top of page
Search

ni Angela Fernando - Trainee @News | March 18, 2024



ree

Nagkaroon ng pagkakataon ang aktres at host na si Toni Gonzaga na makapanayam ang basketball player na si LA Tenorio sa YouTube channel na ‘Toni Talks.’


Dito naitanong ni Toni kung paano i-handle ng basketbolista ang kanyang colon cancer journey at kung paano siya nanatiling positibo sa gitna ng pagkakaroon nito.


"Two weeks after, nag-PET scan ulit ako. And it was clear again. Sobra talaga 'yung saya," pagbabahagi ni LA.


Dagdag niya, "Then after nu’n, na-target ko na 'yung comeback game ko, December 3, the same year. Babalik ako, 'yun 'yung goal ko, and then nangyari."


Hindi naman naiwasan ni Toni na itanong kung saan nakuha ng basketball player ang kanyang mindset.


Naging very genuine naman ang sagot ni Tenorio at sinabing ang faith niya ang nagligtas sa kanya.


“My first answer will be, my faith really saved me. Ako, faith in God. Puwedeng faith with your family, faith in yourself, children, or your wife, ‘di ba? Doesn’t matter, just have faith. To be honest, it really changed my perspective in life,” sagot ni LA.


“Pa’no na-change? Ano na 'yung perspective ngayon?” usisa pa ni Toni.


“Now, I appreciate everything. Parang everything is positive for me. Ngayon, everyday I wake up na I’m not expecting anything. I’m just thankful, grateful lang ako na may araw ulit ako to spend time with my family, with my wife.


“I have an opportunity to play basketball again after what happened to me. Parang 'yung ganu’n ako makipag-usap ngayon sa mga kaibigan ko — kung ano'ng nand'yan, ‘wag na kayong maghanap. Maging kuntento tayo. Now, if you can do more or get more, why not? But [at the] end of the day, kung ano 'yung nand'yan, pasalamat na lang tayo,” pagtatapos ni LA.


Hinangaan naman ng madla ang katapangan ng basketbolistang ibahagi ang kanyang kuwento sa maraming tao.

 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 25, 2024



ree

Madaling itinala ng Gilas Pilipinas ang ikalawang sunod na panalo laban sa bisita Chinese-Taipei, 106-53, sa pagpapatuloy ng 2025 FIBA-Asia Cup Qualifiers Grupo B sa siksikang Philsports Arena kagabi. Walang duda na dominado ng mga Pinoy ang laro at umabot pa ng 102-48 ang lamang sa huling tatlong minuto.


Minsan lang nakatikim ng bentahe ang Taiwanese, 3-2, sa three-points ni Liu Cheng. Ibinuhos ng Gilas ang huling 10 puntos ng first quarter upang itakda ang talaan sa 26-13 at hindi nagbanta ang mga bisita.



Photo: Reymundo Nillama



Naging mahalaga ang tambalan nina Justin Brownlee at Kai Sotto at nagsama para sa 18 puntos na mas marami sa buong Taiwan. Ipinagpatuloy ni Sotto ang mahusay na laro sa second quarter at nakahanap ng bagong kasama Carl Tamayo at nagbagsak ng tig-pitong puntos para lalong lumayo sa halftime, 52-27.


Matapos ang mahabang pahinga, bumalik si Brownlee sa third quarter at pangunahan ang atake kasama sina Calvin Oftana at Kevin Quiambao para sa komportableng 82-41 agwat. Mula doon hindi nagpreno ang Gilas at lalong itinatak ang kanilang kalidad. Nagtapos na may 26 puntos at 13 rebound si Brownlee habang 18 puntos at 10 rebound si Sotto.


ree

Hinarap ni Coach Tim Cone at Kai Sotto ang mga mamahayag matapos ang 106-53 panalo ng Gilas Pilipinas sa bisitang Chinese Taipei. (kuha ni A. Servinio)


Apat pang kakampi ang may mahigit 10 na sina Oftana na may 13, Dwight Ramos 12, Tamayo 11 at Quiambao 10. Sa kabilang laro sa Grupo B, giniba ng Aotearoa New Zealand ang bisita Hong Kong, 88-49, sa Eventfinda Stadium sa Auckland. Nagdomina ang 7’0” sentro Tyrell Harrison na may 18 puntos at walong rebound para manatiling malinis din sa dalawang laro.


Susunod para sa Gilas ang mga pagbisita ng HK sa Nobyembre 21 at NZ sa 24. Titiyakin pa ang lugar at oras ng mga ito. Bago niyan ay sasabak ang mga Pinoy sa Paris 2024 Olympics Qualifiers. Haharapin nila ang Georgia sa Hulyo 3 at host Latvia sa 4 bago ang semifinals laban sa Brazil, Cameroon o Montenegro sa 6 at finals sa 7.


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 22, 2023






Binuksan ng Gilas Pilipinas ang bagong kabanata sa gabay ni Coach Tim Cone at inukit ang 94-64 panalo kontra host Hong Kong sa pagsisimula ng 2025 FIBA-Asia Cup Qualifiers sa Tsuen Wan Stadium Miyerkules ng gabi. Humugot ng malaking numero mula kay Justin “Noypi” Brownlee at Kai Sotto sa third quarter upang tuluyang iwanan ang kalaro, 71-46.


Sa fourth quarter ay ipinako ng Gilas ang Hong Kong sa 61 puntos at ipinasok ni Carl Tamayo ang buslo na sinundan ng pito pang puntos mula kay Kevin Quiambao para sa kanilang pinakamalaking agwat, 92-61. Mula doon ay inalagaan nila ito sa nalalabing isang minuto.


Tumalon ang mga Pinoy sa maagang 9-0 bentahe subalit pumalag ang Hong Kong hanggang naagaw saglit ang lamang sa second quarter, 30-29, sa shoot ni dating Bay Area Dragon sa PBA Duncan Reid at tres ni Yeung Sui Hung. Binawi agad ni Quiambao, 31-30, ang lamang at tuluyang itayo ang iskor na 41-37 pagsapit ng halftime.


Namuno sa atake si Brownlee na may 14 sa unang tatlong quarter at nagtapos na may 16 puntos, pitong rebound at pitong assist. Sumunod si Quiambao na humabol sa huling minuto na may 15 puntos habang may 13 at 15 rebound si Sotto at 11 galing kay Jamie Malonzo.


Pumukol ng limang tres si Leung Shiu Wah para 15 puntos. Nag-ambag ng 12 si Reid.


Susunod para sa Gilas ang Chinese-Taipei ngayong Linggo sa Philsports Arena simula 7:00 ng gabi. Galing ang mga Taiwanese sa masakit na 89-69 tambakan sa kamay ng bisita Aotearoa New Zealand sa isa pang laro sa Grupo B.


Bumida sa mga Kiwi ang dalawang naging import ng Converge FiberXers sa PBA na sina Ethan Rusbatch na may 26 at Tom Vodanovich na may 16. May 16 din si Sam Timmins.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page