top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 28, 2025



Pinagtulungan sa mahigpit na depensa nila Jeremiah Gray at Japeth Aguilar kapwa ng Ginebra San Miguel ang ginawang pag basket ni Alec Stockton ng Converge FiberXers

Photo: Pinagtulungan sa mahigpit na depensa nila Jeremiah Gray at Japeth Aguilar kapwa ng Ginebra San Miguel ang ginawang pag basket ni Alec Stockton ng Converge FiberXers habang nasa kasagsagan ng kanilang tagpo sa PBA 50th Season Philippine Cup Quarterfinals do or die match sa Araneta Coliseum. REYMUNDO NILLAMA



Nagbunga muli ang "Never Say Die" ng Barangay Ginebra at umulit sa Converge FiberXers sa overtime, 99-98, sa 2025-26 PBA Philippine Cup quarterfinals kagabi sa Araneta Coliseum. Bumira ng three-points si Stephen Holt kasabay ng huling busina para sa tiket sa semifinals. Kahit siyam na puntos lang, napiling Best Player si Holt.


Nanguna sa opensa sina RJ Abarrientos na may 20 at tig-13 sina Scottie Thompson at Jayson David. Pinilit ng Ginebra ang dagdag na limang minuto nang ipasok ni Jeremiah Gray ang tatlong free throw, 86-86, buhat sa foul ni Alec Stockton na may tatlong segundo sa pang-apat na quarter.


Sa overtime, humabol ang Gin Kings mula sa 93-97 butas simula sa malayong tres ni Troy Rosario na may 20 segundo sa orasan. Winalis ng Gin Kings ang dalawang laro para burahin ang twice-to-beat bentahe ng FiberXers.


Susunod sa semifinals para sa Ginebra ang naghihintay na defending champion San Miguel Beermen na pinauwi agad ang NLEX Road Warriors, 101-94, noong Araw ng Pasko. Kinalimutan ng Ginebra ang malambot na pagtatapos ng pangalawang quarter kung saan sinayang nila ang 37-29 lamang at inagaw ng Converge ang bentahe, 40-39.


Bumawi ang Gin Kings at bumalik sa 68-60 ang agwat sa mga shoot nina Abarrientos, David at Ralph Cu. Nagtala ng 25 para sa FiberXers si Juan Gomez de Liano. Sumunod si reserba Archie Concepcion na may 18 at Justin Arana na may 15 at 13 rebound.


Sa Enero 4 magsisimula ang hiwalay na seryeng best-of-seven semifinals. Ang kabilang serye ay sa pagitan ng TNT Tropang 5G at ang mananaig sa Rain Or Shine Elasto Painters at Meralco Bolts.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 24, 2025



Jokic - Denver Nuggets

Photo: Nikola Jokic / Denver Nuggets IG



Nagpamalas ng lalim ang World Champion Oklahoma City Thunder sa 119-103 panalo sa Memphis Grizzlies sa NBA kahapon sa Paycom Center. Tinambakan din ng Denver Nuggets ang Utah Jazz, 135-112, upang manatiling malapit sa OKC.


Tinamaan ng pilay o sakit ang maraming manlalaro sa parehong koponan subalit iba pa rin ang kalidad ni MVP Shai Gilgeous-Alexander at nagbagsak ng 31 puntos at 10 rebound habang 24 si Jalen Williams. Ito ang ika-100 sunod na laro ni SGA na may 20 o higit at umakyat ang Thunder sa 26-3.


Tatlong quarter lang kinailangan ang mga bituin at lamang ang Nuggets, 103-83, sa triple-double si Nikola Jokic na 14 at tig-13 rebound at assist. Nanguna sina Jamal Murray na may 27 at Peyton Watson na may 20 at lahat silang tatlo ay umupo na sa huling quarter tungo sa 21-7 at kapantay ang nagpapahingang San Antonio Spurs para pangalawa sa Western Conference.


Pinatibay ng numero uno ng Eastern Conference Detroit Pistons ang kanilang estado sa 110-102 tagumpay sa Portland Trail Blazers na kanilang ika-23 sa 29 laro. Wagi ang Golden State Warriors sa Orlando Magic, 120-97, sa likod ng 26 ni Stephen Curry.

Binura ng Boston Celtics ang 43-61 butas upang manaig sa Indiana Pacers, 103-95. Bumida sina Jaylen Brown na may 31 at Derrick White na may 19.


Patuloy ang pag-ahon ng New Orleans Pelicans mula sa pinakailalim ng West at limang sunod na ang kanilang nang talunin ang Dallas Mavericks, 119-113, sa likod ni Zion Williamson na nagtala ng 24 sa 25 minuto bilang reserba. Nasa ika-13 na ang Pelicans sa 8-22 habang 11-19 ang Mavs.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 1, 2025



Gilas Pilipinas CJ Perez

Photo: Naging mahigpit ang depensa ng Guam team pero hindi nagpasindak ang dugong Pinoy na si CJ Perez ng Philippine Gilas Pilipinas para sa kanilang umaatikabong aksyon para sa FIBA Basketball World Cup 2025 Qualifiers na ginanap sa Ateneo Gym, Katipunan Quezon City. Photo: Reymundo Nillama (FIBA Basketball World Cup 2025 Qualifiers @ Ateneo Gym, Katipunan Quezon City. Gilas Pilipinas VS Guam-Dec 1, 2025)



Winalis ng Gilas Pilipinas ang kanilang serye kontra Guam, 95-71, sa pagtatapos ng unang window ng FIBA World Cup Qatar 2027 Asia-Oceania Qualifiers sa napunong Blue Eagle Gym sa loob ng Ateneo de Manila.


Nanigurado agad ang Gilas at itinatak ang kalidad sa mga palabang bisita. Nagwakas ang unang quarter sa 32-15 salamat sa magandang laro nina Dwight Ramos at Scottie Thompson. Pinatuloy ng mga reserba ang atake at umabot ng 47-20 ang pagitan.


Nanguna muli sa atake sina Justin Brownlee na may 20 at Dwight Ramos may 17. Nag-ambag ng 10 si reserba Chris Newsome. Humugot ng 27 ang Guam kay Jericho Cruz at 23 kay Takumi Simon buhat sa pitong tres. May 10 at 17 rebound si Jonathan Galloway.


Sumosyo ang Gilas sa liderato ng Grupo A kasama ang kapwa perpektong Australia sa 2-0. Umulit ang Boomers sa host Aotearoa New Zealand, 79-77, sa kasabay na laro sa Wellington. Susunod para sa Gilas ang pagbisita ng New Zealand sa Pebrero 26 at Australia sa Marso 1, pareho sa MOA Arena.


Ang mga Pinoy ang dadalaw sa Tall Blacks sa Hulyo 3 at Boomers sa 6.   Bago ang laro pinarangalan si Japeth Aguilar dahil ito na ang kanyang huling laro sa pambansang koponan. Tumanggap siya ng naka-kuwadra niyang uniporme mula Kay SBP Presidente Ricky Vargas at PSC Chairman Patrick Gregorio.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page