top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 21, 2024

 

Kung ang mga anak ay mayroong mga karapatan, ang mga magulang bilang mga tagapagtaguyod ng pamilya ay may mga karapatan din, bukod sa mga responsibilidad na kanilang kinakaharap.


Marapat na malaman ng mga anak na ang kanilang karapatan na magmana mula sa kanilang mga magulang ay nagaganap lamang kapag ang huli ay namatay na.


Kaugnay nito, ang mga magulang ay may karapatang tanggalan ng mana ang kanilang mga anak o iba pa nilang inapo (descendants) habang sila ay nabubuhay pa gamit ang alinman sa mga sumusunod na dahilan:


  1. Kung ang anak ay napatunayang nagtangka sa buhay ng magpapamana, ng asawa nito, kanyang mga anak o inapo (descendants), o mga ninuno (ascendants);

  2. Kung inakusahan ng magmamana ang magpapamana ng isang krimen na pinapatawan ng parusang pagkakakulong ng anim na taon o higit pa, at napatunayan na ang nasabing akusasyon ay walang basehan;

  3. Kung ang magmamana ay napatunayang nagkasala ng pakikipagrelasyon sa asawa ng magpapamana;

  4. Kung ang anak o inapo, sa pamamagitan ng panloloko, pananakot, pagbabanta o pang-iimpluwensya, ay nag-udyok sa magpapamana na gumawa ng huling habilin o testamento, o pinalitan ang dati nang nagawang testamento;

  5. Pag-ayaw nang walang dahilan ng anak o inapo na magbigay ng suporta sa kanyang magulang o magpapamana;

  6. Pang-aapi o pagmamalupit ng anak o inapo sa magpapamana, sa salita man o sa gawa ng nasabing anak o inapo;

  7. Kapag ang anak o inapo ay namumuhay nang kahiya-hiya; at

  8. Kapag ang anak o inapo ay nasentensyahang nagkasala sa isang krimen kung saan ang kaparusahan ay may kasamang pagbabawal sa paggamit ng mga karapatang sibil (civil interdiction).


Ang mga magulang ay may karapatan na disiplinahin ang kanilang mga anak upang bigyan nila ang mga ito ng maayos na disposisyon o pananaw sa buhay. Kasama sa pagganap ng kanilang awtoridad bilang mga magulang ang disiplinahin ang kanilang mga supling.


Para sa isang ama, may karapatan siya na pabulaanan (impugn) ang pagiging lehitimong anak ng isang batang ipinangalan sa kanya ayon sa alinman sa mga sumusunod na kadahilanan:


  1. Na imposible para sa asawang lalaki na makipagniig sa kanyang asawa sa loob ng unang 120 ng 300 na araw bago ang pagsilang ng nasabing bata dahil sa wala siyang kapasidad na makipagniig sa kanyang asawa, magkahiwalay sila at ang pagniniig ay imposible, o isang seryosong sakit ng asawang lalaki na pumipigil sa kanya upang makipagniig sa kanyang asawang babae;

  2.  Na napatunayan na dahil sa bayolohikal o siyentipikong kadahilanan, ang nasabing bata ay hindi maaaring maging anak ng asawang lalaki maliban sa kaso na mayroong artificial insemination; at

  3. Sa mga batang ipinanganak sa pamamagitan ng artificial insemination, ang written authorization ng sinuman sa mga magulang ay nakuha nang dahil sa pagkakamali, panloloko o pananakot.


Ang isang asunto para kuwestiyunin ang pagiging lehitimong anak ng isang bata ay maaaring isampa ng itinuturong ama sa loob ng isang taon mula nang malaman niya ang pagkapanganak ng nasabing bata o maitala ang kapanganakan ng nasabing bata sa civil register, kung ang nasabing asawang lalaki o sinuman sa kanyang mga tagapagmana ay nakatira sa parehas na lugar kung saan naipanganak o nakarehistro ang kapanganakan ng bata. Kung ang asawang lalaki ay nakatira sa ibang lugar sa Pilipinas, ang nasabing aksyon ay maaaring isampa sa loob ng dalawang taon. Tatlong taon naman kung siya ay nakatira sa ibang bansa.


Ang isang ama naman ay may karapatang kilalanin ang kanyang relasyon sa kanyang hindi lehitimong anak sa pamamagitan ng kanyang paglagda sa tala ng kapanganakan ng nasabing anak sa civil register, o sa isang publikong dokumento o sulat-kamay niyang instrumento, sa kondisyon na ang nasabing ama ay may karapatang maghain ng aksyon sa regular na hukuman habang siya ay nabubuhay upang patunayan niya na hindi niya anak ang nasabing bata.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 19, 2024

 

Dear Chief Acosta,


Noong nakaraang gabi, nakiusap ako sa aking bagong kapitbahay na hinaan niya ang tunog ng kanyang musika dahil hindi ako makapag-focus sa aking pag-aaral.


Ngunit sinabihan niya ako na huwag ko siyang utusan.  


Kinabukasan, sinabihan ko siya na dahil sa manipis naming pader ay tumatagos ang kanyang musika kaya hindi ako makapag-aral nang mabuti. Nagalit siya at nagbantang iitakin niya ang aking leeg. Kinabahan ako sa sinabi niya sapagkat hindi ko man siya personal na kilala, nakita ko ang kanyang pisikal na katayuan.


Malaki ang kanyang pangangatawan at hindi malayong kaya niyang gawin ang banta niya sa akin. 


Simula noon, natakot na talaga akong lumabas ng aking unit. Mayroon bang legal na aksyon na maaari kong isampa laban sa aking bagong kapitbahay? - Eric


Dear Eric, 


Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Article 282 ng ating Revised Penal Code, nakasaad na:


“Art. 282. Grave threats. – Any person who shall threaten another with the infliction upon the person, honor or property of the latter or of his family of any wrong amounting to a crime, shall suffer:


1. The penalty next lower in degree than that prescribed by law for the crime he threatened to commit, if the offender shall have made the threat demanding money or imposing any other condition, even though not unlawful, and said offender shall have attained his purpose. If the offender shall not have attained his purpose, the penalty lower by two (2) degrees shall be imposed.


If the threat be made in writing or through a middleman, the penalty shall be imposed in its maximum period.


2. The penalty of arresto mayor and a fine not exceeding One hundred thousand pesos (P100,000), if the threat shall not have been made subject to a condition. (As amended by R.A. No. 10951)”


Sang-ayon sa nabanggit na batas, ang sinumang magbanta sa buhay, dangal, o ari-arian ng ibang tao, o sa kanyang pamilya, ng anumang sakuna na makokonsiderang krimen, ay maaaring mapanagot sa ating batas sa pamamagitan ng pagkakakulong at pagbabayad ng multa.


Sa iyong sitwasyon, ang pagbanta sa iyong buhay ng kapahamakan ng iyong kapitbahay, sa pamamagitan ng pagtaga sa iyong leeg ay makokonsiderang grave threat na may angkop na parusa ito sa ilalim ng Artikulo 282 ng Revised Penal Code.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 16, 2024


Dear Chief Acosta,


Ang asawa ko ay matagal nang nagtatrabaho sa ibang bansa at nitong nakaraang buwan ay naging American citizen na siya. Dahil kasal kami, nawala na rin ba ang aking Philippine citizenship nang ang asawa ko ay naging mamamayan ng ibang bansa? - Gina


Dear Gina, 


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong sitwasyon ay ang Chapter V, Section 19 ng Republic Act No. 9710 o mas kilala sa tawag na The Magna Carta of Women, kung saan nakasaad na:


“SEC. 19. Equal Rights in All Matters Relating to Marriage and Family Relations. – The State shall take all appropriate measures to eliminate discrimination against women in all matters relating to marriage and family relations and shall ensure:


x x x 


(g) women shall have equal rights with men to acquire change, or retain their nationality. The State shall ensure in particular that neither marriage to an alien nor change of nationality by the husband during marriage shall automatically change the nationality of the wife, render her stateless or force upon her the nationality of the husband.  Various statutes of other countries concerning dual citizenship that may be enjoyed equally by women and men shall likewise be considered.” 


Sang-ayon sa nabanggit, malinaw na ang pagpapalit ng nasyonalidad ng asawang lalaki ay hindi dahilan upang kaagad na mabago ang nasyonalidad o mawala ang Philippine citizenship ng kanyang asawang babaeng Pilipino. Ayon sa batas, ang isang babaeng Pilipino ay may karapatan na panatilihin ang kanyang pagka-Filipino, kahit na nagpalit ng nasyonalidad ang kanyang asawa. 


Ibig sabihin, hindi mawawala ang iyong Philippine citizenship nang dahil lamang sa pagpapalit ng nasyonalidad ng iyong asawa. Ikaw ang may karapatang magpasya ukol sa iyong nasyonalidad, at hindi ang iyong asawa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page