top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 14, 2023


Dear Chief Acosta,


Ibinigay ko na sa aking apo ang aking bahay sa isang subdivision sa aming probinsya.


Isinalin niya na nga ito sa kanyang pangalan at kanya na ring tinitirhan. Subalit, hanggang ngayon ay pinadadalhan pa rin ako ng mga opisyal ng homeowner’s association ng mga imbitasyon para sa kanilang mga pagpupulong. Sinasabi nila sa akin na kahit na na-donate ko na sa aking apo ang aking bahay ay kabilang pa rin ako sa nasabing asosasyon. Tama ba sila? - Aiko


Dear Aiko,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Sections 6 (a) at 12, Rule III, The 2021 Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 9904 o mas kilala sa tawag na “The Magna Carta for Homeowners and Homeowners Associations” kung saan nakasaad na:


“Section 6. Termination of Homeownership. Homeownership ends by:

a.Terminating ownership of the property through conveyance by sale, assignment or donation; or


b.By any other legal transfer of ownership which shall authorize the association to deny homeowner rights to the transferor under this Section.


c.In CMP, LTAP, and other similar programs, by the substitution of a beneficiary, and/or expulsion from membership, after due notice and hearing.


Section 12. Termination of Membership. Membership in the association is terminated once the member ceases to be a homeowner. Termination of membership shall extinguish all rights of a member under Republic Act No. 9904 and under this Rules.”

Samakatuwid, malinaw sa batas na ang homeownership ay natatapos sa oras na ang may-ari ng bahay ay ipinagbili, ina-assign o ibinigay ang kanyang ari-arian (property) sa ibang tao. Ibig sabihin, ang membership sa isang homeowner’s association ay natatapos sa oras na ang isang miyembro ay hindi na isang homeowner.


Kaya naman, ang iyong homeownership sa iyong bahay ay natapos na nang ibigay mo ang nasabing bahay sa iyong apo at kanyang pinanindigan na ang pag-aari nito. Dahil hindi ka na isang homeowner, natapos na rin ang iyong pagiging miyembro sa inyong homeowner’s association.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 13, 2023


Sang-ayon sa Republic Act (R.A.) No. 7600 na inamyendahan ng R.A. No. 10028, ang breastfeeding o pagpapasuso ay may mga naiibang pakinabang na nagbibigay ng benepisyo sa mga sanggol at sa kanilang ina, maging ng ospital at ng estadong kumikilala sa breastfeeding. Kaya naman, ang estado ay nagbigay ng insentibo sa mga ospital na nagbibigay ng rooming-in at breastfeeding practices.


Ang breastfeeding o pagpapasuso ay isang uri ng first preventive health measure na maibibigay sa isang bagong silang na sanggol. Pinaglalapit din nito ang relasyon ng ina at ng kanyang anak. Bukod sa masustansya ang gatas ng isang ina, makatitipid din ang pamilya dahil mababawasan ang pagbili ng infant formula para sa sanggol.


Isa rin sa mga polisiya ng estado ay bigyan ang mga kababaihan ng ligtas at nakapagpapalusog na kondisyon ng pagtatrabaho sang-ayon sa kanilang pagiging ina.


Ito ay ayon sa Section 2 ng R.A. No. 10028 kung saan isinasaad na:


“The State shall likewise protect working women by providing safe and healthful working conditions, taking into account their maternal functions, and such facilities and opportunities that will enhance their welfare and enable them to realize their full potential in the service of the nation. This is consistent with international treaties and conventions to which the Philippines is a signatory such as the Convention on the Elimination of Discrimination Against Women (CEDAW), which emphasizes provision of necessary supporting social services to enable parents to combine family obligations with work responsibilities; the Beijing Platform for Action and Strategic Objective, which promotes harmonization of work and family responsibilities for women and men; and the Convention on the Rights of the Child, which recognizes a child's inherent right to life and the State's obligations to ensure the child's survival and development.”


Kaya naman, ang mga tanggapan o opisina, pribado man o publiko, ay kinakailangang maglagay ng mga lactation rooms para sa mga nagpapasusong mga empleyado maliban lamang kung ang tanggapan o opisina ay hindi kaaya-aya para sa paglalagay ng lactation rooms.


Bilang pagkilala ng estado sa kahalagahan ng breastfeeding, ang mga nagpapasusong nanay ay may karapatang mabigyan ng break o pahinga para magpasuso o ipunin ang kanilang gatas sa isang lactation room na itinalaga sa kanilang pinapasukan sang-ayon sa Section 7 ng R.A. No. 7600, as amended, kung saan nakasaad na:


“Sec. 12. Lactation Periods. - Nursing employees shall be granted break intervals in addition to the regular time-off for meals to breastfeed or express milk. These intervals, which shall include the time it takes an employee to get to and from the workplace lactation station, shall be counted as compensable hours worked. The Department of Labor and Employment (DOLE) may adjust the same: Provided, that such intervals shall not be less than a total of forty (40) minutes for every eight (8)-hour working period.”


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 12, 2023


Dear Chief Acosta,


Ang aking mga magulang ay kasal, at ako ay kanilang nag-iisang anak. Subalit, ang aking ina ay nagkaroon ng anak sa pagkadalaga bago pa man siya ikasal sa aking ama. Noong nakaraang buwan ay pumanaw ang aking ina, samantalang ang aking kapatid sa ina, na may asawa’t dalawang anak, ay tatlong taon nang patay. Gusto kong malaman kung may karapatan ba ang asawa at anak ng aking kapatid sa mana na naiwan ng aming yumaong ina? - Chris


Dear Chris,


Ang batas na nasasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 386 o mas kilala bilang New Civil Code of the Philippines. Nakasaad sa Sections 895 at 972 nito na:


“Article 895. The legitime of each of the acknowledged natural children and each of the natural children by legal fiction shall consist of one-half of the legitime of each of the legitimate children or descendants.


Article 972. The right of representation takes place in the direct descending line, but never in the ascending.


In the collateral line, it takes place only in favor of the children of brothers or sisters, whether they be of the full or half blood. […]”


Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang iyong kapatid na isang illegitimate child ay may karapatan sa katumbas ng kalahati ng iyong makukuhang mana mula sa inyong yumaong ina. Sa kadahilanang siya ay naunang pumanaw kaysa sa inyong ina, ang kanyang mamanahin ay maililipat sa kanyang dalawang anak sa pamamagitan ng “right of representation.”


Samantala, ang kanyang asawa naman ay walang karapatan sa nasabing mana sapagkat ang nabanggit na right of representation na itinakda ng batas, ay para lamang sa mga kamag-anak na kabilang sa direct descending line, tulad ng anak.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page