top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | February 13, 2021





Patay ang dalawang bata matapos kumain ng nakalalasong alimango na tinatawag na ‘kuret’ sa Sta. Ana, Cagayan.


Kinain ng magkapatid ang naturang alimango bilang almusal noong Miyerkules kasama ng kanilang ama.


Sa isinagawang imbestigasyon ng Santa Ana Police, napag-alamang ang ama ng mga bata ang nakahuli sa mga alimango sa dagat.


Bandang ala-una nang hapon ay nawalan ng malay ang dalawang bata, 5-anyos at 2-anyos, at kaagad na isinugod ng kanilang ina sa ospital. Alas-11 nang gabi ng araw ding iyon ay binawian ng buhay ang 5-anyos at kinabukasan ay pumanaw naman ang kapatid nito.


Nakaranas din ng panginginig ng katawan ang ama ng mga bata kaya isinugod din ito sa ospital.


Pahayag naman ni Police Maj. Ronald Balod na hepe ng Santa Ana Police, “Ayon sa attending physician, ang immediate cause of death ng dalawang bata ay respiratory failure, ang antecedent cause ay severe hypersensitivity at ang underlying cause ay food poisoning.”


Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kaugnay ng insidente.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | February 10, 2021




Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) matapos magpositibo sa paralytic shellfish poison ang lahat ng uri ng nakolektang shellfish at acetes o alamang sa 19 lugar sa bansa.


Ayon sa BFAR, hindi ligtas kainin ang mga shellfish at alamang sa sumusunod na lugar: Malampaya Sound, Taytay, Palawan Sorsogon Bay, Sorsogon Coastal waters Dauis at Tagbilaran City, Bohol Tambobo Bay, Sianton, Negros Oriental Coastal waters ng Daram Island, Zumarraga, San Pedro, at Cambatutay, Western Samar Coastal waters ng Calubian, Leyte, Carigara Bay, at Cancabato Bay, Tacloban City, Leyte Coastal waters ng Biliran Islands Coastal waters ng Guiuan at Matarimao Bay, Eastern Samar Dumanquillas Bay, Zamboanga del Sur Balite Bay, Mati City, Davao Oriental Lianga bay at Coastal waters ng Hinatuan, Surigao del Sur.


Samantala, ayon sa BFAR ay ligtas namang kainin ang mga isda, pusit, hipon at alimango. Pahayag ng BFAR, “Fish, squids, shrimps, and crabs are safe for human consumption provided that they are fresh and washed thoroughly, and internal organs such as gills and intestines are removed before cooking.”


 
 

ni Lolet Abania | August 29, 2020



Itinaas pa, ang shellfish ban sa siyam na lugar sa bansa dahil sa pagdami ng positibong paralytic shellfish poison o red tide, ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).


Batay sa inilabas na bulletin ng BFAR, kabilang sa nagpositibo sa red tide ang mga shellfish mula sa Puerto Princesa Bay, Palawan; Coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City, Bohol; Tambobo Bay, Siaton at Bais Bay, Negros Oriental; Cancabato Bay Tacloban City, Leyte; Balite Bay, Mati City Davao Oriental; Lianga Bay at Coastal waters ng Hinatuan, Surigao del Sur at Siit Bay, Siaton, Negros Oriental.


Gayundin, ipinagbabawal ang pagbenta, pagbili at pagkain ng anumang uri ng shellfish at alamang sa mga naturang lugar, dahil base sa pinakabagong laboratory test ng BFAR, nagpositibo ang mga ito sa paralytic shellfish poison o red tide na nakuha sa mga naturang lugar.


Gayunman, pagtitiyak ng BFAR sa publiko, na ligtas kainin ang mga isda, alimango, pusit at hipon na mahuhuli basta huhugasan at lilinising mabuti bago ito lutuin.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page