top of page
Search

ni Rey Joble @Sports News | Sep. 24, 2024



Sports Photo

Tatlong krusyal na four-point shots ang pinakawalaan ni DeQuan Jones habang nag-ambag naman ng mga importanteng three-point baskets si Tony Semerad para tuluyang giyahan ang NLEX tungo sa 103-99 overtime na panalo kontra Barangay Ginebra.


Ang beteranong NBA player na si Jones ay tumapos ng 44 puntos, kabilang rito ang 4-of-6 shooting mula sa distansiya ng four-point line. Kinumpleto ni Jones ang trabaho matapos magdagdag ng 10 rebounds at maisagawa ang double-double performance.


Tatawid sa playoffs ang Road Warriors matapos tapusin ang kanilang kampanya sa double-round elimination sa group classification phase. Haharapin ng NLEX ang No.1 team sa Pool A na TNT Tropang Giga. Dating kakampi ni Kiefer Ravena sa Shiga Lakes sa Japan B. League si Jones, pero hindi siya pinahiya ng reinforcement ng Road Warriors.


“It is absolutely a game changer. If you hit one or two of those, the momentum shifts. That can propel you into an offensive stretch,” dagdag pa ni Jones. Dalawang four-point shots ang pinakawalaan ni Jones sa huling dalawang minute ng third period, pero ang kanyang huling four-point shot sa 2:53 mark sa regulation mula sa pick and pop play nila ni Robert Bolick ang nagbigay sa Road Warriors ng 89-84 bentahe.


Sa overtime, dito naman nanalasa si Semerad. Mahirap man ang kanyang trabaho bilang isang stopper ng import at iba pang mga magagaling na players mula sa mga katunggaling koponan, doble kayod naman si Semerad para tulungan ang Road Warriors at laban sa Ginebra, kumonekta ng mga krusyal na three-point shots ang dating San Beda star.


“Naging specialist siya playing the role as import stopper at pati na rin sa kanyang mga three-point shots,” ang sabi ni NLEX coach Jong Uichico. “Nakahanap siya ng niche niya. Bihira yung player who takes pride on what he does best.”

 
 

ni Rey Joble @Sports News | Sep. 23, 2024



Sports Photo

Bigo man na pangunahan ang Meralco matapos ang magandang laro kontra Converge noong mga nakalipas na araw, siniguro naman ni rookie CJ Cansino na hindi masasayang ang isa na namang magandang larong kanyang ipinakita.


Nitong Sabado ng gabi, muling bumida ang dating star player ng University of the Philippines Fighting Maroons para rendahan ang Bolts tungo sa 124-82 panalo kontra Terrafirma sa PBA Governors’ Cup sa Ninoy Aquino Stadium.


Matunog na naman ang pangalan ni Cansino matapos pumagitna at nagparada ng 15 puntos at tulungan ang Bolts na tapusin ang kanilang kampanya sa Pool A ng elimination round na may 7-3 win-loss record.


Kasalukuyang nasa ikalawang puwesto ang Bolts papasok sa quarterfinals kung saan haharapin nila ang ikatlong seed na koponan sa Pool B. Para kay Meralco coach Luigi Trillo ang laro ni Cansino ay isang pagpapakita kung gaano ka-epektinbo sa kanilang Sistema ang batang manlalaro.


“What I like about CJ is, he only had 10 attempts, but he was +24 (efficiency), so he’s proving, he’s attacking and he’s trying to get the feel of Coach Nenad’s (Vucinic) system,” ang sabi ni Trillo.


“He’s always trying to tell him that he has to be a two-way player.” Maganda rin ang ipinakitang lar oni Alvin Pasaol na gumawa ng 21 puntos para pangunahan ang opensiba ng Bolts.


Hindi naging mahirap para kay Cansino ang makapag-adjust level ng laro sa PBA. “Naging patient kasi sila sa akin,” dagdag pa ni Cansino. “Lalung-lalo na sa decision-making. Nakuha ko yung timing bago mag-playoffs. Sana sa playoffs, mas maging consistent ako.”

 
 

ni Rey Joble @Sports News | Sep. 21, 2024



Sports Photo

Hindi na kinailangan ng Magnolia ang tulong ng import na si Shabazz Muhammad sa magaang na pagdispatsa sa NorthPort, 110-94, at mapatibay ang kanilang kampanya sa PBA Governors’ Cup nitong Biyernes ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.


Eksplosibong laro ang ipinamalas ni Aris Dionisio na nagtala ng 30 puntos, kabilang rito ang mainit na shooting mula sa three-point region para pangunahan ang opensiba ng Hotshots. Ang siyam na three-point shots ang pinakamaraming naitala ni Dionisio sa halos apat na taong paglalaro sa liga.


“Every game niri-remind kami ni Coach na magkaroon ng strong start,” ang sabi ni Dionisio. “Lahat kasi ng mga laro namin, slow start kami kaya nahihirapan kaking makacrecover sa dulo,” “Itinanim ko lang sa isip ko na kailangang mag-go hard ako.


Kailangan naming manalo para makapasok. Gusto ko rin magpasalamat sa mga teammates ko. Every time na duna-drive sila, ako yung hinahanap.


Mabuti pumapasok naman yung mga tira.” Double-double game naman ang naiposte ni Zav Lucero na tumapos ng 16 na puntos katuwang ang 12 rebounds habang limang miyembro pa ng Hotshots ang nagtala ng siyam na puntos o higit pa.


May 13 puntos na naiambag si Joseph Eriobu mula sa bangko ng Magnolia at may 12 puntis at siyam na rebounds naman ang beteranong si Calvin Abueva. Si Ian Sangalang ay nagdagdag ng 10 puntos at tig-siyam naman sina Paul Lee at Rome dela Rosa.


Nagdesisyon si Magnolia coach Chito Victolero na hiwag na palaruin si Muhammad dahil wala rin namang reinforcement ang Batang Pier, na tuluyang iniwan ngayong kumperensya ni Venky Jois. Napunit ang sakong ni Jois sa kanilang nakaraang laro, dahilan para maglaro ang Batang Pier ng All-Filipino.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page