top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 3, 2023


Katatapos lamang ng eleksyon sa ating mga barangay. Ito ay isang importanteng halalan sapagkat ang barangay ang itinuturing ng batas na pinakamaliit na unit ng pamayanan.


Ang kaayusan at kaguluhan ng isang barangay ay mayroong epekto sa pamahalaang lokal at sa buong pamayanan. Kaya naman, marapat lamang na bigyan ng halaga ng lahat ng mga mamamayan ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).


Gayundin, ang mga nanalo sa nasabing eleksyon ay dapat malaman ang kanilang mga obligasyon bilang mga hinalal na mamahala sa kani-kanilang barangay.


Sa pagkakataong ito ay marapat lamang na ating sariwaing muli at pagnilayan ang usapin ukol sa mga karapatan, at lalo na sa mga obligasyon ng mga nahalal na mga Kagawad o miyembro ng Sangguniang Barangay.


Ang Sangguniang Barangay bilang local legislative body ng barangay ay may karapatan at obligasyon katulad ng mga sumusunod:

1. Magsagawa ng ordinansa (ordinance) na kinakailangan upang maipatupad ang mga responsibilidad na iniatas ng batas, at upang isulong ang kapakanan ng lahat ng mga mamamayan sa loob ng barangay;


2. Magsagawa ng mga ordinansang patungkol sa pagbubuwis sang-ayon sa limitasyon na nakapaloob sa probisyon ng Local Government Code;

3. Magsagawa ng taunan at supplemental na badyet sang-ayon sa probisyon ng Local Government Code;


4. Maglaan ng pondo para sa pagpapagawa at pagpapanatili ng mga pasilidad ng barangay at iba pang publikong proyekto na kukunin mula sa general funds ng barangay;

5. Magsumite sa Sangguniang Panlungsod o Sangguniang Bayan ng suhestiyon o rekomendasyon para sa ikabubuti at ikauunlad ng barangay na kanilang nasasakupan at para sa kapakanan ng mga taong nasasakupan nila;


6. Tumulong at gumabay sa pagtatag ng mga establisimyento at organisasyon, at pagpapalakas ng mga kooperatiba sa barangay na maaaring magpaganda sa kondisyong pang-ekonomiya ng mga mamamayan sa barangay;

7. Bigyan ng regulasyon ang paggamit ng mga multi-purpose halls, pavements, grain/copra dryers at ng iba pang post-harvest facilities, barangay waterworks, barangay markets, parking areas, at iba pang pasilidad na naisagawa gamit ang kaban ng gobyerno sa loob ng hurisdiksyon ng barangay at magpabayad ng halaga para sa pagpapagamit ng mga ito;


8. Maglikom o tumanggap ng pera, materyales, o boluntaryong trabaho para sa isang gawaing pampubliko o pang-kooperatiba mula sa mga residente, nagmamay-ari ng lupa, producers, at mangangalakal sa nasabing barangay; pera mula sa mga grants-in-aid subsidies at kontribusyon o mula sa national, provincial, city o municipal funds; at iba pang pera mula sa mga pribadong ahensya at indibidwal. Kinakailangan lamang na ang mga pera o ari-arian na ipinamahagi o donasyon mula sa mga pribadong ahensya at indibidwal para sa mga ispesipikong layunin ay mailagay sa trust fund ng barangay;

9. Magbigay ng kompensasyon at resonableng allowance o per diem, at gastusin para sa pagbiyahe ng mga miyembro ng sangguniang barangay at iba pang opisyales ng barangay sang-ayon sa limitasyon ng badyet na itinalaga sa Title V, Book II ng Local Government Code. Subalit walang pagtaas ng allowance, kompensasyon o honoraria para sa mga Sangguniang Bayan members ang magiging epektibo hanggang sa matapos ang buong termino ng lahat ng mga sangguniang barangay members na nag-apruba ng nasabing pagtaas;


10. Magsagawa ng mga remedy upang maiwasan at makontrol ang pagdami ng mga squatters at mahihirap sa barangay;


11. May karapatan ang mga Sangguniang Barangay members na tumanggap ng honoraria, allowance at iba pang emoluments na pinapayagan ng batas o ordinansa ng barangay batay sa probisyon ng Local Government Code. Ang mga nabanggit na benepisyo ay hindi dapat bababa sa P600.00 para sa bawat miyembro ng Sangguniang Barangay;


12. Ang bawat miyembro ng Sangguniang Barangay ay may karapatan din na makatanggap ng Christmas bonus na humigit-kumulang sa P1,000.00;


Bukod sa kompensasyon o allowance, may karapatan din ang bawat miyembro ng Sangguniang Barangay na magkaroon ng libreng medical care kabilang ang gamot at pagpapagamot sa mga pampublikong ospital. Sakop ng nasabing hospital care ang operasyon at gastusin sa pagpapaopera, gamot, x-rays, laboratory fees at ng iba pang gastusing pang-ospital. Sa mga pagkakataon ng matinding pangangailangan sa madaliang pagkilos at walang pampublikong ospital o institusyon, ang barangay official ay maaaring magpunta sa pinakamalapit na pribadong klinika, ospital o institusyon at ang mga gugugulin sa nasabing klinika o ospital na hindi hihigit sa P5,000.00 ay maaaring kunin sa pondo ng barangay kung saan ang nasabing opisyal ng barangay ay naglilingkod;


12. Karapatang makatanggap ng libreng matrikula para sa kanilang mga lehitimong anak na nag-aaral sa mga state universities o colleges na nasa probinsya o siyudad kung nasaan ang barangay sa panahon ng panunungkulan ng mga nabanggit na barangay official.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 2, 2023


Dear Chief Acosta,


Nagkaroon ako ng relasyon sa isang pamilyadong lalaki na nakakaluwag sa buhay.


Nagbunga ang aming pagsasama ng isang anak at ngayon siya ay 3 taong gulang na.


Napagdesisyunan ng aking kinakasama na makipaghiwalay sa amin upang bumalik sa kanyang pamilya at ayusin ang mga naging pagkukulang niya rito. Kapalit nito ay binigyan niya ang aming anak ng P100,000.00, ngunit sa kondisyon na hindi na namin siya maaari pang habulin o hingan ng sustento. Pinapapirma rin niya kami ng isang kasulatan o waiver ukol dito. Tama ba na itigil na niya ang pagsustento sa aming anak sa mga susunod pang taon? - Marisa


Dear Marisa,


Para sa inyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan. Ayon sa Article 6 ng New Civil Code of the Philippines:


“Art. 6. Rights may be waived, unless the waiver is contrary to law, public order, public policy, morals, or good customs, or prejudicial to a third person with a right recognized by law.”


Kaakibat ng probisyong ito, nakasaad sa Article 2035 ng parehong batas ang mga bagay na hindi maaaring ikompromiso:


“Art. 2035. No compromise upon the following questions shall be valid:


(1) The civil status of persons;

(2) The validity of a marriage or a legal separation;

(3) Any ground for legal separation;

(4) Future support;

(5) The jurisdiction of courts;

(6) Future legitime.”


Sang-ayon sa mga nabanggit na probisyon ng batas, maaaring tanggalin ang karapatan ng taong nagmamay-ari nito, maliban na lamang kung ang pagtanggal ng sariling karapatan ay hindi akma o taliwas sa batas, o magdudulot ng kapahamakan sa ibang tao na may karapatang kinikilala sa ilalim ng batas.


Sa inyong sitwasyon, ang pag-waive o pagtigil sa paghingi ng sustento ng iyong anak sa kanyang ama ayon sa inyong kasunduan ay makokonsiderang invalid o walang bisa, sapagkat isa ang future support sa mga bagay na hindi puwedeng ikompromiso o igawa ng kasunduan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 1, 2023


Dear Chief Acosta,


Ang aking anak ay nakasuhan ng Concubinage at nahatulan ng guilty base sa tibay ng mga salaysay ng mga kakampi ng kanyang dating asawa. Ito ay kinatigan din ng Regional Trial Court (RTC) at nang kami ay umapela na patungo sa Court of Appeals ay na-dismiss ang aming apela sapagkat maraming mga teknikalidad ang hindi namin nasunod ayon sa korte. Ang ilan sa mga teknikalidad ay aming naipaliwanag at ang kakulangan naman sa docket fee ay aming binayaran. Bagama’t ito ay aming nagawa, na-dismiss pa rin ang aming kaso. Hindi ba dapat ay dinggin pa rin ng korte ang merito ng aming apela sapagkat ang nakasalalay dito ay ang buhay at kalayaan ng aking anak? Siya ay nahatulang makulong. Maaari bang isantabi na lamang ang aming apela base sa mga teknikalidad? - Carlota


Dear Carlota,


Ang iyong katanungan ay sinagot ng Korte Suprema sa kasong Rosbelito Banais vs. People of the Philippines, G.R. No. 236960, 22 February 2023. Sang-ayon sa Korte Suprema, ang mga alituntuning teknikal ay hindi dapat maglagay sa hustisya sa isang “straightjacket”:


“Procedural Rules must be faithfully followed and dutifully enforced. Still, their application should not amount to “plac[ing] the administration of justice in a straightjacket.” An inordinate fixation on technicalities cannot defeat the need for a full, just, and equitable litigation of claims.


Sang-ayon din sa Korte Suprema, isa sa justifications para sa relaxation ng mga alituntuning teknikal ay kung nakasalalay rito ang buhay, kalayaan, o pag-aari ng akusado. Ayon sa Korte Suprema:


“To guide the bench, the bar, and the public, the Court enumerated certain factors that would justify the relaxation of strict adherence to procedural rules, such as: (a) matters of life, liberty, honor or property; (b) the existence of special or compelling circumstances; (c) the merits of the case; (d) a cause not entirely attributable to the fault or negligence of the party favored by the suspension of the rules; (e) a lack of any showing that the review sought is merely frivolous and dilatory; and (f) the other party will not be unjustly prejudiced thereby.


In this case, the Court of Appeals dismissed the petition outright as it observed that the docket fees paid were short by PHP 530.00, the Office of the Solicitor general was not furnished with a copy of the petition, the People of the Philippines was not impleaded as a respondent, and the Verification/Certification was not signed by Marcelina.”


Kaya sang-ayon sa Korte Suprema, sa kabila ng maraming mga pagkakamali sa teknikal na alituntunin, mayroon pa ring dahilan upang i-relax ang mga teknikal na alituntunin:


“Notwithstanding the multiple procedural errors attendant in this case, this Court finds that compelling circumstances exist to justify the relaxation of the rules so that the case can be decided on the merits.


First, petitioner’s life and liberty are at stake as this is a criminal case. To recall, petitioner was sentenced to suffer an indeterminate penalty of imprisonment ranging from six months to four years. The Court of Appeals refused to review the merits to determine the petitioner’s guilt as the petition was dismissed on the basis of mere technicalities.”


Dahil dito, maaaring ilaban na ang iyong apela ay dapat pa ring dinggin ng korte at hindi dapat i-dismiss ng agaran dahil lamang sa hindi pagsunod sa ilang mga alituntunin.


Marapat lamang na ikonsidera ng korte ang pag-relax ng mga teknikal na alituntunin upang bigyang daan na marinig ang iyong kaso sang-ayon sa merito nito.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page