top of page
Search

ni Lolet Abania | October 2, 2021



Pormal nang naghain si Sen. Christopher Lawrence Go ng kanyang certificate of candidacy (COC) para tumakbong bise-presidente sa Mayo 9, 2022 elections ngayong Sabado, Oktubre 2.


Pasado alas-3:00 ng hapon ngayong Sabado, nag-file si Go ng kanyang kandidatura para VP kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.


Gayunman, hindi ito ang inaasahang posisyon na tatakbuhan ni Go dahil si Pangulong Duterte ang siyang inendorso ng partidong PDP-Laban para sa VP slot.


Ang 47-anyos na si Go ay long-time aide ni P-Duterte, kung saan itinuturing na gatekeeper ng Pangulo at nananatiling tumutugon sa pangangailangan ng Punong Ehekutibo sa kabila ng panunungkulan nito sa Senado.


Siya ay naging assistant ni P-Duterte noong congressman pa ito at madalas na nasa tabi ng Pangulo sa mga public events at sa Malacañang.


Ang senador na chairman ng Senate committees on health and sports ay madalas ding may mga posts sa social media ng “selfies” kasama si P-Duterte.


Una nang tinanggihan ni Go ang presidential nomination sa kabila ng paghimok sa kanya ni Pangulong Duterte na tumakbo sa eleksyon. “My heart and mind are focused on serving people,” ayon sa senador.


Para kay Go, ipinauubaya niya ang kanyang kapalaran sa Diyos, sa mga Duterte at sa publiko.

 
 

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 29, 2021



Ito ang panahon ng pagtutulungan at bayanihan. Hindi ng sisihan o siraan.


Habang papalapit na ang susunod na halalan, nararapat lamang na maging mapanuri tayo sa mga kandidatong nais mamuno sa ating bansa sa susunod na anim na taon.


Gamitin natin ang panahon na ito upang pag-aralan at kilalanin ang mga taong nais tayong paglingkuran.


Ngunit bago ang lahat, unahin muna natin ang ating tungkulin sa ngayon na tulungan ang ating mga kababayan na malampasan ang mga pagsubok na ating kinahaharap. Para sa mga opisyal ng gobyerno, dapat hindi mawala ang focus sa ating pagseserbisyo, lalo na kung para maiahon sa hirap ang mga kababayan nating nangangailangan.


Bilang chair ng Senate Committee on Health, masaya tayong ibalita na, as of September 27, 2021 ay meron ng 44.36 milyong Pilipino ang naturukan ng bakuna kontra COVID-19, na kung saan 23.77 milyon dito ay naturukan na ng kanilang unang dose samantalang may dagdag na 20.58 milyong kababayan natin ang nakakumpleto na ng kanilang bakuna.


Inaasahang tataas pa lalo ang bilang ng mga bakuna sa susunod na mga buwan kung kaya’t bubuksan na rin ang ating vaccination program sa general population sa Oktubre upang mapabilis ang rollout at marating natin ang herd immunity sa lalong madaling panahon.


Tulad ng ating sinasabi noon, bakuna muna bago pulitika! Unahin nating malampasan ang pandemya para mabigyan ng tunay na pag-asa ang ating mga kababayan dahil kung hindi natin malalampasan ang krisis, baka wala na tayong pulitikang pag-uusapan pa.


Bilang mamamayang Pilipino at representante sa Senado, umaapela tayo sa mga balak tumakbo para sa susunod na halalan na palaging isaalang-alang ang interes at kapakanan ng ating mga kababayan, at huwag ang mga pansariling interes.


Ang halalan ang pinakamahalagang kapangyarihan na meron tayo. Pahalagahan at gamitin natin ito nang tama. Makiisa tayo upang maipaglaban ang kapakanan ng bayan at masigurong walang maiiwan sa muling pagbangon ng bansa mula sa pandemyang ating kinahaharap.


Ngunit kung ang inyong lingkod ang tatanungin, nananatiling prayoridad natin sa pagpili ng bagong lider ang continuity. Ibig sabihin, susuportahan natin ang sinumang kandidatong may parehong direksiyon at katumbas na political will, tulad ni Pangulong Rodrigo Duterte na kayang magbigay ng de-kalidad na serbisyong tinatamasa natin ngayon. Tulad ng karamihan ng ating mga kababayan, nais nating maipagpatuloy ang magagandang pagbabago na nasimulan niya para sa ating bansa at sa mga susunod pang henerasyon.


Dahil na rin sa karanasan natin bilang aide ng Pangulo sa loob ng mahigit dalawang dekada, nakita natin ang sinseridad ng puso niya para sa mga Pilipino. Halimbawa, noong mayor pa ang Pangulo, marami ang lumalapit sa kanya sa Davao City Hall na nanggagaling pa sa malalayong lugar tulad ng General Santos, Zamboanga, o Surigao para humingi ng tulong pangmedikal.


Dito natin nakita ang tunay na malasakit niya para sa mahihirap. Hindi niya matiis tanggihan ang mga pasyente dahil, para sa kanya, Pilipino rin ang mga ito kahit saan man sila nanggaling. Dito natin nabuo ang ang konsepto ng Malasakit Center. Patuloy nating isusulong ang pagtatayo ng mga ito para makabenepisyo ang mga tao kahit saan mang sulok ng Pilipinas.


Tulad ng sabi natin noon, magseserbisyo tayo nang buo ang loob, kahit gaano kahirap, para lang makarating ang tulong sa nangangailangan. Isang karangalan para sa atin na mamatay nang nagseserbisyo sa kapwa. Hinding-hindi natin sasayangin ang oportunidad na maiangat ang kalagayan ng ating mga kababayan.


Magtatapos man ang termino niya, asahan ninyong gagawin natin ang lahat upang maisakatuparan ang pangako ng mas komportable at maginhawang buhay para sa lahat kahit anumang krisis ang sumubok sa ating katatagan.


Nangako tayong hindi iiwan ang Pangulo. Sasamahan natin siya hanggang sa dulo, sa kahit anumang laban. Walang iwanan ito hanggang maibigay natin sa bawat Pilipino ang tunay na pagbabago na ating inaasam para sa ating inang bayan!


Magkaisa tayo at patuloy nating suportahan ang ating Pangulo dahil siya ang tunay na nagmamahal sa bansa at sa kapwa niya mga Pilipino!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 24, 2021



Nitong mga nakaraang taon, nagsumikap si Pangulong Rodrigo Duterte at ang pamahalaan upang mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino. Sa mahigit limang taon, niya ang iba’t ibang reporma para ipatupad ang mga pagbabago na kinakailangan natin bilang bansa.


Kaya sa ating manifestation nitong Miyerkules, todo-suporta tayo sa proposed 2022 budget ng Office of the President at ng Presidential Management Staff. Ang paalala lang natin sa mga kasamahan sa gobyerno, siguraduhing magagamit nang tama ang pondo ng bayan at makararating ang serbisyo sa mga Pilipinong nangangailangan, lalo na ang mga walang matakbuhan at sobrang hirap na.


Talagang nakita natin ang dedikasyon ng mga tao sa gobyerno. Saksi tayo sa kanilang galing at sipag sa pagseserbisyo sa bayan at sa mga kapwa natin Pilipino. Kaya naman, palagi nating ipinaglalaban na maging patas tayo sa pagtingin sa gobyerno dahil marami riyan ay malinis ang hangarin at gusto lamang makapagserbisyo sa bayan.


Pinupuri natin si Pangulong Duterte sa talumpati nito sa United Nations General Assembly. Isang karangalan para sa ating bansa ang makapagsalita ang ating lider sa harapan ng buong mundo at imungkahi ang katayuan at katatagan ng Pilipinas.


Sa harap ng maraming pagsubok, naninindigan tayong walang Pilipinong mapapabayaan sa pamumuno ng ating nag-iisang pinuno ng bansa.


Tayo naman at ang ating tanggapan ay patuloy na umaagapay sa gobyerno upang maiparating sa tao ang mga programang makabebenepisyo sa kanila. Patuloy ang ating pag-iikot sa bawat sulok ng bansa upang rumesponde sa pangangailangan ng ating mga kababayan na may hinaharap na krisis o sakuna.


Mula Setyembre 18 hanggang 23, tinulungan natin ang ating mga kababayan sa Iloilo upang maiangat ang kabuhayan nila. May 300 na mga benepisaryo sa Pavia; 300 sa San Miguel; 200 naman sa Leganes; at 200 na indibidwal sa New Lucena. Sa probinsiya naman ng South Cotabato, may 1,000 na benepisaryo tayong tinulungan mula sa Polomolok.


Sa Davao City naman, namahagi tayo ng tulong sa 5,000 na mga residente mula sa iba’t ibang barangay, tulad ng Bgy. Cabantian, Bgy. Indangan, Bgy. Alejandra Navarro, Bgy. Gatungan, Bgy. Angliongto, Bgy. Communal, Bgy. Tigatto, Bgy. Waan, Brgy. Mandug at Bgy. Callawa.


Tinulungan din natin ang mga indigent at vulnerable na mga manggagawa, tulad ng 191 sports technical officials sa Quezon City; 3,006 TODA members at market vendors sa Castillejos, Zambales; 2,000 transport workers sa Magalang, Pampanga; 4,500 naman na mga essential workers sa San Narciso, Zambales; 3,888 farmers, vendors, TODA members, at jeepney drivers mula sa Licab, Nueva Ecija.


Sa Visayas, nag-abot din tayo ng tulong sa 1,000 indigents sa General McArthur at Salcedo sa Eastern Samar; 1,978 indibidwal na mula sa iba’t ibang sectoral groups sa Barugo, Mayorga, Javier, Burauen, at Tunga sa probinsya ng Leyte; at 512 out-of-school youth at displaced workers sa Daram, Samar.


Hindi rin natin kinalimutan ang ating mga kababayan na mga naging biktima ng sunog, tulad ng 70 na pamilya sa San Carlos City, Negros Occidental; 21 na pamilya sa Bagumbayan, Taguig City; 138 na pamilya sa Bgy. T. Padilla, Bgy. Duljo-Fatima at Bgy. Sta Cruz sa Cebu City.


Salamat sa DSWD at iba pang ahensiya sa mga programa nilang pangkabuhayan. Malaking tulong ito upang muling maiahon ang ating ekonomiya. Sa pamamagitan ng iba’t ibang programang ito, mabibigyan ang mga nangangailangan ng puhunan, tuturuang magnegosyo, at tutulungang palaguin ito. Mas masarap ang pakiramdam kapag pinaghirapan at pinagpawisan ang pagnenegosyo sa tamang paraan. Dalhin sana ang kanilang kita sa kanilang pamilya at gamitin ito nang tama para makaahon tayo sa paghihirap na pinagdaraanan natin ngayon.


Mahalaga ang kooperasyon at pakikiisa sa panahong ito. Tama na ang siraan at sisihan dahil wala ‘yang lugar sa ating pag-unlad at paggaling mula sa pandemyang ito. Panahon ito ng bayanihan at pagtutulungan!


Sinisiguro nating na ang inyong pamahalaan ay palaging handa para tulungan kayo sa anumang panahon. Hinihiling lang natin ang inyong kooperasyon at suporta para maipatupad nang mas maayos at mas mabilis ang mga hakbang at inisyatibo para sa kabutihan nating lahat.


Suportado rin natin ang unti-unting pagluwag ng ating mga patakaran para sa mga nabakunahan na upang makatulong sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya. Isa na rito ang paglilimita sa paggamit ng face shields upang makahinga ang mga Pilipino at mapagaan ang hirap na kanilang dinadala.


Ang pangunahing proteksiyon naman natin ay ang mask at ang bakuna. Dagdag-proteksiyon ang face shield pero puwede nang hindi gawing mandatory ‘yan kung kung hindi crowded, hindi closed space, at wala namang close contact, o ang tinatawag ng mga eksperto na 3Cs.


Pero kahit luwagan pa ang ating mga polisiya, huwag pa rin tayong maging kampante dahil delikado pa ang panahon. Hikayatin natin ang ating mga kababayan na magpabakuna at sumunod sa mga patakaran upang masigurong walang maiiwan sa ating muling pagbangon bilang mas matatag na bansa!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page