top of page
Search

ni Lolet Abania | January 30, 2021




Inalis na ng Department of Agriculture (DA) ang pangamba ng publiko tungkol sa patuloy na pagtaas ng presyo ng karneng baboy.


Ayon kay DA Secretary William Dar, batay sa kanilang monitoring, mula sa mahigit P400 kada kilo ay naging P330 hanggang P350 kada kilo na lamang ang karneng baboy sa ngayon.


Aminado ang kalihim na sumirit nang husto ang presyo ng baboy sa Luzon dahil sa malawakang epekto ng sakit na African Swine Fever (ASF).


Sinabi ni Dar na nakikipag-unayan na ang ahensiya sa Department of Transportation (DoTr) at Maritime Industry Authority (MARINA) para sa shipping lines upang maibiyahe ang mga pork products nang libre.


May plano na rin ang DA sa problema ng ASF. Aniya, bibili ang ahensiya ng rapid test kits para sa ASF saka ipapamahagi sa mga local government units (LGUs) upang mapaigting ang surveillance at monitoring ng nasabing sakit.


Binanggit din ni Dar na nagsisimula na ring bumaba ang presyo ng mga gulay at katulad na produkto na labis na naapektuhan ang produksiyon dahil sa magkakasunod na bagyo na tumama sa bansa noong nakaraang taon.


Nangako rin ang kalihim na patuloy ang programa ng ahensiya na tutulong sa mga farmers cooperative upang mapaangat ang kabuhayan at agrikultura ng ating bansa.

 
 

ni Lolet Abania | January 21, 2021




Iminungkahi ng Department of Agriculture (DA) sa backyard at commercial na mga hog raisers na tiyaking makakuha ng insurance package para sa kanilang mga alaga upang masigurong makakarekober agad sakaling maapektuhan ng African Swine Fever (ASF).


“As the Department of Agriculture (DA) intensifies efforts to encourage hog raisers to get back to business and, ultimately, help pork production rebound, availing of an insurance coverage is a prudent safety net for existing raisers and for those in ASF-free areas who will venture into this business,” ani Agriculture Secretary William Dar sa isang statement ngayong Huwebes.


“Insurance offers stronger security in protecting one’s investments,” dagdag ni Dar.


Sinabi ni Dar na dapat samantalahin ng mga tagapag-alaga ang libreng livestock insurance na iniaalok ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ng DA.


“Regain your businesses and protect your livelihood,” aniya pa.


Ayon sa pangulo ng PCIC na si Atty. Jovy Bernabe, isinama ng DA-PCIC, nag-iisang agricultural insurance firm sa bansa, ang ASF sa mga iko-cover ng livestock insurance na sinimulan noon pang nakaraang taon nang kumalat ang nasabing sakit sa mga hayop sa mga probinsiya.


Ang PCIC ay magbibigay ng P10,000 insurance na sakop kada isang baboy at ang premium payment ay aabot lamang ng 2.25% o P225.


Para sa maliliit na backyard hog raisers, bibigyan sila ng libreng insurance kung sila ay nasa listahan ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).


Paliwanag ni Bernabe, ang insurance coverage ay iba sa tinatawag na ASF indemnification claims, kung saan ang mga benepisyaryo ay karapat-dapat na mabigyan ng P5,000 assistance kada baboy na na-culled.


Sinabi rin ni Bernabe na sa mga hog raisers na nais kumuha ng nasabing insurance, maaaring mag-online sa DA-PCIC website, o pumunta sa alinmang 13 regional offices, 58 provincial extension offices at 20 service desks.


Maaari ring humingi ng assistance sa provincial, city o municipal agricultural officer o sinumang opisyal ng kanilang lokalidad.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page