweep sa Skyway, SLEX, NAIA Expressway, STAR Tollway, Muntinlupa-Cavite Expressway, at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX).

Easytrip naman ang gamit sa NLEX, Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), CAVITEX, at Cavite-Laguna Expressway (CALAX). 


Ibig sabihin lamang nito ay posibleng hindi rin agad matutugunan ang problemang dinaranas ng mga motorista na madalas na naaabala sa biyahe sa pagdaan sa expressway.


Nabatid na hanggang sa Senado ay tinatalakay na ang naturang suliranin dahil sa rami ng reklamo patungkol sa TRB mismo at mga expressway toll operator, na may pagkukulang umano sa dapat ay maayos na operasyon, partikular sa palpak na RFID system na nagdudulot ng pagkakabuhol-buhol ng mga sasakyan sa mga expressway.


Bahagyang humupa ang balita, ngunit dagsa pa rin ang reklamo hinggil sa maraming

RFID tags na hindi raw nababasa ng mga scanner dahil sa reader malfunction o maling pagkakalagay, na isa sa mga dahilan kaya hindi agad umaangat ang mga toll barrier at nagiging sanhi naman ng matinding trapik.


Lumalakas din ang mga panawagan sa TRB na dapat simulan nang ipatupad ang barrier-less na sistema sa mga expressway sa bansa.


Dati nang umingay ang isyung ito sa mga tollway, pero medyo humupa matapos na ianunsiyo ng TRB na ipapatupad umano ngayong Hulyo itong one RFID system.


Ngunit sa ginawang pag-amin ng TRB na hindi ito matutuloy ay inaasahang nakakabit din dito ang pangako nilang maisasaayos na ang problema sa mga toll barrier sa bansa.


Huwag sanang maging dahilan ang hindi pagkakasundo-sundo ng mga kumpanyang iba-iba ang sistema sa pagpapatakbo ng mga tollway sa mga expressway para maresolba ang napakatagal na problema sa mga tollway.  


Sabagay, sa kasalukuyan ay hinihimay na ng ating mga kasamahan sa Senado ang suliraning ito at tiyak na may aabutin dito dahil hindi pa rin naisasaayos ang napakasimpleng usapin habang napakarami ng nagdurusa.


Naiiwanan na rin tayo kung ikukumpara ang ating sistema sa ibang bansa, na nagkakarera ang mga sasakyan pagdating sa mga tollway, na hindi tulad dito na kailangan pang mag-menor at pagkatapos ay hindi naman babasahin ng scanner ang RFID.  


Ang nakakalungkot lang kasi, napakatindi na ng problema natin sa trapik sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, at ayon nga sa pag-aaral ay milyun-milyong piso ang nawawala sa bansa dahil sa grabeng pagsisikip ng trapiko tapos ngayon dumagdag pa itong mga expressway — na naturingang expressway pero hindi naman express.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 3, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Pormal nang inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (PBBM) na si Sen. Juan Edgardo “Sonny” Angara ang kanyang napili bilang bagong secretary ng Department of Education (DepEd). 


Si Angara, na ang termino bilang isang senador ay magwawakas sa taong 2025, ay papalitan si Vice President Sara Duterte na nagbitiw sa puwesto bilang DepEd secretary noong nakaraang Hunyo 19 lamang. Siya ang tamang indibidwal na magpapatuloy sa mga magagandang nasimulan ni VP Inday. 


Ayon sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes (Hulyo 2) ang anunsiyo ni PBBM ay ginanap sa gitna ng pagpupulong ng mga gabinete sa Palasyo, bagama’t wala noon si Angara. 


Nagpakita naman ng kahandaan si Angara matapos matiyak ang nais ni PBBM na pangunahan niya ang DepEd. 


Nabatid na bukod sa napakaraming senador ang nag-eendorso kay Angara na maging kalihim ng naturang kagawaran ay halos lahat ng key educational organizations ay pabor ding maging DepEd chief ito, kabilang na ang Coordinating Council of Private Educational Associations at ang Philippine Association of Colleges and Universities. 


Ako mismo ay naniniwala na the President made the right decision. 


Hindi nagkamali ang ating Pangulong Marcos sa pagpili sa kanya. Batid natin ang kanyang kakayahan at kaalaman. Tiyak na magiging instrumento siya sa pagtugon sa mga pangangailangan ng DepEd. 


Naging co-chair si (Sen.) Sonny ng Congressional Commission on Education (EDCOM) at Commissioner naman ng EDCOM2. He has a grasp and good understanding of the education system – what needs to be done, and how to do it – at ‘yan ang kailangan sa DepEd. 


Ang EDCOM ay ang congressional body na binuo para magsagawa ng komprehensibong national assessment at evaluation ng kalagayan ng Philippine education sector. 


Kaugnay nito ay nagpasalamat si Angara kay PBBM dahil sa pagkakapili umano sa kanya na pamunuan ang kagawaran. 


Hindi pa dapat agad iaanunsiyo ni PBBM kung sino ang nais niyang italaga bilang DepEd secretary dahil nais niya itong pag-isipang mabuti – ngunit dahil sa rami ng nag-eendorso kay Angara ay hindi na umano nagdalawang isip ang Pangulo para italaga siya na desididong mamuno. 


Maging si Senate President Chiz Escudero ay isa sa nanguna nang inendorso si Angara upang maging kalihim ng DepEd dahil sa napakaganda nitong track record at maayos na karanasan. 


Samantala, ayon sa Commission on Election (Comelec), ang puwesto ni Angara sa Senado ay mananatiling bakante — maliban na lamang kung magkakaroon ng special election base na rin sa panawagan ng Senado. 


Ngunit, ayon kay Escudero posibleng hindi na humantong sa special election para palitan si Angara dahil malapit na namang matapos ang termino nito at mas mabuting hintayin na lamang umanong magwakas. 


Napakaraming mamanahing kailangan gawin ni Angara sa sektor ng edukasyon, kabilang ang mababang performance ng mga Pilipinong mag-aaral base sa global educational assessments. 


Ayon sa report ng World Bank, nasa siyam sa 10 mag-aaral sa bansa ang hirap na hirap magbasa ng kahit simpleng text lamang, na ngayon ay ipinagkakatiwala ng pamahalaan sa husay ni Angara. 


Naniniwala ako sa kakayahan ni Sen. Sonny, mahaba ang aming naging pagtutulungan sa Senado on matter involving education in the country, pati para sa mga guro at mag-aral. I believe he can lead the reform in our education sector. 


Positibo ang pagtanggap ng marami nating kababayan sa pagkakaluklok kay Angara dahil alam nating lahat na mapapabuti ang direksyon ng DepEd sa kanyang pamumuno. 


Isang mahusay, masipag at mabuting senador si Angara kaya inaasahang malaking

tulong ito para sa kasalukuyang pamahalaan, bagama’t napakabigat ng kakaharapin niya sa DepEd ay buo ang aking loob na maisasaayos niya ang lahat. 


Anuman ang kakailanganing tulong ni Sen. Sonny sa kanyang panunungkulan ay nakahanda ang inyong lingkod na magbigay ng suporta sa lahat ng sa tingin niya ay kaya nating maibigay. 


Bagong DepEd secretary, bagong pag-asa tungo sa ikauunlad ng ating edukasyon. Congrats DepEd Sec. Sonny. Nasa likod mo lang ako! 


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 1, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Maiibsan na ang inggit na nararanasan ng ating mga kababayan sa mga bansang matutulin ang internet dahil aprubado na ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), ang P16.1 bilyong Philippine Digital Infrastructure Project na naglalayong pagandahin ang internet service sa bansa at bibigyan ng mabilis na internet kahit sa mga liblib na lugar.


Ipinaliwanag ng NEDA na uutangin sa World Bank ang pampondo sa PDIP na flagship program ng Department of Information and Communications Technology (DICT).


Napag-alaman na base sa ilalim ng naturang proyekto, gagawa ng public broadband infrastructure network na may backbone network, middle-mile network, access network, net-work security at project management support.


Marami nga namang nagbukas na mga pagkakataon para sa mga tao ang broadband services tulad ng mga work-from-home arrangement.


Nagsimula nang magbigay ng maraming oportunidad ang paggamit ng internet – kaya napapanahon ang proyektong ito upang mapalakas ang koneksyon ng mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo para mapaunlad pa ang ating bansa.


Noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, nagkaroon na rin ng plano para sa national broadband network. Ang proyekto ay nagkakahalaga dapat ng $329 milyon at Chinese na kumpanya ang gagawa ngunit, inulan ito ng kung anu-anong kontrobersiya dahil sa pulitika hanggang sa kinansela na ito. 


Sana naman ay hindi na maulit ang pangyayari upang magtuluy-tuloy na ang proyekto at sa huli ay pakinabangan na ng bansa ang hakbanging ito na matagal nang inaasam ng mga kababayan.


Bukod sa napakaraming imprastraktura ay maituturing na isa na namang legasiya ng kasalukuyang administrasyon kung magiging matagumpay ang naturang project.


Napakalaking tulong din nito sa mga mag-aaral na nasa bulubunduking bahagi ng bansa na kailangang maglakad ng malayo para magkahanap lamang ng signal.


Mabibigyan na ng solusyon ang suliranin ng mga guro tuwing magkakaroon ng online schooling na kinakailangan pang umakyat sa matataas na lugar para makapagturo online.


Magiging mabilis na rin ang pagbibigay ng tulong at iba pang serbisyo ng pamahalaan sa mga lalawigang sinalanta ng kalamidad kung magiging maayos na ang serbisyo ng internet.


Ngayon pa lamang ay excited na ang marami sa ating mga kababayan sa proyektong ito na sana ay masimulan na sa lalong madaling panahon.

Nagpapasalamat din tayo kay PBBM dahil sa pagtalima sa problemang ito.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page