top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 8, 2023



ree

Wala nang perpektong koponan sa NBA at tinalo ng Minnesota Timberwolves ang Boston Celtics sa overtime, 114-109, kahapon sa Target Center. Dahil dito, naagaw ng World Champion Denver Nuggets ang pinakamataas na kartada sa bisa ng 134-116 tagumpay sa New Orleans Pelicans.

Bumida sa overtime si Anthony Edwards sa anim na magkasunod na puntos para sa matatag na 112-105 lamang at 1:30 sa orasan. Nagtapos si Edwards na may 38 habang may 20 si Jaden McDaniels kasama ang tres na nagtakda ng dagdag 5 minuto, 101-101.

Third quarter pa lang ay triple double si Nikola Jokic at nagtapos na may 35 puntos, 14 rebound at 12 assist. Umakyat ang Nuggets sa 7-1, kalahating laro ang lamang sa 6-1 Dallas Mavericks at isa sa 5-1 Boston at Philadelphia 76ers.

Pinatunayang muli ni Joel Embiid ng 76ers kung bakit siya ang MVP at bumanat ng 48 puntos at 11 rebound sa 30 minuto lang sa 146-128 tambak sa Washington Wizards. Wagi ang Mavs sa Orlando Magic, 117-102 sa 29 ni Luka Doncic.

Naabot ni Coach Rick Carlisle ang ika-900 tagumpay sa kanyang karera sa 152-111 pagbaon ng Indiana Pacers sa San Antonio Spurs sa likod ng 23 puntos ni Tyrese Haliburton. Nagkataon na nagawa niya ito kontra sa may pinakamarami na si Coach Gregg Popovich na may 1,369.

Kahit hindi pumuntos sa huling 3:50 ay nailusot pa ng Miami Heat ang 108-107 tagumpay sa Los Angeles Lakers. May pagkakataon ang Lakers subalit nagmintis si Cam Reddish sabay ubos ng oras. Halimaw si Bam Adebayo na nagtala ng 22 puntos, 20 rebound at 10 assist. Malayo pa kay #14 Coach Carlisle, ito ang ika-707 ni kabayan Coach Erik Spoelstra at tabla na siya kay Coach John McLeod sa #19 sa listahan.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 6, 2023



ree

Mga laro sa Miyerkules – Araneta

11 a.m. ADMU vs. UST

1 p.m. UP vs. UE

4 p.m. NU vs. FEU

6 p.m. DLSU vs. AdU


Pumapalag pa ang host University of the East at piniga nila ang 87-86 overtime panalo sa Far Eastern University Linggo sa 86th UAAP Men’s Basketball Tournament sa MOA Arena. Hindi naubusan ng bayani ang UE at humugot ng matinding laro kay Rey Remogat, Abdul Sawat at Jack Cruz-Dumont.

Hindi basta tumiklop ang FEU at ipinilit ni Xyrus Torres ang overtime sa tres na may 48 segundo sa 4th quarter, 72-72. Iyan ang hudyat para kay Cruz-Dumont na maghatid ng dalawang buslo – ang pangalawa ay nagbalik ng 79-77 bentahe at hindi na nila binitawan ito sa last 2 minutes.

Inilatag ni Remogat ang pundasyon ng kanilang ika-apat na panalo sa 10 laro at 27 puntos na siya sa tatlong quarter lang subalit lamang pa rin ang FEU, 56-54. Ang 4th quarter ay naging pagmamay-ari ni Sawat na nagbagsak ng 11 ng kanyang 20 puntos bago ang tira ni Torres.

Nagtapos si Remogat na may 34 puntos sa 34 minuto. Sumuporta si Cruz-Dumont sa lima ng kanyang siyam sa overtime. Umakyat ang agwat sa 10 sa huling dalawang free throw ni Remogat, 87-77, at 38 segundo pero may huling hirit ang FEU at tumira ng tatlong tres si Jorick Bautista pero kinapos sila ng oras. Inulit ng UE ang 65-58 resulta sa parehong koponan noong Oktubre 7.

Sa aksiyon sa Women’s Division, ipinasok ni Gypsy Canuto ang bola na may isang segundo sa overtime upang hatakin ang defending champion National University kontra University of Santo Tomas, 77-76. Patuloy din ang arangkada ng pumapangalawang University of the Philippines at dinaig ang Ateneo de Manila University, 71-48.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 6, 2023



ree

Nag-iisa sa taas ng NBA ang Boston Celtics matapos talunin ang Brooklyn Nets, 124-114, kahapon sa Barclays Center. Ito na ang ika-lima ng Celtics at naging espesyal ang gabi para kay Jayson Tatum na itinala ang ika-10,000 puntos sa kanyang 7 taong karera.

Inabot ng 25-anyos na si Tatum ang marka sa 3-point play sa 2nd quarter na kanyang ika-16. Humataw ng todo ang Boston sa 2nd half at nagtapos siya na may 32 puntos at 11 rebound. Ang World Champion Denver Nuggets ang unang koponan na umabot ng anim na panalo nang manaig sa Chicago Bulls, 123-101. Kinapos si Nikola Jokic ng isang assist para sa triple double pero may 28 at 16 rebound.

Napigil ng Charlotte Hornets ang huling habol ng Indiana Pacers, 125-124. Sumandal ang Hornets sa siyam ng kabuuang 27 puntos ni sentro Mark Williams sa 4th quarter. Tinambakan ng bisitang Atlanta Hawks ang New Orleans Pelicans, 123-105, upang umakyat sa 4-2. Bumanat ng 22 puntos at namigay ng 12 assist si Trae Young.

Hindi pinalad si kabayan Jordan Clarkson at Utah Jazz at tinambakan ng Minnesota Timberwolves, 123-95. Walang solusyon para kay Anthony Edwards na nagsabog ng 31 puntos. Dalawang panalo na ang Houston Rockets at dinurog ang Sacramento Kings, 107-89. Bumida ng paboritong kontrabida ng 2023 FIBA World Cup Dillon Brooks na nagtala ng 26 puntos.

Nakaganti ang Orlando Magic sa Los Angeles Lakers, 120-101. Anim na Magic ang gumawa ng 10 o higit sa pangunguna ni Franz Wagner na may 26 at Paolo Banchero na may 25. Sa maagang laro, umarangkada ang Philadelphia 76ers sa ika-apat na sunod laban sa Phoenix Suns, 112-106. Double-double si MVP Joel Embiid na 26 at 11 rebound.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page