- BULGAR
- Jun 12, 2025
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 12, 2025

Noon pa man sa pag-iikot ko sa buong bansa at hanggang ngayon, bilang Chairman ng Senate Committee on Health, personal kong nakikita kung gaano kabigat ang kakulangan ng hospital beds sa ating mga ospital. Sa isang kama, dalawa o kung minsan ay higit pa ang mga pasyenteng nagsisiksikan. May mga pagkakataong umaabot pa nga sa 400% ang bed occupancy rate. Paano gagaling ang pasyente sa ganitong siksikang kondisyon?
Bilang inyong Senator Kuya Bong Go, patuloy kong tututukan at ipaglalaban ang pangangalaga sa kalusugan ng kapwa Pilipino. Naniniwala akong health is wealth dahil katumbas ng kalusugan ay buhay ng Pilipino. Lagi kong sinasabi, now is the time to invest in health, lalo na sa mga probinsya na kulang ang health facilities.
Masaya ko namang ibinabalita na nitong June 9 ay nakapasa na sa Third and Final reading sa Senado ang ating mga isinusulong, bilang principal sponsor, ang iba’t ibang panukalang batas na layong makaambag sa pagpapalakas ng ating healthcare system.
Una rito ang House Bill 10885, kung maisabatas na naglalayon na itatag ang San Miguel District Hospital sa Zamboanga del Sur sa ilalim ng provincial government. Batay sa Philippine Health Facility Development Plan ngayong 2025, ang Zamboanga del Sur ay nangangailangan ng 951 kama para sa Level 1, at 387 para sa Level 2 hospitals. Kung maitatayo ang San Miguel District Hospital, mababawasan ang kakulangan sa kama sa Level 1 hospitals sa lalawigan.
Layon naman ng House Bill 11162, kung maaprubahan, na maitatag ang Aurora Medical Center, isang Level 3 hospital sa ilalim ng Department of Health, na magkakaroon ng 200 bed capacity. Ang kakulangan po sa kama sa Level 3 hospital sa Region III o Central Luzon ay nasa 5,349. Kapag maisabatas ang panukalang ito at maitayo ang Aurora Medical Center, masosolusyunan ang problemang ito sa rehiyon.
Sinuportahan din natin ang House Bill 11163, na naglalayong maitatag ang Liloy General Hospital. Kung tuluyang maging batas ang panukalang ito, layunin nitong magkaroon ng 100-bed Level 2 facility sa Zamboanga del Norte na nasa pangangasiwa ng DOH. Nangangailangan ang probinsya ngayong taon ng karagdagang 390 beds para sa Level 2 hospitals, at ang Liloy District Hospital ay makatutulong para rito.
Hangad natin na sana ay maging ganap na batas din ang House Bill 10080 para ma-upgrade ang Quirino Province Medical Center at maging Level 3 hospital. Ang probinsya ng Quirino ay kulang ng 1,195 beds para sa Level 3 hospitals. Sana ito na ang magiging tugon doon.
Tayo rin ang principal author at co-sponsor ng Senate Bill No. 2893, o ang Virology Institute of the Philippines Act na aprubado na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa noong February 3. Isinumite rin natin ang Senate Bill No. 195, na naglalayong likhain ang Center for Disease Control. Kailangang handa tayo sa pagsulpot ng mga panibagong sakit para hindi na tayo mabulagang muli.
Hindi maikakaila na hindi naman mayayaman ang nagpapagamot sa mga pampublikong ospital. Karamihan sa kanila ay ang mga kababayan nating walang-wala, mga helpless at hopeless. Panawagan ko sa aking mga kapwa mambabatas, magtulungan tayo na mailapit ang serbisyo medikal ng gobyerno sa ating mga kababayan. Sana ay umabot tayo sa punto na hindi na matatakot ang ating mga kakabayang magpaospital.
Patuloy din nating ipinaglalaban na mabayaran na ang nalalabing PhP 8.1 bilyon na hindi pa nababayarang Health Emergency Allowance (HEA) ng mga kuwalipikadong health workers na nagserbisyo at nagsakripisyo noong pandemya. Isa tayo sa may-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11712, na nagkakaloob ng HEA. Services rendered ‘yan, pinagpawisan at pinaghirapan na ng ating mga healthcare workers. Sila ang hero ng pandemya at hindi ako titigil hangga’t hindi sila nababayaran.
Samantala, noong June 4 ay naging guest of honor at keynote speaker tayo sa ginanap na Vice Mayors’ League of the Philippines National Executive Board Regular Quarterly Meeting sa paanyaya ni VMLP National President Dean Domalanta.
Dumalo tayo noong June 5 sa League of Vice Governors of the Philippines 100th National Assembly sa imbitasyon ni Laguna Vice Governor Karen Agapay.
Samantala, personal nating binisita at binigyan ng tulong noong June 8 ang 518 naging biktima ng insidente ng sunog sa Brgy. 384, Quiapo, Maynila katuwang si Brgy. Chairwoman Omia Sharief. Dumalo rin tayo sa Thanksgiving celebration ng ating kapwa mambabatas na si Sen. Ronald dela Rosa.
Ipinadala ko ang ating Malasakit Team para maghatid ng tulong sa ating mga kababayan at naalalayan ang mga naging biktima ng insidente ng sunog — 13 pamilya sa Tanauan, Leyte; 15 sa Tagbilaran City, Bohol; at 269 sa Mandaue City, Cebu.
Nahatiran din ng tulong ang 70 pamilyang nawalan ng tahanan sa Balanga City at Limay sa Bataan; at ang 12 sa Padre Burgos, Southern Leyte. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong pinansyal para maipaayos ang kanilang tahanan mula sa pamahalaan sa ilalim ng programang ating isinulong at sinuportahan.
Pumasok na ang tag-ulan. Mag-ingat tayong lahat at alagaan natin ang ating kalusugan. Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala akong ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.




