top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 7, 2023


Dear Chief Acosta,


Kami ng aking live-in partner ay may isang anak na babae na sampung taong gulang na. Hanggang ngayon ay hindi pa rin kami ikinakasal ng aking live-in partner. Gusto sana naming matigil na ang pang-aasar ng mga kalaro ng aming anak na nagsasabing siya ay illegitimate child sapagkat siya ay isinilang mula sa hindi kasal na mga magulang. May paraan kaya para maayos namin ito? - Marites


Dear Marites,


Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Articles 177, 178, 179, at 180 ng ating Family Code of the Philippines:


“Art. 177. Children conceived and born outside of wedlock of parents who, at the time of conception of the former, were not disqualified by any impediment to marry each other, or were so disqualified only because either or both of them were below eighteen (18) years of age, may be legitimated.


Art. 178. Legitimation shall take place by a subsequent valid marriage between parents. The annulment of a voidable marriage shall not affect the legitimation.

Art. 179. Legitimated children shall enjoy the same rights as legitimate children.

Art. 180. The effects of legitimation shall retroact to the time of the child’s birth.”


Sang-ayon sa nabanggit, ang mga batang nabuo at ipinanganak mula sa hindi ikinasal na mga magulang, kung saan ang mga magulang na ito ay walang impediment na magpakasal sa isa’t isa, o kung ang dahilan kung bakit hindi sila kaagad ikinasal ay dahil sila ay mga menor-de-edad pa lamang, ay maaaring maging legitimated.


Ang legitimation na tinatawag sa ating batas ay mangyayari sa oras na magpakasal ang mga magulang ng bata, at ang epekto ng legitimation ay babalik mula sa oras na ipinanganak ang bata kung saan magkakaroon din siya ng mga karapatan bilang isang legitimate child.


Sa inyong sitwasyon, maaari kayong magpakasal ng iyong live-in partner kung kayo ay walang impediment para pakasalan ang isa’t isa, upang magkaroon ang inyong anak ng mga karapatan ng isang legitimate child.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 24, 2023


Dear Chief Acosta,


Shuttle service ang matagal ko nang sinasakyan papasok sa eskwelahan at pauwi sa aming bahay. Ngayon ay tumataas na ang mga gastusin at nais ko sanang makatipid maski sa pamasahe papasok sa aming eskwelahan. May diskwento ba ako bilang isang estudyante sa aking binabayaran sa aming shuttle service? Maraming salamat. - Sip


Dear Sip,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 4 ng Republic Act No. 11314 na kilala bilang “Student Fare Discount Act.” Nakasaad dito na:


“Section 4. Coverage. -This Act shall cover all public transportation utilities such as, but not limited to, public utility buses (PUBs), public utility jeepneys (PUJs), taxis and other similar vehicles-for-hire, tricycles, passenger trains, aircrafts and marine vessels. The application of this Act does not cover school service, shuttle service, tourist service, and any similar service covered by contract or charter agreement and with valid franchise or permit from the Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).”


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, may mga uri o klase ng sasakyan na pang-transportasyon na hindi sakop ng batas na nagbibigay ng diskwento sa pamasahe ng mga estudyante. Ang ilan dito ay ang mga school service, shuttle service, tourist service at iba pang may katulad na serbisyo kung saan ito ay sakop ng isang kontrata o charter agreement at may prangkisa o permit mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Para sa nasabi mong sitwasyon, hindi sakop ang serbisyo ng school service sa mga inaatasan sa Republic Act No. 11314 na magbigay diskwento sa pamasahe ng mga estudyante na tulad mo.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 20, 2023


Sa ating kasalukuyang panahon, napakamahal na ng mga bilihin at kaunti na lang ang mabibili ng P1,000.00 kung ikukumpara ito sa mga nakalipas na panahon. Kaya naman dapat nating malaman kung ano ang ating mga karapatan bilang mga mamimili at consumer.


Isa sa mga polisiya ng ating gobyerno ay ang mabigyan ng proteksyon ang ating mga mamimili. Kaugnay po nito ay isinulong at isinabatas ang Republic Act No. (R.A.) 7394 o mas kilala sa titulong “The Philippine Consumer Act of the Philippines.”


Layunin ng R.A. 7394 na mabigyan ng gabay ang mga mangangalakal at ang mga mamimili upang maisakatuparan ang mga sumusunod na adhikain:


a. Mabigyan ng proteksyon ang mga mamimili laban sa panganib ng sakit;

b. Isulong ang kaligtasan ng bawat mamimili sa mga produktong makapagdudulot ng banta sa kalusugan at kaligtasan ng bawat isa;

c. Mabigyan ng impormasyon at edukasyon ang mga mamimili para maipaglaban nila ang kanilang mga karapatan;

d. Bigyan ang mga mamimili ng kinatawan sa pagsasagawa ng mga polisiya patungkol sa kapakanan ng mga mamimili.


Ang mamimili ay isang tao na bumili, bumibili, bibili o tatanggap ng mga produkto para sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan. Ang mga produktong ito ay mga pangunahing pangangailangang personal, pampamilya, o pambahay. Halimbawa ng mga ito ay pagkain, gamot, o cosmetics.


Karapatan ng bawat mamimili na ang produktong kanyang binibili ay may tamang specifications at presyo para malaman niya kung bibilhin niya ito o hindi. Ang presyo na nakalagay sa produkto ay siyang dapat na halaga nito. Bukod sa karapatang malaman ang tamang presyo at kalidad ng isang produkto, kailangan din na maprotektahan ang mga mamimili laban sa mga pandaraya ukol sa totoong kalidad nito.


Karaniwan sa mga pangangailangan ng bawat pamilya ay ang gamot at pagkain. Kapag mayroong problema sa mga produktong ito ay maaaring lumapit ang mga mamimili sa Bureau of Food and Drugs (BFAD), Department of Health (DOH) o kaya sa Department of Trade and Industry (DTI) para maiparating ang reklamo.


Kapag ang isang mamimili ay bumili ng isang produkto maliban sa pagkain, gamot, o cosmetics nang dahil sa maling anunsyo sa mga radyo, telebisyon o print media, o dahil sa maling garantiya, siya ay may karapatang ibalik ang produkto at hinging mapalitan ito ng parehong produkto na umaayon sa specifications nito at alinsunod sa mga sukatan na isinasaad ng batas. Kung wala namang produktong kagaya nito ay maaari ring hilingin ng mamimili mula sa nagbenta ng produkto na ibalik nito ang kanyang ibinayad.


Sa mga depektibong produkto, maaaring maitama ang mga ito sa loob ng 30 araw. Ang 30 araw na ito ay maaaring babaan o dagdagan subalit hindi ito dapat mas mababa sa 7 araw o mas matagal sa 180 araw. Kapag ang nasabing depekto ay hindi na maitama, maaaring humingi ang mamimili ng parehong produkto na walang depekto. Maaari ring bawiin na lamang niya ang kanyang naibayad o humingi ng kaukulang bawas sa presyong naibayad na. (Article 100, R.A. 7394).


Para sa mga produktong may warranties, kinakailangan lamang iprisinta ng isang mamimili sa taong pinagbilhan niya ang warranty card o ang orihinal na resibo, kasama ang produktong ibabalik o ipagagawa. Sa mga pagkakataon naman na mayroon talagang express warranty sa kalidad ng isang produkto, ang mamimili ay may 2 remedyong maaaring gawin. Ito ay kung ipaaayos niya ang produkto o ibabalik na lamang ang kanyang ibinayad.


Anumang paglabag sa mga probisyon na nakasaad sa R.A. 7394 ay maaaring maging dahilan upang ang isang mamamili, sa loob ng 2 taon, ay magsampa ng reklamo para humingi ng danyos. Ang kawalan ng kaalaman ng isang supplier (tagatustos) sa mga kakulangan sa kalidad ng mga produkto na ibinebenta nito ay hindi niya magagamit bilang depensa para siya mawalan ng responsibilidad na bayaran ng danyos ang mga mamimili sa anumang kapinsalaang natamo ng mga ito (Article 104, Id).


Para sa mga manufacturers (tagagawa) at processors ng pagkain, inumin at ng ibang katulad nito, kahit sa kawalan ng kontrata sa kanilang pagitan, ay maaaring managot para sa anumang panganib na mararanasan ng mamimili, dahilan sa pagbili at paggamit ng kanilang produkto. Ito ay alinsunod sa probisyon ng Artikulo 2187 ng Civil Code kung saan nakasaad na:


“Art. 2187. Manufacturers and processors of foodstuffs, drinks, toilet articles and similar goods shall be liable for death or injuries caused by any noxious or harmful substances used, although no contractual relation exists between them and the consumers.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page