top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 12, 2024



Sports News

Pasado na ang Team USA sa una nilang pampublikong laro laban sa Canada, 86-72, kahapon sa T-Mobile Arena sa Las Vegas. Ipinagpag ng mga Amerikano ang mabagal na simula para sa unang hakbang patungo sa layunin nilang makamit ang ika-limang sunod na ginto sa Paris Olympics sa katapusan ng buwan. 


Umarangkada ang Canada, 11-1 at inabot ng limang minuto bago naka-shoot ng three-points si Stephen Curry. Lamang pa rin ang Canada matapos ang unang quarter, 21-14, tampok ang pito ni Kelly Olynyk subalit kumilos na ang USA sa sumunod na quarter.  


Bumira ng anim si Anthony Edwards upang buksan ang pangalawang quarter at tuluyang natamasa ng mga Amerikano ang unang lamang, 25-23, sa buslo ni Devin Booker at hindi na nila binitiwan ito. Nagtapos ang halftime sa 41-33 at sa sobrang buwenas ay ipinasok ni Edwards ang tres kasabay ng busina ng third quarter, 69-54. 


Nanguna si Edwards na may 13, 12 si Curry, 11 si Jrue Holiday at double-double si Anthony Davis na 10 at 11 rebound. Gumawa ng 12 si RJ Barrett para sa Canada at sinundan nina Shai Gilgeous-Alexander at Dillon Brooks na may tig-10. 


Samantala, nagpasya si Kawhi Leonard at LA Clippers na mas mabuti na magpahinga na lang siya at tumutok sa paghahanda sa bagong NBA sa Oktubre. Agad inihayag ng USA Basketball na papalitan si Leonard ni Derrick White ng World Champion Boston Celtics. 


Sisikapin na nina White at Jayson Tatum na mapabilang sa maikling listahan ng mga nagwagi sa NBA at Olympics sa parehong taon habang ang kanilang kakampi sa Celtics Holiday ay nais sundan ang doble tagumpay noong 2021 noong siya ay nasa Milwaukee Bucks. Ang iba pang nasa listahan ay sina Michael Jordan (1992), Scottie Pippen (1992, 1996), Kyrie Irving (2016), LeBron James (2012) at Khris Middleton (2021). 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 11, 2024



Sports News

Nagwakas ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa parehong paraan kung paano ito nagsimula, isang 66-82 talo sa host team Chinese-Taipei Blue sa huling laro ng torneo Miyerkules ng gabi sa Xinzhuang Gym ng New Taipei City. Bunga ng resulta, nawala sa mga Pinay ang medalyang tanso at nagtapos na may kartadang 2-3 panalo-talo. 


Buong laro humabol ang Gilas at sumandal ang Taiwan kay Lin Yu Ting na may 15 at Lin Wen Yu na may 10. Sinikap ni Naomi Panganiban na buhatin ang koponan sa kanyang 19 habang sumunod sina Afril Bernardino at Stefanie Berberabe na parehong may 12. 


Samantala, pormal na kinoronahan ang Japan Universiade bilang kampeon ng torneo sa bisa ng pagwalis nila ng lahat ng kanilang mga laro. Huling biktima ng mga Haponesa ang Thailand, 94-63, sa likod ng 21 puntos ni Haru Owaki.

 


Lumikha ng tabla ang Chinese-Taipei White, Pilipinas at Thailand sa 2-3.  Ayon sa kabuuang inilamang nila sa mga laro nila, napunta sa Taiwanese ang tanso (+12) at pang-apat ang mga Pinay (-3) at pang-lima ang mga Thai (-9).

 

Napunta sa Chinese-Taipei Blue (4-1) ang pilak.  Kulelat ang Malaysia na walang tagumpay sa limang laro.

 

Hihintayin na ang torneo ng mga kalalakihan simula Hulyo tampok ang Strong Group Athletics ng Pilipinas. Hahamunin sila ng mga kinatawan Australia, Malaysia, United Arab Emirates, Ukraine, Estados Unidos at dalawa galing Chinese-Taipei.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 10, 2024



Sports News

Laro ngayong Miyerkules – Xinzhuang Gym

7 p.m. Chinese-Taipei Blue vs. Pilipinas 


Ipinamalas muli ng Gilas Pilipinas bakit isa sila sa mga malakas na puwersa sa Timog Silangang Asya at dinurog ang Thailand, 68-58, sa ika-4 na araw ng 2024 William Jones Cup sa Xinzhuang Gym sa New Taipei City. Sapat ang isang malakas na simula upang mapantay ng mga Pinay ang kanilang kartada sa 2-2 panalo-talo. 


Unang quarter pa lang ay hinigpitan agad ng Gilas ang depensa at linimitahan ang mga Thai sa 8 puntos. Kontrolado rin nila ang rebound na nagresulta ng madaling puntos para sa beteranang si Afril Bernardino at ang baguhan Gabby Ramos na may tig-4 para sa 17-8 lamang. 


Nagawang lumapit ang mga Thai sa 5 puntos ni Supavadee Kunchuan, 24-27, subalit isang mas matalas na Gilas ang lumabas para sa second half. Bumomba mula sa labas sina Camille Nolasco at Janine Pontejos at nag-ambag din ng opensa sina Jack Danielle Animam at Stefanie Berberabe upang lumayo, 50-38. 


Balanse ang atake ng Gilas at nanguna si Animam na may 10 puntos at 21 rebound.  Sumunod sina Nolasco at Naomi Panganiban na may 9 habang walo kay Ramos. Nabitin ang 14 puntos sa huling quarter ng kabuuang 18 ni Sasiporn Wongtapha.   Wawakasan ng mga Pinay ang kampanya ngayong araw laban sa isa pang host Chinese-Taipei Blue simula 7 ng gabi, ang pinakahuling laro ng torneo. Binigo ng Chinese-Taipei White ang Gilas noong unang araw noong Sabado, 73-60. 


May pag-asa pa ang Pilipinas na mag-uwi ng medalya ngunit nakasalalay ito sa magiging resulta ng mga nalalabing laro. Kasalukuyang numero uno ang Japan Universiade (3-0) na kailangan na lang manalo sa Malaysia at Thailand upang mawalis ang torneo na taunang parangal sa dating FIBA Secretary-General


 
 
RECOMMENDED
bottom of page