top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 5, 2023



ree

Mga laro ngayong Linggo – MOA

9 a.m. NU vs. UST (W)

11 a.m. UP vs. ADMU (W)

2 p.m. UE vs. FEU (M)

6 p.m. UP vs. DLSU (M)


Nagising sa tamang panahon ang National University upang iligpit ang defending champion Ateneo de Manila University, 65-61 sa pagbabalik ng 86th UAAP Men’s Basketball Tournament sa MOA Arena Sabado. Sinimulan ni rookie Reinhard Jumamoy at tinapos ni Jake Figueroa ang trabaho para sa ika-walong laro ng Bulldogs at lumapit sa twice-to-beat sa Final 4.

Bumuhos si Jumamoy, ang High School MVP ng 85th UAAP ng 21 puntos sa unang tatlong quarter kasama ang walo sa third quarter para sa 52-48 lamang. Saglit naagaw ng Ateneo ang bentahe papasok sa last two minutes, 61-60, ngunit bumira ng tres si Figueroa, 63-61, at hindi na nila pinapuntos ang Blue Eagles sa huling minuto at tinuldukan ni Figueroa ang laro sa dalawang free throw na tatlong segundong nalalabi.

Nag-ambag ng 7 puntos si Figueroa sa 4th quarter upang magtapos na may 18 puntos. Nakabawi ang NU mula sa 78-88 pagkabigo sa De La Salle University noong Oktubre 28.

Sa unang laro, tinulungan ng Adamson University ang sarili at lalong itinulak ang University of Santo Tomas sa maagang bakasyon, 61-53. Lumakas ang kapit ng Soaring Falcons sa pang-apat na puwesto na may kartadang 5-5 habang bumaba sa 1-9 ang Tigers.

Hawak ng Adamson ang 48-40 lamang sa simula ng huling quarter subalit humabol at lumapit ng dalawa ang UST, 50-52. Hindi natinag ang Falcons at pinaalala lang ni Coach Nash Racela na huwag nila ipamigay ang bola na nag-resulta ng siyam na magkasunod na puntos na siyang pinakamalaki nilang lamang, 61-50.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 4, 2023



ree

Pinipilit ni Paolo Banchero ang kanyang katawan laban sa depensa upang ihatid ang nagpapanalong puntos sa 115-113 pagtakas ng bisita Orlando Magic sa Utah Jazz sa NBA kahapon sa Delta Center. Umulit din ang bisita San Antonio Spurs sa Phoenix Suns, 132-121, sa likod ng halimaw na laro ni 7’4” rookie Victor Wembanyama.

Mag-isang itinulak ni Banchero ang Magic sa 112-105 lamang papasok sa last 2 minutes subalit sinagot ito ng dalawang free throw ni kabayan Jordan Clarkson at magkasunod na tres ni Lauri Markkanen upang maagaw ang bentahe na may 20 segundo sa orasan, 113-112. Ibinalik ni Banchero ang lamang na may 14 segundong nalalabi, 114-113, at ipinasa ng sumaksak na si Clarkson ang bola sa walang bantay na Talen Horton-Tucker na nagmintis.

Napilitang bigyan ng foul si Wendell Carter pero napilay ang kanyang kamay kaya ipinatira kay rookie Anthony Black ang free throw na nagtakda ng huling talaan. Ipinasok ni Banchero ang 10 ng kanyang 30 puntos sa huling 6 na minuto upang maging 3-2 ang Magic.

Mula sa 116-116 tabla ay rumatrat ng 10 sa 12 puntos ng Spurs si Wembanyama upang lumayo, 128-116, at inalagaan nila ito sa huling 1:36. Sa kanyang ika-5 laro sa NBA, nagtala ng bagong personal na marka na 38 puntos at 10 rebound si Wembanyama.

Maliban sa talo, nagluluksa ang Phoenix sa pagpanaw kahapon ni alamat Walter Davis sa edad na 69. Si Davis ang may pinakaraming puntos sa kasaysayan ng prangkisa na 15,666 mula 1977 hanggang 1988 at naglaro din siya sa Denver Nuggets at Portland Trail Blazers bago nagretiro noong 1992. Sa ibang laro, nanaig ang Philadelphia 76ers sa Toronto Raptors, 114-99. Sumabay din sa panalo ang New Orleans Pelicans sa Detroit Pistons, 125-116.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 4, 2023



ree

Mga laro ngayong Sabado – MOA

9 a.m. UE vs. AdU (W)

11:00 a.m. FEU vs. DLSU (W)

2:00 p.m. AdU vs. UST (M)

4:00 p.m. NU vs. ADMU (M)


Pipilitin ng Adamson University at defending champion Ateneo de Manila University na umalis sa laylayan at pumasok sa 86th UAAP Final 4 sa pagbabalik ng liga ngayong araw sa MOA Arena. Haharapin ng Soaring Falcons (4-5) ang kulelat na University of Santo Tomas (1-8) sa 2 p.m. at susundan agad ng salpukan ng Blue Eagles (4-5) at pumapangalawang National University (7-2).

Galing ang Adamson sa 63-54 panalo sa Far Eastern University noong nakaraang Linggo bago nagpahinga ang UAAP para sa Undas. Kailangan paghandaan nila ang mga nalalabing laro na wala si Jerom Lastimosa na nagtamo ng malaking pilay sa tuhod kaya panahon para angatin ang laro ng lahat lalo na at walang Falcon ang gumagawa ng mahigit 10 puntos bawat laro.

Matapos putulin ang kanilang 19 na magkasunod na talo buhat pa noong 85th UAAP, lumasap ng dalawang talo ang UST sa De La Salle University (69-100) at host University of the East (73-86). Kahit lumalabo ang pag-asa sa Final 4, tuloy pa rin ang laban ng Tigers sa pangunguna ni Nic Cabanero na numero uno sa puntusan ng UAAP na 19.4 bawat laro.

Para sa Ateneo, tumikim sila ng magkasunod na talo sa FEU (59-62) at University of the Philippines (60-65). Samantala, bubuksan ang araw ng labanan ng mga nasa ilalim ng Women’s Division na Adamson (2-7) at UE (0-9) sa 9:00 ng umaga. Kakalas sa kanilang tabla sa 3-6 ang isa sa FEU at DLSU at makahabol sa Final Four sa 11:00.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page