top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 25, 2023


Dear Chief Acosta,


Ang aking kapatid na babae ay ikinasal noong taong 2010, at sila ay nagkaroon ng dalawang anak. Makalipas ang anim na taon ay inabandona siya ng kanyang asawa.


Noong taong 2021 ay naaksidente ang aking kapatid, dahilan upang siya ay ma-comatose. Dahil sa nangyari ay sinubukan naming hanapin ang kanyang asawa ngunit kami ay nabigo. Hanggang sa noong nakaraang buwan ay napag-alaman at nakumpirma namin na ang kanyang asawa ay ikinasal muli sa ibang babae noong taong 2018, kahit na siya ay kasal sa aking kapatid. Nais kong malaman kung maaari ba akong magsampa ng kasong bigamy laban sa asawa ng aking kapatid? – Loren

Dear Loren,

Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Act No. 3815 o mas kilala bilang The Revised Penal Code. Nakasaad sa Article 349 ng nasabing batas na:

“Article 349. Bigamy. –

The penalty of prision mayor shall be imposed upon any person who shall contract a second or subsequent marriage before the former marriage has been legally dissolved, or before the absent spouse has been declared presumptively dead by means of a judgment rendered in the proper proceedings.”

Kaugnay nito, isinaad ng Korte Suprema sa kaso ng Fujiki v. Marinay et al. (G.R. No. 196049, 26 June 2013, Retired Honorable Associate Justice Antonio T. Carpio), na:

“Bigamy is a public crime. Thus, anyone can initiate prosecution for bigamy because any citizen has an interest in the prosecution and prevention of crimes.”

Alinsunod sa mga nabanggit sa itaas, ang bigamy ay isang krimen na kung saan ang isang tao ay nagpakasal muli bago pa man mapawalang-bisa ang kanyang naunang kasal, o bago ideklara ng korte na ang kanyang asawa sa unang kasal ay maituturing na “presumptively dead.” Ito ay isang krimen laban sa publiko sapagkat ito ay nakaaapekto sa civil status ng isang mamamayan. Dahil sa nasabing kadahilanan, ang sinuman ay maaaring magsampa ng nasabing kaso laban sa isang taong inaakusahang nagkasala nito. Kaya naman, may karapatan kang magsampa ng kasong bigamy laban sa asawa ng iyong kapatid. Gayunman, marapat lamang na ipunin mo ang mga ebidensya na magpapatunay sa krimeng ginawa ng iyong hipag nang sa gayon ay handa ka sa magiging pagdinig sa isasampa mong kaso.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 24, 2023


Dear Chief Acosta,


Matagal na 'kong gumagamit ng credit card sa pagbabayad ng ilang bilihin. Tinatago ko ang mga resibo ng mga pinamili ko gamit ng aking credit card at nililista ko rin para masigurado na tama ang aking mababayaran sa due date. Dumating ang aking billing statement at nagulat ako na may ibang nakalagay doon na mga gamit na hindi ko naman binili gamit ang aking credit card. May proseso ba akong kailangang gawin upang maisaayos ito? Salamat muli sa inyo. – Ger

Dear Ger,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 18 ng Republic Act (R.A.) No. 10870, o mas kilala bilang "Philippine Credit Card Industry Regulation Law", na nagsasaad na:

“Section 18. Complaint on Billing Error or Discrepancy. - A credit card issuer shall give cardholders up to thirty (30) calendar days from statement date to report any error or discrepancy in their billing statement. The credit card issuer shall take action within ten (10) business days from receipt of such notice.”

Ayon sa nasabing probisyon ng batas, kung sakaling may pagkakamali o pagkakaiba sa isang billing statement ng mga credit card holders, kailangan na ito ay kanilang i-report sa credit card issuer sa loob ng tatlumpung araw magmula sa statement date. Bilang kasagutan dito, ang responsableng credit card issuer ay kailangan aksyunan ang nasabing report sa loob ng 10 araw ng pagkatanggap nito.

Sa iyong nabanggit na sitwasyon, kinakailangan na i-report mo sa iyong credit card issuer ang nasabing pagkakamali sa billing statement. Importante rin na magawa mo ito sa loob ng 30 araw magmula sa iyong statement date. Matapos nito, maaari mong hintayin ang tugon ng iyong credit card issuer ukol sa kanilang gagawing aksyon.


Karagdagan dito, nais din naming ipaalam sa iyo na may karampatang multa o pagkakakulong, o parehong multa at pagkakakulong, na maaaring ipataw sa sino man na mapatutunayan na lumabag sa kahit anong probisyon ng R.A. No. 10870 alinsunod sa Seksyon 27 ng nasabing batas.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Karapatan | July 23, 2023


Sa ating bansa, gaano man ito naging maunlad sa larangan ng teknolohiya, hindi maikakaila na marami pa rin sa ating mga kababayan na pagsasaka ang pangunahing pinagkakakitaan.


Ito ay bunsod na rin sa mayaman ang angking kalupaan ng ating bansa. Subalit hindi rin lingid sa kaalaman ng lahat na marami pa rin sa ating mga kababayan ang walang pag-aaring lupain at sila ay nakikisaka lamang sa mga kababayan nating mas naging maswerte sa buhay at nakapagpundar ng kanilang sariling kalupaan.


Kaya naman, may mga batas tayo na naglalayong magbigay ng proteksyon sa mga kababayan nating nagsasaka sa lupain ng iba. Ito ay upang bigyang halaga ang kasabihan na ang mga taong salat sa kayamanan ay dapat na mabigyan nang mas higit na konsiderasyon ng ating batas.


Kapag ang magsasaka at ang may-ari ng lupa ay may kasunduan na hati sila sa binhi na itatanim, ganundin sa abono na ilalagay bilang pataba sa mga pananim, ang relasyon nila ay hindi bilang landlord at tenant. Bagkus, isang partnership ang nabuo sa pagitan nila.


​Nakasaad sa Articles 1767 at 1771 ng New Civil Code of the Philippines ang mga sumusunod:


“Article 1767: By the contract of partnership two or more persons bind themselves to contribute money, property, or industry to a common fund, with the intention of dividing the profits among themselves.


“Article 1771: A partnership may be constituted in any form, except where immovable property or real rights are contributed thereto, in which case a public instrument shall be necessary.”


​Mula sa probisyon ng nabanggit na batas ay makikita natin na ang nabuong relasyon ay isang partnership. Ang kontribusyon ng bawat isa sa nasabing partnership ay lupa at kalahati ng binhi at abono o pataba na mula sa may-ari, at ang natitirang kalahati ng binhi at abono at serbisyo o pagtatrabaho mula sa magsasaka. Anumang kikitain sa pagtatanim ay paghahatian nilang dalawa nang patas.


​Bagama’t ang isang partnership ay dapat na nakalagay sa isang nakasulat na kontrata kapag mayroong lupang nakasama sa kontribusyon, ang naging kasunduan ng magsasaka at may-ari ng lupa o sakahan ay mayroon pa ring epekto sa pagitan nilang dalawa at marapat lamang na maisakatuparan ang napagkasunduan nang mayroong maayos na kalooban. Subalit, dapat na mapanatili na iyon lamang mga napagkasunduan ng parehong panig ang mangyari. Kung mayroon pang ginawa ang magsasaka na taliwas sa napagkasunduan katulad ng pagpapatayo ng istraktura na hindi nalalaman ng may-ari ng lupa, maaari itong ipatanggal sa nasabing magsasaka sa sarili niyang gastos, sapagkat ang sinuman na magtayo ng isang istraktura sa lupa ng ibang tao na walang pahintulot ay tinataguriang isang “builder in bad faith” alinsunod sa Article 449 ng New Civil Code kung saan nakasaad na:


“He who builds, plants or sows in bad faith on the land of another, loses what is built, planted or sown without right to indemnity.”


​Kung mayroon namang nakitang paglabag sa kasunduan ay maaaring wakasan ang naging kasunduan bilang “partners” dahil sa mga paglabag sa mga napagkasunduan.


Kinakailangan lamang na ang lehitimong hati sa ani ng lupang sinaka ay maibigay sa bawat isa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page