top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | January 19, 2022



Mangiyak-ngiyak ang 80-anyos na si Lolo Narding Floro matapos ikulong at sampahan ng kaso dahil umano sa pagnanakaw ng mangga.


Ayon sa Asingan Public Information Office, hinuli si lolo Narding noong January 13, 2022 sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng 7th Municipal Circuit Trial Courts (MCTC) ng Asingan-San Manuel noong Disyembre 20, 2021.



“Pinapitas ko ‘yung isang puno ng mangga wala pang sampung kilo, ang alam ko sakop namin. Noong binakuran nila, sinakop naman na nila pero tanim ko naman yun…” paliwanag ni lolo Narding.


Ayon pa kay Lolo Narding, sinubukan niyang makipag-usap at inalok pang babayaran ang mga mangga pero sinabihan daw siyang bayaran ang P6,000 na piyansa.


“Ang gusto ko sana makipagsundo, maliit lang naman kasi na bagay, noong ibibigay ko yung bayad ayaw nilang tanggapin, ang sabi nila bayaran ko ng anim na libo,” dagdag pa niya.


Samantala, nag-ambagan naman ang mga pulis sa Asingan para mabuo ang P6,000 halaga na pang-piyansa ni Lolo Narding.


Pero dahil Alert Level 3, hindi pa raw mapirmahan ang kanyang release paper. Sa ngayon, ang Asingan Police ang nangangalaga sa kanya.

 
 

ni Twincle Esquierdo | November 18, 2020



Patay ang 89-anyos na babae sa Asingan, Pangasinan na ang pinaghihinalaang pumatay ay ang panganay nitong anak na si Fernando. Kinilala ang biktima na si Francisca Marquez ng Bgy. Bantog.


Nadala pa sa ospital ang nasabing biktima ngunit binawian din ng buhay kinalaunan.


Ayon kay Police Lieutenant Rey Floro Taunquin, Deputy Chief ng Asingan Police Station, sinuntok at itinulak diumano ng suspek ang biktima at tumama ang ulo sa sahig na dahilan ng kanyang pagkamatay.


Itinanggi naman ng suspek ang paratang laban sa kanya. Aniya, dahil sa katandaan ng kanyang ina ay nagwawala umano ito sa kalsada kaya naaksidente.


Desidido naman ang isang anak ng biktima na si Dionio na sampahan ng kaso ang kapatid.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page